Inday TrendingInday Trending
Dinalaw ng Gurong Tagapayo ang Bahay ng Kaniyang Mag-aaral na Babae Upang Alamin Kung Bakit Hindi na Ito Pumapasok sa Paaralan: Ano Kaya ang Matutuklasan Niya?

Dinalaw ng Gurong Tagapayo ang Bahay ng Kaniyang Mag-aaral na Babae Upang Alamin Kung Bakit Hindi na Ito Pumapasok sa Paaralan: Ano Kaya ang Matutuklasan Niya?

Gulat na gulat ang hitsura ni Gelyn, 15 taong gulang, nang makita niya sa labas ng kanilang maliit na bahay ang gurong tagapayong si Gng. Tadifa. Nagsasagawa ito ng pagbisita sa mga mag-aaral na hindi na pumapasok o home visit.

“Ma’am Tadifa, magandang araw ho. Napadalaw ho kayo?”

“Gelyn, hija. Mangungumusta lang. Puwede ba akong makituloy? Nariyan ba ang mga magulang mo?”

“Nasa trabaho po silang pareho. Pasok po kayo Ma’am.”

Pumasok naman ang guro sa loob ng bahay. Bumungad kaagad sa kaniya ang magulo at maruming mga gamit na nakakalat sa loob ng bahay. Subalit ang mas nakakuha sa atensyon ng guro ay ang kuna ng sanggol. Mahimbing na natutulog ang isang sanggol.

“Pasensya na po kayo Ma’am, medyo magulo at makalat sa bahay. Upo po kayo. Ano pong gusto ninyo Ma’am, tubig po ba? Pasensya na po wala po kaming pagkain,” nahihiyang pagpapaumanhin ni Gelyn.

“Ayos lang ako, anak. Huwag mo akong alalahanin. Kayong dalawa lang pala ng kapatid mo?” tanong ni Gng. Tadifa, bagama’t mukhang alam na niya ang tunay na sagot.

Matagal bago nakasagot si Gelyn. “Hindi ko po siya kapatid, Ma’am. Anak ko po siya.”

Bagama’t may ideya na si Gng. Tadifa sa tunay na kalagayan at dahilan ni Gelyn kung bakit hindi na ito pumasok, kunwari ay wala siyang nalalaman tungkol dito.

“G-Ganoon ba. Kaya ka siguro hindi na nakakapasok pa, ano? Kumusta ka naman, Gelyn? Nasaan ang ama ng bata? Kasama mo ba?”

Napatungo na lamang si Gelyn.

“H-Hindi po kasi ako pinanagutan ng boyfriend ko Ma’am kaya mag-isa lang akong nagtataguyod sa anak ko po. Sa ngayon po, sina Nanay at Tatay ang naghahanapbuhay, doble-kayod po sila para po sa amin ni Baby.”

“Ganoon ba, anak. Sana naman, maipagpatuloy mo pa ang pag-aaral mo. Mas mabibigyan mo nang maayos at magandang buhay ang sarili at anak mo kapag nakatapos ka. Sayang naman Gelyn. Matalino ka pa namang mag-aaral.”

“Ma’am, parang nahihiya po kasi ako. Paano po ang baby ko? Sino po ang mag-aalaga sa kaniya? Puwede po ba siyang dalhin sa school? Nakakahiya po. Hindi po puwedeng tumigil sa pagtatrabaho ang mga magulang ko, marami po kaming gastusin.”

“Huwag mong intindihin ang sasabihin ng mga kaklase mo, Gelyn. Puwede mo naman sigurong dalhin ang anak mo sa school.”

“Sige, Ma’am, pag-iisipan ko po. Maraming salamat po. Ang totoo po niyan, gustong-gusto ko po talagang mag-aral. Ayoko pong huminto sana. Kaya lang po, wala pong magbabantay sa anak ko. Nasa estado po ako ngayon na pinapasu*so pa siya.”

Pag-uwi ni Gng. Tadifa, hindi mawala-wala sa isipan niya ang kalagayan ni Gelyn. Ang totoo niyan, nakikita niya ang sarili kay Gelyn. Maaga rin kasi siyang nagbuntis. Masuwerte na lamang at may kaya ang kanilang pamilya kaya hindi niya naging suliranin ang salapi, at ang pag-aalaga sa kaniyang anak, na ngayon ay malaki na rin naman.

Sa ngayon ay nakapag-asawa na siya at kapapanganak din lamang niya. Nagpapas*uso rin siya ng sariling anak. Masuwerte rin siya dahil tinanggap ng kaniyang napangasawa na may anak siya sa pagkadalaga.

Makalipas ang tatlong araw, nagulat si Gng. Tadifa nang makita si Gelyn sa loob ng silid-aralan. Pinagkukulumpunan ito ng mga kaklase, dahil isinama ni Gelyn ang kaniyang sanggol.

“Gelyn, welcome back! Mabuti at isinama mo ang baby mo. Mukha namang behave siya,” natutuwang sabi ni Gng. Tadifa kay Gelyn.

“Oo nga po Ma’am… sana po hindi siya umiyak mamaya, kasi po wala po akong mapagatas sa kaniya. Wala na po akong maipas*so sa kaniya. Sa akin lang po siya kumukuha ng gatas.”

“Kapag nangyari iyan, huwag kang mahihiyang magpunta sa akin sa faculty room. Ako na ang magpapas*so sa kaniya,” saad ni Gng. Tadifa.

“Talaga po? Naku Ma’am, nakakahiya naman po… huwag na po…”

“Hindi Gelyn, okay lang naman. Hindi ba’t nanganak din ako at may baby rin ako. Nagpapas*so rin akong gaya mo. Nakapag-ipon na ako kagabi kaya may masusus* naman ang baby ko sa bahay. Mamayang pag-uwi ko, tiyak na mayroon na ako ulit.”

Kaya naman sa tuwing umiiyak ang sanggol ni Gelyn, agad itong nagtutungo sa faculty room nina Gng. Tadifa. Mabuti naman at natataong bakante ito at walang klase. Ito ang nagpapas*so sa kaniyang anak kapag nagugutom na ito.

Tinuturuan din siya nito kung paano magpadighay ng anak, magpalit nang lampin, at malaman kung busog o gutom na ba ang sanggol.

At matuling lumipas ang panahon.

“Maraming-maraming salamat po Ma’am! Kung hindi po dahil sa pagpupursige at paniniwala ninyo sa akin, hindi ko po maipagpapatuloy ang aking pag-aaral. Ngayon po, buo na po ang desisyon kong magtuloy-tuloy sa kolehiyo para sa aking anak!” nangingilid ang luhang pasasalamat ni Gelyn sa kaniyang dating gurong tagapayo na si Gng. Tadifa.

Apat na taon na ang lumipas, at tapos na rin siya ng Senior High School. Malaki-laki na ang kaniyang anak at maaari na itong maiwanan sa bahay.

“Proud ako sa iyo, Gelyn. Isa kang mabuting ina. Hangad ko ang ikatatagumpay mo,” nakangiting sabi ni Gng. Tadifa sa kaniyang ‘kumare.’ Siya kasi ang ninang ng anak ni Gelyn.

Masayang-masaya siya para sa nangyari kay Gelyn at sa iba pang mga mag-aaral na naitama at nagabayan niyang tahakin pa rin ang tuwid na landas.

Advertisement