Sa limang kaibigan ng binatang si Rodolfo, tatlo na sa mga ito ang nagsasabi sa kaniyang tigilan na ang pagpapakat*ngang ginagawa niya para sa dalagang gustong-gusto niya pero hindi naman siya binibigyan pansin.
Tatlong taon na kasi ang nakalipas simula nang magpasiya siyang umamin sa naturang dalaga ngunit hanggang ngayon, wala pa rin siyang nakukuhang tugon mula rito. Ni hindi niya alam kung gusto rin ba siya nito o hindi, kung may pag-asa ba siya rito o wala, at kung papayagan pa siya nitong manligaw o hindi.
Sa pinapakita ng dalaga sa kaniya, tila masasabi niya talagang wala na siyang pag-asa dahil bukod sa palagi siya nitong hindi pinapansin, bali-balita niya’y gusto raw nitong mag-madre pagkatapos nitong mag-aral sa kolehiyo.
“Diyos ko, Rodolfo, kung ako sa’yo, hahanap na lang ako ng ibang babaeng pagtutuunan ko ng pansin kaysa ilang taon akong umasa sa babaeng hindi naman ako pinapansin!” sambit ng kaibigan niyang si Jeje nang kanilang malaman ang pangarap nitong propesyon.
“Hindi ko na rin alam sa sarili ko, eh. May parte sa puso ko na gusto ko nang kalimutan si Athena pero mas malaki ang parte na nagsasabi sa aking maghintay ako,” tapat niyang sabi habang sila’y naglalaro ng computer games.
“Isa na namang kat*ngahan ang lumabas sa bibig mo! Gumising ka na, Rodolfo! Tatlong taon na simula no’ng sinurpresa natin ‘yang babaeng ‘yan at sabihin mong gusto mo siya! Pero hanggang ngayon, para ka pa ring hangin sa kaniya!” galit na sabat ng isa niya pang kaibigan.
“Hayaan niyo siguro, hindi rin naman ako nagmamadali, eh. ‘Ika nga nila, kapag hinintay mong mahinog ang bunga, mas matamis ang magiging lasa nito!” positibo niyang sagot na ikinailing ng kaniyang mga kaibigan.
“Ewan ko sa’yo, Rodolfo! Basta kapag nagising ka na, sagot ko na ang alak, ha!” tugon pa ni Jeje na ikinatawa ng lahat.
Kahit ganoon na ang sinasabi ng kaniyang mga kaibigan, pinagpatuloy niya pa rin ang panunuyo sa dalaga. Palagi pa rin siyang bumubuntot dito, nagbibigay ng kahit anong makakain at kaniya pa rin itong pilit na kinakausap kahit anong taboy ang gawin nito sa kaniya.
“Balang araw, malalaman ko rin kung anong dahilan sa mga aksyong pinapakita mo. Sana sa araw na ‘yon, mahal pa rin kita,” sa isip-isip niya matapos siyang paalisin ng dalaga sa lamesang kinakainan nito.
Pinagpatuloy niya ang paghihintay sa dalaga hanggang sila’y makapagtapos na ng kolehiyo. Hindi man niya na ito araw-araw na nakikita, araw-araw niya naman itong pinapadalhan ng mensahe kahit hindi ito tumutugon.
Hanggang sa isang araw, habang siya’y nag-aayos ng mga dokumentong kailangan niyang ipasa sa kumpanyang tumanggap sa kaniya, siya’y biglang nakatanggap ng kauna-unahang mensahe mula sa dalaga.
“Pwede ka ba mamayang gabi, Rodolfo? May sasabihin sana ako,” maikli nitong mensahe na nagbigay sa kaniya ng matinding kaba.
“Baka sasabihin na niyang magmamadre siya o baka namang gusto niya na talaga akong patigilin sa pangungulit sa kaniya? Wala na ba talaga akong pag-asa?” pangamba niya.
Kahit pa ganoon, sumang-ayon pa rin siya gusto nito at sila’y nagkita sa parke malapit sa unibersidad na pinag-aralan nila. Pagdating niya, naghihintay na roon ang dalaga. May bitbit-bitbit itong isang kahon ng cake na ikinapagtaka niya.
“Anong mayroon, Athena? May problema ka ba?” tanong niya rito ngunit imbis na sumagot, iniabot lang sa kaniya nito ang naturang kahon.
Hindi nga siya nagkamali, cake nga ang nasa loob nito ngunit nang basahin niya ang nakasulat sa mismong cake, siya’y agad na napatingin sa dalaga.
“Ito ang date ngayon, ha? A-anong ibig sabihin nito?” muli niyang tanong habang kumakabog ang kaniyang dibdib.
“Gusto naman talaga kita, Rodolfo, eh. Ayoko lang na magnobyo agad dahil nangako ako sa mga magulang kong magtatapos muna ako at maghahanap ng trabaho bago magnobyo. Kaya ngayong natupad ko na ang dalawang iyon, sinasagot na kita. Pasensya na sa pagbabalewalang ginawa ko no’n sa’yo na kahit ako, nasasaktan din,” diretsahang sabi nito sabay yakap sa kaniya na talagang ikinasigaw niya nang malakas dahil sa sobrang tuwa.
“Sabi na, eh, may patutunguhan ang paghihintay ko!” iyak niya na labis na ikinatawa ng dalaga.
Oramismo, binalita niya ito sa kaniyang mga kaibigan na halos hindi makapaniwala kaya agad na nagsipuntahan sa parkeng iyon. Nang makita ng mga ito na todo yakap ang dalaga sa kaniya, roon na siya kinamayan ng mga ito at silang lahat ay nagdiwang.
Nakalaan lang ang masayang pag-ibig sa mga taong nakapaghihintay. Katulad ng manggang hinihintay pang mahinog bago pitasin, ang pag-ibig ay ganon din.