Inday TrendingInday Trending
Hindi Mapikon-Pikon sa Kaniya ang Kaniyang Kaaway kaya naman Naisipan Niyang Idamay ang Anak Nito; Pagsisisihan Niya nang Malaki ang Kaniyang Ginawa

Hindi Mapikon-Pikon sa Kaniya ang Kaniyang Kaaway kaya naman Naisipan Niyang Idamay ang Anak Nito; Pagsisisihan Niya nang Malaki ang Kaniyang Ginawa

Inis na inis na naman si Veronica habang nakatitig sa screen ng kaniyang cellphone. Nag-post na naman kasi ng panibagong picture ang kapitbahay niyang si Erin at doon ay ipinapakita nito ang bagong luto nitong lasagna bilang ‘meriyenda’ ’di umano ng kanilang pamilya.

“Ang yabang!” naiinis na komento niya pa. Hindi naman siya makapagkomento man lang doon dahil baka mahalata ni Erin ang ‘dummy account’ na ginagamit niya para lang subaybayan ang mga posts nito sa social media. Naka-block na kasi sa account nitong ’yon ang tunay na peysbuk ni Veronica, dahil sa masasamang komentong iniiwan niya noon sa mga posts nito na ni hindi naman nito pinagtutuunan ng pansin. Wala itong pakialam sa kaniya at hindi ito naaapektuhan sa anumang sinasabi niya.

“May paluto-luto pa ng lasagna para lang magyabang! Nakakairita!” galit na aniya kahit hindi naman para sa kaniya ang status na ’yon ni Erin sa Facebook.

Matagal nang may alitan ang magkapitbahay na Veronica at Erin, buhat nang makiusap si Erin kay Veronica noon na pahinaan naman ang pagbi-videoke nila tuwing gabi. Katuwiran niya kasi ay minsan lang naman silang magsaya, pero ayaw pa silang hayaan ng kapitbahay nilang ito! Masiyado itong intrimitida at pakialamera sa paningin ni Veronica buhat nang mangyari ’yon, kahit na maayos naman ang naging pakiusap sa kaniya ni Erin.

Dahil sa sobrang pagkapikon ay may isang ideyang bigla na lang pumasok sa utak ni Veronica. Ni hindi na siya nag-isip pa at basta na lamang niyang ginawa ang naisip na kalokohan para lang galitin ang kaniyang kaaway…

Nagpunta siya sa ‘photos; ni Erin sa Facebook at doon ay kumuha siya ng litrato ng anak nito. Pagkatapos no’n ay i-p-in-ost niya rin iyon sa kaniyang timeline at nilagyan ng caption na: “Ang anak ng intrimitida!”

Tuwang-tuwa si Veronica matapos niyang i-click ang post button sa screen ng kaniyang cellphone. Pagkatapos no’n ay in-off niya na ang aparato at gumawa na siya ng mga gawaing bahay na may sigla, dahil alam niyang ikapipikon na ’yon sa wakas ni Erin!

“Siguradong uusok na ngayon ang ilong mo sa galit, babae ka!” humahalakhak pang tawa ni Veronica habang nagwawalis ng kaniyang bahay.

Ilang oras ang lumipas at nawala na sa kaniyang isip ang tungkol sa post niyang iyon sa Facebook lalo pa at nasubsob na siya sa maraming gawaing bahay. Naalala na lamang niya iyon bigla, nang dumating na ang kinahapunan at may biglang kumatok sa kaniyang tahanan.

Laking gulat ni Veronica nang bigla niyang mabungaran ang kapitbahay na si Erin, na galit na galit ang ekspresyon sa mukha, habang may mga kasama itong dalawang pulis!

“Ikaw ba si Veronica?” tanong ng isa sa mga kasamang pulis ni Erin.

Nanlaki ang mga mata niya at hindi na siya nakasagot pa!

“Nagsagawa kami ng imbestigasyon tungkol sa pinanggalingan ng post na ito, kalakip ang litrato ng anak ni Ma’am Erin, at lumabas sa aming imbestigasyon sa ’yo nanggaling ’yon. Dahil d’yan ay iniimbitahan ka naming sumama sa presinto upang ika’y makapagpaliwanag naman ng panig mo,” sabi pa nito sa kaniya na lalong ikinanginig ng laman ni Veronica.

Hindi nagsasalita si Erin ngunit halata sa mukha nito na nag-aapoy ito sa galit. Ngayon ay nakuha na ni Veronica ang matagal na niyang gustong mangyari—ang pagkapikon ni Erin. Iyon nga lang ay mukhang makukulong siya!

Lalo pa ngang tumibay ang ebidensiya laban kay Veronica nang sa pag-iinspeksyon ng mga pulis sa kaniyang cellphone ay nabuksan nila roon ang account na ginamit niya sa pag-post ng naturang litrato! Dahil doon ay agad siyang sinampahan ni Erin ng pormal na kaso at siniguro nitong magbabayad siya sa ginawa niya sa anak nito!

“Erin, patawarin mo ako, pakiusap! Huwag mo na akong ipakulong. Hinding-hindi ko na uulitin ang ginawa ko sa anak mo, pangako!” umiiyak na pakiusap niya kay Erin nang magkaroon siya ng pagkakataong makaharap ito. “Ginawa ko lang naman ’yon kasi gusto kitang pikunin. Hindi ko naman talaga intensyong idamay ang anak mo,” dagdag pa niya na siyang ikinalingon naman sa kaniya ni Erin.

“Ngayon, natupad na ang gusto mong mangyari. Hindi lang ako pikon sa ’yo, Veronica, kundi galit na galit ako!” nagpupuyos na sagot sa kaniya ni Erin, “Pinalampas ko lahat ng ginagawa mo sa akin, pero hindi ko mapapalampas ang ginawa mong pagdamay sa anak ko. Ngayon, harapin mo ang galit ng isang ina!” Doon na natapos ang kanilang pag-uusap, at hindi na iyon muli pang nasundan hanggang sa manalo na si Erin sa kaso! Laking pagsisisi naman ni Veronica, na ngayon ay pinagbabayaran na ang kaniyang kasalanan.

Advertisement