Sinasamantala ng Lalaki ang Kapangyarihan Bilang Isang Traffic Enforcer; Nakahanap Siya ng Makakatumbas Niya
Pinagkakakitaan nang doble ng ginoong si Fidel ang kaniyang trabaho. Bukod sa kada kinsenas niyang sahod mula sa trabaho niya bilang isang traffic enforcer, ginagamit niya pa ang sariling propesyon upang makakuha ng pera mula sa mga motoristang lumalabag sa batas trapiko.
Lahat ng nalilikom niyang pera mula sa mga motoristang ito ay agad niyang sinisilid at dinidiretso sa sariling bulsa na kaniyang ginagamit pangdagdag sa mga bayarin at pambili pangangailangan ng kaniyang mag-iina.
Sa katunayan, kapag napapansin na niyang malapit nang matapos ang oras ng kaniyang pagtatrabaho at wala pa siyang nabibigyan ng tiket sa mga motoristang dumadaan sa lugar kung saan siya nakatoka, gumagawa na siya ng paraan upang kumita.
Madalas, kahit wala namang nilabag ang isang motorista, basta’t matiyempuhan niya ito, kaagad niya itong bibigyan ng tiket para lamang siya’y magkapera.
Alam man niyang mali ang kaniyang ginagawa at maaari siyang matanggal sa trabaho’t makasuhan sa pangongotong na ginagawa niya, panay pa rin ang pagsasagawa niya ng ganitong klaseng aksyon para lamang may dagdag siyang kita.
Marami man din ang mga motoristang pilit na nakikipagtalo sa kaniya dahil nga alam nilang wala silang nilabag na batas trapiko, tinatakot niya ang mga ito na sa presinto na lamang sila mag-usap. Ito ang dahilan para madalas, piniliin na lamang ng iba na magbayad sa kaniya kaysa magkaroon ng record sa pulisya.
Wala namang mapagsidlan ang kasiyahan niya tuwing nakakalikom siya ng isang libong pisong kotong kada araw. Malaking halaga na ito para sa kaniya lalo na’t siya lang ang bumubuhay at tanging sinasandalan ng kaniyang mag-iina. Kapag mas malaki ang kaniyang nalikom na pera, agad-agad siyang dadaan sa letchunan upang ibili ng masarap na ulam ang kanilang pamilya.
“Mukhang malaki-laki ang nalikom mong pera ngayon, mahal, ha?” sabi ng kaniyang asawa, isang gabi nang umuwi siyang may bitbit-bitbit na lechong manok at inihaw na bangus na kaniyang paborito.
“Huwag kang maingay, marinig ka ng mga bata!” saway niya rito.
“Mag-ingat ka, mahal, ha? Baka mamaya, ang gawain mong iyan ang maglagay sa’yo sa peligro,” paalala nito na imbis na pakinggan niya, tinawanan lamang niya saka agad na tinawag ang kanilang mga anak upang sabay-sabay na silang kumain.
Kinabukasan, muli na naman niyang isinakatuparan ang pinagkakakitaan niyang iyon. Nang makita niyang nagkulay berde na ang stop light na binabantayan niya at may isang taxi na nahirapang umandar kaagad, agad niya itong nilapitan at binigyan ng tiket na nagkakahalaga ng limang daang piso.
“Boss, wala pa akong isang minutong nakatigil, may tiket na ako agad?” alma nito.
“Anong walang isang minuto? Maglilimang minuto ka nang nakatigil dito, eh! Hindi mo ba alam na bawal tumigil dito ang mga sasakyan? Naghahanap ka lang ng maisasakay kaya ka natigil, eh!” pagsisinungaling niya sabay lantad ng kaniyang kamay upang mag-abot na ito ng pera.
“Ay, huwag kang magsinungaling para lang magkapera! May kamera ako rito, boss, at kitang-kita rito kung ilang segundo lang ako nahuling umandar!” giit nito saka tinuro ang kaniyang dash cam.
“Huwag akong takutin! Alam nating dalawa kung sino ang may mali! Gusto mo bang sa presinto na lang tayo mag-usap at mahila ‘yang sasakyan mo?” pananakot niya rito kahit siya’y nakakaramdam na ng kaba.
“Sige! Sa presinto na lang tayo mag-usap para matanggal na ang isang mapagsamantalang katulad mo! Pareho-pareho tayong may pamilyang pinapakain, tapos hindi ka lalaban nang patas sa buhay? Anong klaseng padre de pamilya ka?” sigaw nito na ikinatahimik niya na lamang, ito kasi ang unang beses na may lumaban sa kaniya.
“Sige na, sige na, alis ka na. Nagdudulot ka pa ng trapiko rito!” sabi niya rito na ikinailing nito ngunit imbes na umalis, lumabas pa sa sasakyan ang drayber at siya’y inakbayan.
“Boss, hindi mo ikakaunlad ang panlalamang sa kapwa. Pasalamat ka, ayokong mawalan ng pagkain sa lamesa ang mag-iina mo kaya hindi ako magsusumbong sa pulisya. Paano na lang kung walang awang drayber ang nakabangga mo ngayon? Edi kawawa ka na, gutom pa ang pamilya mo. Tumigil ka na sa gan’yang gawain, boss, bago ka pa singilin ng karma,” bulong nito sa kaniya saka siya tinapik-tapik sa balikat dahilan para siya’y labis na makonsensya.
Ilang minuto pa ang lumipas bago siya tuluyang makakilos dahil sa mga sinabi nito at nang napag-isip-isip niyang tama nga ang sabi ng naturang drayber, agad niyang pinagako sa sarili na hindi na muling gagawin ang bagay na iyon hindi lang para sa sarili niyang kapakanan, kung hindi pati na rin sa kaniyang buong pamilya.
Simula noon, naging patas na nga siya sa pagpapatupad ng batas trapiko. Hindi man kasing laki ang perang sinasahod niya, naipagmamalaki niyang galing naman ito sa kaniyang sipag at tiyaga na ikinatuwa rin ng kaniyang asawa.