Inday TrendingInday Trending
Nilait Siya ng Kaniyang Amo dahil Hindi Siya Nakapagtapos ng Kolehiyo; Kakainin Nito ang Sinabi sa Kanilang Muling Pagkikita

Nilait Siya ng Kaniyang Amo dahil Hindi Siya Nakapagtapos ng Kolehiyo; Kakainin Nito ang Sinabi sa Kanilang Muling Pagkikita

“Ang simple-simple na nga lang ng iniuutos ko, hindi mo pa nagawa nang maayos!” mariing hiyaw ng amo ni Aling Asunta sa kaniya, pagkatapos ay inihagis nito sa harap niya ang kapeng itinimpla niya.

Nagrereklamo kasi ito, dahil masiyado raw matapang at kulang sa gatas ang naturang kape. Hindi raw nito iyon maiinom. Samantalang, halos bahagya na nga lamang nilagyan iyon ni Aling Asunta ng kape.

“Sana, gatas na lang ang ipinatimpla n’yo,” inis na bulong niya sa kaniyang sarili dahil sa sobrang pagkairita sa kaniyang amo. Sobrang hina na ng pagkakasabi niya no’n pero talagang hindi pa rin iyon nakaligtas sa malalaking tainga nito.

“Ano kamo?” galit na anas nito sa kaniya. “Talagang sumasagot-sagot ka pang chimay ka, ha? Sabagay, ano nga ba ang alam mo sa kagandahang asal gayong hindi ka naman nakapagtapos ng kolehiyo? Isa kang mangmang, kaya nga katulong lang kita ngayon,” nangingisi pang pang-iinsulto nito sa kaniya na ikinapikon naman ni Aling Asunta. Porque nagtatrabaho ito bilang manager sa isang malaking kompaniya ay ganito na ito kung umasta!

“Hindi ho ba’t kayo ho ang tapos ng kolehiyo, madam? E, bakit wala rin ho kayong alam tungkol sa kagandahang asal?” tahasan pang pananagot niya rito.

Halos umusok ang ilong ng kaniyang among si Mrs. Cruz dahil sa kaniyang sinabi. “Aba’t—”

“Hep!” ngunit mabilis na putol naman ni Aling Asunta sa sana’y sasabihin nito. “Hindi n’yo na ho ako kailangan pang tanggalin, dahil nagre-resign na ho ako sa trabaho ko. Inyo na rin ho ang natitira kong sahod.”

Hindi na niya pinagbigyan pang makasagot si Mrs. Cruz at agad niya na itong tinalikuran. Dire-diretso si Aling Asunta palabas ng tahanan nito matapos niyang ipa-check sa guwardiya ang mga gamit na dala niya.

Matapos ang pangyayaring ’yon ay nadala nang mangamuhan pa si Aling Asunta, kaya naman nag-ipon siya sa pamamagitan ng pagtanggap ng labada, upang makapag-umpisa siya kahit ng maliit lamang na negosyo. Iyon ang siyang pinagbuti niya at pinagtulong-tulungan nila ng kaniyang pamilya, kaya naman hindi nagtagal ay lumago iyon.

Isa ’yong kainan na talaga namang mabilis na nakilala dahil sa patok na lasa ng kanilang mga inihahaing putahe, bukod pa sa makamasang presyo ng kanilang mga paninda. Ilang taon pa ang lumipas at nakapagbukas na ng lima pang branch ng naturang kainan sina Aling Asunta. Nagbukas din sila para sa franchising at dahil doon ay lalo pa ngang nakilala ang kanilang kainan, na siya namang mabilis na nagpataas ng kanilang kita!

Sa isang iglap ay isa na ngayong milyonaryo sina Aling Asunta, ngunit iilan lamang ang nakakaalam na sila ang nagmamay-ari ng sikat na mga kainang ’yon, dahil hindi naman nila ’yon iniyayabang sa mga tao.

Samantala, wala namang kaalam-alam si Mrs. Cruz na ang dati niyang kasambahay na si Aling Asunta, na noon ay nilalait-lait niya dahil hindi ito nakapagtapos ng kolehiyo, ay isa na ngayong milyonaryo, at siyang nagmamay-ari ng kompaniyang balak niya na ngayong apply-an sana ng trabaho. Nalugi na kasi ngayon ang kompaniyang pinagtatrabahuhan niya noon kaya naman naghahanap na siya ng panibagong papasukang kompaniya.

Ngunit ganoon na lang ang gulat na naramdaman ni Mrs. Cruz nang bigla niyang makaharap si Aling Asunta sa silid kung saan siya i-interview-hin. Hindi niya akalaing pagkalipas ng ilang taon ay magkikita pa sila ng nasabing kasambahay niya na noon ay nilayasan na lamang siya basta! Dahil doon ay napangisi siya.

“Tingnan mo nga naman ang pagkakataon. Nagkita na naman tayo, Asunta. Ano’ng ginagawa mo sa ganitong klaseng kompaniya? Nagtatrabaho ka ba rito bilang janitress?” natatawang pang-iinsulto niya sa dati niyang kasambahay na bigla naman siyang tinawanan.

“Ikaw pala ’yan, Mrs. Cruz! Akalain mong pagkalipas ng ilang taon ay hindi pa rin nagbabago ang kagaspangan ng ugali mo,” naiiling pang anito sa nakaiinsulto ring paraan bago nito itinuro sa kaniya ang litrato nito sa naturang opisina, kung saan tinatawag ito bilang may-ari ng naturang kompaniya! “Hindi ako isang janitress dito, Mrs. Cruz. Ako ang may-ari nito. Tandaan mo sana na hindi dahil walang tinapos ang isang tao ay mangmang na ito o walang alam.”

Biglang napayuko si Mrs. Cruz dahil sa nalaman. Bigla siyang napahiya dahil sa sarili niyang kayabangan at ngayon ay nahiling niyang sana ay lamunin na lamang siya ng lupa dahil sa kahihiyan! Umalis siya sa kompaniyang iyon nang nakayuko, dala ang leksyong iniwan sa kaniya ng ginawa niyang pang-iinsulto.

Advertisement