Todo Sumbat ang Lalaki sa Kaniyang mga Magulang; Darating ang Araw na Mararanasan Niya Rin Ito
Kahit may sariling pamilya na si Lucky, siya pa rin ang tanging inaasahan ng kaniyang mga magulang na parehas nang mahina ang katawan at ang dalawa niya pang kapatid na parehas na nag-aaral. Siya ang nagbibigay ng pangkain, baon, at pambili ng gamot sa mga ito pwera pa ang gastusin niya sa kaniyang sariling pamilya dahilan para ganoon na lamang siya mabigatan sa responsibilidad na ito.
Kaya lang, ganito man ang pagsasakripisyong kaniyang ginagawa para sa pamilyang kaniyang pinagmulan, katakot-takot na panunumbat naman ang ginagawa niya sa mga ito, lalo na sa kaniyang mga magulang na pakiwari niya ay ang nagpapabigat sa kaniyang mga balikat.
Sa tuwing magpupunta ang mga ito sa kanilang bahay upang humingi ng panggastos sa kaniya, hindi siya nagdadalawang-isip na sermunan at sumbatan ang mga ito kahit pa sa harap ng kaniyang mga anak.
“Hayaan mong marinig ng mga anak mo para malaman nila kung gaano ako pinapahirapan ng lolo’t lola nila. Isipin mo, pati gamot at pambili ng pagkain nila, sa akin pa inaasa! Wala ba akong pamilyang binubuhay?” parinig niya sa mga magulang habang binibilang niya ang perang iaabot sa mga ito.
“Pasensya ka na, anak, ikaw na lang talaga ang maaari naming lapitan, eh, nag-aaral pa ang mga kapatid mo tapos parehas pa kaming may sakit na iniinda kaya hindi makapagtrabaho,” mahinang sagot ng kaniyang ina habang inaalalayan ang ama niyang nanghihina dahil sa kahihiyan at galit na nararamdaman.
“Kailan ba kayo mawawala sa mundong ‘to para gumaan-gaan naman ang buhay ko?” patawa-tawa niya pang sabi saka niya iniabot ang pera na ikinatungo na lamang ng mga ito.
Isang taon lang ang lumipas matapos ang usapan nilang iyon ng kaniyang mga magulang, sabay na nawala ang kaniyang mga magulang dahil sa mga gamot na hindi iniinom ng mga ito na bunga ng kaniyang mga panunumbat at imbes na magluksa, nakaramdam pa siya ng kaginhawaan sa dibdib dahil bukod sa nabawasan ang kaniyang gastusin, natuto ring magtrabaho ang kaniyang mga kapatid habang nag-aaral na talagang ikinatuwa niya.
Kaya lang, hindi niya lubos akalaing paglipas pa ng sampung taon, kung kailan nasa kolehiyo na ang kaniyang mga anak, siya naman ay naaksidente at naging baldado. Nawala pa ang kaniyang asawa na angkas niya sa motorsiklo dahil sa aksidenteng iyon.
At dahil nga wala nang aasahan pa ang dalawa niyang anak, napilitan ang kaniyang panganay na tumigil sa pag-aaral upang magtrabaho at siya’y alagaan.
Dito na niya naranasan ang sakit na naramdaman ng kaniyang mga magulang nang sinusumbatan niya ang mga ito dahil bawat galaw ng anak niya, palagi rin itong may kaakibat na sumbat.
“Anak, hindi mo naman ako kailangang sumbatan. Baldado lang ang tatay, pero may emosyon pa rin ako,” seryoso at mahina niyang sabi sa anak matapos nitong isumbat sa kaniya ang laki ng nagastos nito sa gamot na kailangan niya.
“O, bakit? Hindi ba’t ganito rin ang ginagawa mo dati kila lolo? Sa katunayan, ikaw pa nga ang dahilan bakit sila nawala eh! Imbis na malungkot ka at makonsensya, natuwa ka pa! Gaano ka kasama, tatay? Tapos ngayong nararamdaman mo ang sakit ng ginagawa mo sa kanila, mag-iinarte ka at magpapanggap na mabuting ama?” tuloy-tuloy nitong wika na talagang ikinadurog ng pagkatao niya.
Doon niya labis na napagtanto kung gaano siya kasamang anak at magulang. Wala siyang ibang magawa kung hindi ang maiyak at paulit-ulit na humingi ng tawad sa mga magulang niyang nasa langit na. Habang siya’y umiiyak dahil sa matinding pangongonsenya, nagulat siya nang bigyan siya ng panyo ng anak niyang ito at humingi ng tawad sa kaniya. Sabi pa nito, “Ayokong matulad sa’yo, papa, na sa huli pa magsisisi at hihingi ng tawad. Ayoko ring maranasan kung anong nagawa ko sa’yo kanina dahil lang sa pagod na mayroon ako. Pasensya na, papa, pangako, aalagaan na kita nang tama at gagawin ko ang lahat para maiparamdam ko sa’yo ang pagmamahal ko,” na lalo niyang ikinahagulgol.
Wala man siyang magawa noon upang mapagaan ang loob ng kaniyang mga magulang na hindi niya napakitunguhan nang maayos, araw-araw niya na lamang pinagdasal ang mga ito at patuloy na lumaban sa buhay para sa kaniyang mga anak.
Ilang taon pa ang lumipas, tuluyan na siyang gumaling at muling sumabak sa pagbabanat ng buto habang nagpatuloy naman sa pag-aaral ang kaniyang panganay na anak.
Dito na niya halos araw-araw nadalaw ang puntod ng kaniyang mga magulang at asawa na talagang nakapagpagaan sa kaniyang kalooban.