Inday TrendingInday Trending
Nakunan Siya sa CCTV habang Kinakapkapan Niya ang Kaniyang Walang Malay na Boss; Nakapagtatakang Gantimpala pa ang Matatamo Niya dahil Doon

Nakunan Siya sa CCTV habang Kinakapkapan Niya ang Kaniyang Walang Malay na Boss; Nakapagtatakang Gantimpala pa ang Matatamo Niya dahil Doon

“Sir, nand’yan po ba kayo sa loob?” tanong ni Mang Arnel sa kanilang boss sa pangatlong beses. Nakailang katok na siya sa opisina nito, ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring sumasagot mula sa loob. Samantalang kanina lang umaga, nang makasalubong niya ito ay binilinan siya nitong puntahan ang kaniyang opisina upang malinis, dahil anito’y binabahing na raw siya sa alikabok.

“Sir, papasok na po ako!” muli ay aniya sa mas malakas nang tinig, ngunit gaya ng mga nauna niyang pagsasalita ay wala pa rin siyang natanggap na sagot.

Dahil doon ay hindi na naiwasan pa ni Mang Arnel na mag-alala. Matagal na siyang nagtatrabaho sa kompaniyang ito bilang isang dyanitor kaya naman saulado na niya ang lahat ng tungkol sa loob ng kompaniyang ito, pati na rin sa mga boss na matagal na rin niyang pinagsisilbihan. Dahil doon ay alam ni Mang Arnel na mayroong sakit na iniinda ang kaniyang boss at madalas itong mawalan ng malay sa tuwing ito ay masosobrahan sa pagod.

Naglakas na siya ng loob na pasukin ang naturang opisina, at nang makita niyang nakahandusay sa lapag ang may-ari ng pinagtatrabahuhang kompaniya ay hindi na siya nag-isip pa. Kinapkapan niya ito mula ulo hanggang paa, upang hanapin ang gamot na iniinom nito sa tuwing ito ay makadarama na ng hindi magandang pakiramdam. Minsan na rin kasi siyang sinabihan nito tungkol sa mga gamot na iniinom nito, nang siya lang ang makita nitong tao noong isang beses na atakihin din ito sa opisina.

Nang hindi matagpuan ni Mang Arnel ang naturang gamot sa katawan ng kanilang boss ay nagsimula na siyang maghanap sa drawers ng office table nito, maging sa bag nito at sa wakas ay natagpuan niya rin ang hinahanap! Doon ay napainom niya ito sa wakas ng nararapat na gamot.

Samantala, nang mga sandaling ’yon ay kababalik lamang ng sekyu na naka-duty sa security monitoring room ng kompaniyang ’yon mula sa saglit na pagbabanyo. Dahil doon ay agad niyang napansin ang CCTV mula sa opisina ng kanilang boss at nagulat siya nang makitang kinakapkapan ito ni Mang Arnel!

Agad siyang tumawag ng back up upang hulihin ang janitor nang hindi man lang tinatapos muna ang panunuod sa naturang kuha ng CCTV. Agad silang sumugod sa naturang opisina upang hulihin ang dyanitor!

Ipinagtaka naman ng mga guwardiya ang naabutan nilang senaryo doon. Ngayon kasi ay nakaupo na sa kaniyang swivel chair ang may-ari ng kompaniyang pinagtatrabahuhan nila at kinakamayan nito si Mang Arnel…

“Sir, mawalang galang na po, pero nakita po namin sa CCTV na kinakapkapan niya kayo habang wala kayong malay at nakahandusay rito sa sahig. Mukha pong balak niya kayong pagnakawan, kaya bakit kinakamayan n’yo siya? Balak nga po sana namin siyang hulihin, e,” takang tanong ng isa sa mga guwardiyang akma sanang huhuli kay Mang Arnel dahil sa nakita.

Pumalatak naman ang kanilang boss bago sumagot, “tinapos n’yo bang panuorin ’yong buong kuha?” tanong pa nito na agad namang ikinailing ng tatlo.

“Kung ganoon, muntik na kayong magkamali ng paghuli kay Mang Arnel, dahil lang sa maling akala. Ang totoong dahilan lang naman kung bakit niya ako kinakapkapan ay dahil hinahanap niya ang gamot ko.” Itinaas pa ng kanilang boss ang isang banig ng mga gamot na tableta upang ipakita ’yon sa naturang mga guwardiya. “Kung hindi sana ginawa ’yon ni Mang Arnel, malamang ay may mas malubha pang nangyari sa akin, kaya naman ngayon ay nagpapasalamat ako sa kaniya.”

Napakamot sa ulo ang mga guwardiyang muntik nang humuli sa butihing dyanitor bago sila magkakasunod na humingi ng paumanhin kay Mang Arnel. Pagkatapos no’n ay inanunsyo ng kanilang boss na bibigyan niya ito ng gantimpala para sa maagap nitong pagkilos upang mailigtas ang kaniyang buhay. Binigyan nito ng isang pangkabuhayan showcase ang mabait na dyanitor, at itinaas pa ang sahod nito. Tuwang-tuwa naman si Mang Arnel at laking pasasalamat niya sa ibinigay ng kanilang amo! Iba talaga ang biyayang hatid ng paggawa ng kabutihan sa kapwa.

Nagsilbing inspirasyon at huwaran si Mang Arnel sa kaniyang mga kasamahan sa trabaho buhat noon, habang ang mga guwardiya naman ay natutong alamin muna ang buong pangyayari bago sila kumilos at humusga upang sa susunod ay maiwasan na nilang maulit pa ang pangyayaring katulad nito.

Advertisement