Inday TrendingInday Trending
Pilit Niyang Iniinis ang Ina para Umingay sa Kanilang Bahay; Nagulat Siya nang Umiyak Ito sa Ginawa Niya

Pilit Niyang Iniinis ang Ina para Umingay sa Kanilang Bahay; Nagulat Siya nang Umiyak Ito sa Ginawa Niya

Hilig ng binatang si Christian na pagtrip-an ang kaniyang ina. Tuwing nagagalit kasi ito, bukod sa pagbubunganga nitong abot hanggang sa loob ng bahay ng kanilang mga kapitbahay, kung anu-anong gamit pa ang naibabato nito sa kaniya na talagang nakapagpapasaya sa araw niya.

Silang dalawa na lamang kasi ang naninirahan sa kanilang bahay simula nang atakihin sa puso ang kaniyang ama na ngayon ay tatlong taon na sa langit dahilan para siya’y labis na matuliro at mabingi tuwing tahimik ang kanilang bahay.

Nang nabubuhay pa ang kaniyang ama, ang pang-iinis din sa kaniyang ina ang kinawiwilihan nito kaya sobrang ingay ng kanilang bahay. Magugulat na lang siyang may lilipad nang tsinelas o pinggan sa ulo niya, o kaya nama’y makikita niya na lang na nag-iihit na kakatawa ang kaniyang ama dahil sa pagbubunganga ng kaniyang ina na maya maya lang ay tatawa na rin nang napakalakas lalo na kapag nasaktan na ang kaniyang ama.

Kaya naman ngayong dalawa na lang sila, hindi niya maiwasang inisin ang ina. Kada may makikita siyang pinagkakaabalahan nito, gagawin niya ang lahat para mainis ito o magalit sa kaniya.

Katulad na lang nang makita niya itong nagtatanim ng mga buto sa kanilang bakuran, imbis na tulungan niya itong magtanim, binungkal niya ang mga butong tinanim nito at kaniyang pinagtatapon sa kanal na talagang ikinainis nito. Hinabol siya nito kung saan man siya magpunta saka siya pinagpapapalo ng maliit na pala nang siya’y maabutan.

Hindi pa siya roon nasiyahan dahil ilang linggo lang ang lumipas, habang naghihilom ang mga pasang natamo niya mula sa palo ng ina, kinalbo niya naman ang mga alaga nilang aso na mahal na mahal nito.

“Kulang ka ba talaga sa pansin, Christian, ha? Naiinis na ako sa’yo! Kung wala kang magawa sa bahay na ‘to, umalis ka na lamang! Nananahimik ang aso, kakalbuhin mo!” sigaw nito habang binabato siya ng mga unan sa kanilang sofa.

Wala siyang ibang ginawa no’n kung hindi ang umiwas at tumawa nang tumawa dahil sa galit na galit na mukha ng kaniyang ina. Tanong niya pa rito habang tawa nang tawa, “Sino bang mas mahal mo, mama? Iyang mga asong ‘yan o ako?”

“Itong mga aso s’yempre!” sigaw nito na lalo niyang ikinahalakhak.

Pinagpatuloy niya ang pang-iinis na iyon sa kaniyang ina para lamang maging maingay ang kanilang bahay.

Isang araw, matapos niyang gawin ang kaniyang trabaho, dali-dali siyang bumaba sa kanilang sala kung nasaan ang kaniyang ina. Naabutan niya itong pinagmamasdan ang isang sumbrerong pangbabae na gawa sa gantsilyo at doon niya agad na naisip na gamitin ito upang inisin ang ina.

Dali-dali siyang lumapit dito saka naglambing na gusto niya ng meryenda. Ito ang dahilan para bitawan ng kaniyang ina ang hawak na sumbrero at magpunta sa kusina upang siya’y ipaghanda ng makakain. Nang masiguro niyang hindi na nakatingin ang ina, agad niyang binaklas ang pagkakabuhol ng gantsilyo kaya unti-unting nawala sa korte ang naturang sumbrero.

Bago niya pa ito maipakita sa ina, nagulat na lang siya nang dahan-dahan nitong kinuha ang sumbrerong sira sa kaniyang kamay saka agad na nagkulong sa sariling silid.

Siya’y labis na nagtaka sa ikinilos nito. Dapat kasi, agad na siya nitong sasampalin o hahampasin ng kung anong bagay saka siya labis na bubungangaan. Upang malaman niya ang dahilan, agad niya itong sinundan sa silid.

Ngunit bago pa siya makapasok doon, narinig na niya ang mga hikbi nito na talagang ikinapag-alala niya.

“Mama, naiyak ka ba? Huwag ka nang umiyak d’yan, akin na ‘yan, gagawin ko ulit, mama. Magaling ako manggantsilyo!” sabi niya rito ngunit imbis na sumagot o magbunganga, lalo lang itong umiyak, “Mama, ano bang nangyayari sa’yo? Tumahan ka na, pakiusap! Pangako, hindi na kita iinisin, huwag ka lang umiyak nang gan’yan!” sabi niya pa rito.

“Ito ang unang regalo sa akin ng tatay mo noong nagliligawan pa rin kami. Walang-wala siyang pera no’n pero gusto niya akong bigyan ng regalo kaya ito ang ginawa niya. Ngayong wala na siya, ito lang ang nagpapaalala sa akin kung gaano niya ako kamahal,” hagulgol nito na talagang ikinakonsensya niya.

Wala siyang ibang nagawa noon kung hindi ang yakapin ang ina habang hinihimas-himas ang ulo nito. Nang mahimasmasan ito, agad niyang ginawa ang sinara niyang sumbrero habang patuloy na humihingi ng tawad sa ina.

Simula noon, hindi na niya muling iniinis pa ang ina dahil ayaw niya na itong muling makitang umiiyak at tuwing gusto niyang marinig ang ingay na nagagawa ng bibig nito, imbis na kaniya itong inisin, niyayaya niya na lamang itong maglaro ng baraha, mag-videoke, at kung ano pang gawaing ikinasasaya nito.

Sa pamamagitan nito, mas lalo na niyang naging kadikit ang kaniyang ina, naibigay niya pa rito ang sayang hindi lang siya ang nakikinabang.

Ang pinakaimportante sa lahat, napagtanto niyang siya na ang “haligi” ng kanilang tahanan kaya naman kailangan na niyang iwasan ang mga walang kwenta at walang katuturang mga kalokohan na hindi naman nakakatulong sa kanilang mag-ina.

Advertisement