Inday TrendingInday Trending
Pinaghinalaan ng mga Anak Ang Namumuong Relasyon sa Pagitan ng Kanilang Biyudong Ama at Seksing Sekretarya; Magkarelasyon Nga Ba Sila?

Pinaghinalaan ng mga Anak Ang Namumuong Relasyon sa Pagitan ng Kanilang Biyudong Ama at Seksing Sekretarya; Magkarelasyon Nga Ba Sila?

“Hindi maganda ang pakiramdam ko sa sekretarya ng Papa nang minsang dumalaw ako sa kaniya. Palagay ninyo ba, nagmumurang-kamatis ang Papa?”

Iyan ang pahayag ni Althea sa kaniyang mga kapatid na sina Lorrea at Mauricio nang sila ay magpatawag ng pagpupulong sa kaniyang mga kapatid, upang ipabatid dito ang kaniyang pananaw.

May kaniya-kaniya na kasing pamilya ang tatlo, at ang naiwan na lamang sa mansyon ay ang Papa nila, na aktibo pa rin sa pagpapatakbo ng kanilang kompanya bilang CEO.

Nang minsang dumalaw si Althea sa kaniyang Papa, napansin niyang nasa loob ng kuwarto nito ang sekretarya nitong maganda, seksi, at batambata pa. Napansin din niyang laging nakabuntot ang sekretaryang ito na nagngangalang Margie, sa kanilang Papa.

“Malakas ang kutob ko na may namamagitan sa kanilang dalawa. May sekretarya bang halos 24/7 na nasa mansyon? Ano siya, yaya? Baka mamaya niyan magkaroon tayo ng madrastang mas bata pa sa atin,” giit pa ni Althea sa kaniyang mga kapatid.

“Ate, sa palagay ko, wala naman sigurong masama kung iibig ulit ang Papa. Matagal nang wala ang Mama, at palagay ko naman, deserve din naman niyang maging masaya. Malay mo naman naaalagaan siya ng sekretarya niya,” sansala naman ni Lorrea.

“Ano ka ba naman Lorrea, ano na lamang ang sasabihin ng mga tao? Malaking eskandalo ito. CEO ang Papa at tiyak na mapag-iisipan din nila nang masama yung babae, sasabihin gold digger. Saka, gugustuhin ba ninyo na may makahati pa tayo sa mga mamanahin natin?” paliwanag ni Althea.

“Anong balak mo ngayon, ate?” tanong ni Mauricio.

“Ako na’ng bahala. Balak kong tumira muna sa mansyon para maobserbahan sila. Tamang-tama naman dahil work from home naman ako ngayon kahit na nakabakasyon ako. Doon muna ako magbabakasyon. Gusto kong maobserbahan ang galaw ng sekretarya na iyan.”

Gayon na nga ang nangyari. Habang nasa opisina ang kaniyang Papa, nagtungo na si Althea sa mansyon at sinabihan ang mga kasambahay na huwag ipaalam sa kaniyang Papa na naroon siya sa mansyon.

Kaya naman gulat na gulat ito nang umuwi sa mansyon at madatnan ang panganay na anak sa mansyon. Kasama nito ang sekretaryang si Margie.

“Althea, dito ka kayo magbabakasyon muna?” usisa ng kaniyang Papa.

“Oo, Pa. Gusto ko munang makapagpokus. Wala naman sigurong kokontra ‘di ba? Teka muna, napakasipag naman ng sekretarya mo, na kahit tapos na ang mga trabaho sa opisina, eh narito pa siya sa bahay?” sarkastikong sabi ni Althea.

“Opo Ma’am Althea. Marami pa po kasing nakabinbing trabaho si Sir, kaya doon po kami sa opisina niya sa kuwarto gagawa,” magalang at nakangiting tugon naman ni Margie.

Kaya naman, hindi mapakali si Althea nang makita niyang pumasok na sa loob ng kuwarto ang kaniyang Papa kasama si Margie. Agad niyang tinawagan ang mga kapatid.

“Sa ngayon ay nasa loob sila ng kuwarto ni Papa. Nakakapagtaka na stay in dito ang sekretarya niya at laging nakabuntot sa kaniya. Palagay ko ay may ginagawang milagro ang dalawang iyan. Mukhang oportunista yung babae eh,” balita ni Althea sa kaniyang mga kapatid sa pamamagitan ng video call.

“Mabuti pa ate, komprontahin mo na kaagad para magkaalaman na,” mungkahi naman ni Mauricio. Bagay na sinang-ayunan niya.

Kaya nang lumabas ng kuwarto ng kaniyang Papa si Margie at nagtungo sa kusina, agad itong kinompronta ni Althea.

“May relasyon ba kayo ng Papa ko?”

Hindi nakahuma si Margie.

“M-Ma’m… nagkakamali po kayo…”

Hindi na natapos ni Margie ang sasabihin nang biglang magwala ang Papa ni Althea na para bang may iniinda itong karamdaman. Maliksi ang kilos ni Margie. Agad itong nagtungo sa kuwarto. Sumunod naman si Althea. At hindi niya inaasahan ang masasaksihan.

Namimilipit sa sakit ang kaniyang Papa, sa bandang tuhod nito. Kinuha ni Margie ang ineksyon at itinurok dito. Maya-maya, humupa na rin ang pagdaramdam nito at kumalma na.

“H-Hindi ka sekretarya…” nakumpirma ni Althea batay sa mga galawan ni Margie.

“Hindi po Ma’am. Tama po kayo. Personal nurse po ako ng Papa ninyo. Ayaw niyang ipaalam sa inyo ang malala niyang kalagayan. Pero ngayon po, alam na ninyo ang lahat. Kaya po ako dito natutulog at laging kasama ni Sir, ay dahil kailangan ko po siyang alalayan at imonitor araw-araw, ayaw niya kasing magpa-confine sa ospital,” paliwanag ni Margie.

Agad na pinatawag ni Althea ang kaniyang mga kapatid at ipinagtapat sa kanila ang mga natuklasan tungkol sa tunay na kalagayan ng kanilang Papa.

“Pasensya na kayo mga anak. Gusto ko lang labanan ito nang sarilinan at ayoko na kayong abalahin pa. May mga sarili na kayong pamilya, at alam kong masakit pa sa inyo ang pagkawala ng inyong Mama. May k*nser ako sa bone marrow ko sa tuhod,” paliwanag ng kanilang Papa.

“Kaya ang sabi ko kay Nurse Margie, magpanggap lamang siyang sekretarya ko para hindi mag-alala ang board members ng kompanya at ang mga empleyado sa tunay na kalagayan ko.”

Humingi naman ng dispensa ang magkakapatid kay Margie dahil sa maling hinala nila rito.

Inalagaan naman ng magkakapatid ang kanilang Papa hanggang sa maisagawa ang bone marrow transplant sa buto nito sa tuhod, hanggang sa ito ay tuluyang gumaling. Ipinangako nila sa kanilang ama na ngayon ay mas magbibigay sila ng oras para rito, at hinding-hindi na sila maghihinala ng kung anu-ano.

Advertisement