Mapanakit ang Babaeng Ito sa Kinakasama Niyang Under de Saya; Nagsisi Siya nang Bigla Itong Matauhan
“Bakit ginabi ka na naman ng uwi? Siguro, galing ka na naman sa inuman, ano? Wala ka talagang kakwenta-kwentang lalaki ka!” bungad na sigaw sa kaniya ng kaniyang kinakasamang si Doreen pagkauwing-pagkauwi pa lamang ni Andoy galing sa maghapong pagtatrabaho kanina.
Nag-overtime kasi siya sa trabaho dahil pinilit nilang tapusin ang natitira nilang gawain upang sana ay makapag-restday man lang siya bukas. Pagod na pagod siya, pagkatapos ay ito pa ang dadatnan niya sa bahay!
Sanay naman na si Andoy sa palaging pagbubunganga ng kaniyang kinakasama, ngunit kung minsan ay hindi pa rin niya mapigilang hindi mapikon dito. Lalo na nang biglaan na lang siya nitong batuhin ng kawali, nang pumasok pa rin siya sa loob ng kanilang inuupahang apartment at hindi pinansin ang pagbubunganga nito.
“Aray!” Napamura pa si Andoy dahil sa sakit ng tama ng kawali sa kaniyang ulo. Mabilis niyang naramdaman ang unti-unting pagbubukol ng tinamaang parteng ’yon at talaga namang nahilo pa siya dahil doon!
“Aba, minumura mo pa ako gayong ikaw na nga ’tong may kasalanan, ha, Andoy?!” galit pang sabi ni Doreen sa kaniya.
“Ano bang kasalanan ang sinasabi mo, e, hindi naman ako galing sa inuman? Nag-overtime ako sa trabaho, para makapag-rest day ako bukas!” katuwiran naman ni Andoy.
“Naku, huwag mo akong pinaglololoko, Andoy! Alam na alam ko ’yang ganiyang style mo! Kunwari, nag-overtime, pero ’yon pala, nakikipag-inuman ka lang sa mga kasamahan mo!” hindi pa rin kumbinsidong sagot naman sa kaniya ni Doreen na talagang lalong ikinainis na ng pagod na si Andoy.
“Edi huwag kang maniwala. Hindi ka pinipilit, bwisit!” wala sa loob na nasambit niya.
Ikinagulat nilang pareho ’yon, dahil hindi naman karaniwang lumalaban si Andoy sa kaniyang nobya. Kilala nga siyang under de saya, dahil kahit anong pananakit ang gawin sa kaniya ni Doreen, ni minsan ay hindi niya ito nagawang pagbuhatan ng kamay, kahit pa nga umabot na sa puntong naospital na siya dahil sa pamimisikal ng babae.
Dahil sa ginawang pagsigaw na ’yon ni Andoy ay napikon si Doreen at binigyan siya nito ng isang malakas na sampal. Ngunit ang ’di akalain ng babae ay iyon pa pala ang magiging daan upang sa wakas ay matauhan si Andoy!
Hindi na nagsalita pa ang lalaki at basta na lamang siyang dumiretso sa kanilang kwarto upang mag-empake. Sumunod naman sa kaniya si Doreen na patuloy pa rin sa pagbubunganga, sa pag-aakalang matatakot pa rin siya sa ginagawa nitong iyon.
“Ano ’yan, Andoy? Aalis ka?” Tinawanan pa siya ni Doreen. “Aba, kung gagawin mo ’yan, siguraduhin mong kaya mong panindigan, dahil sinasabi ko sa ’yo, oras na umalis ka sa pintuang ’yan ay walang-wala ka nang babalikan pa kahit kailan!” banta pa sa kaniya ng babae ngunit nagpatuloy lang sa ginagawa si Andoy.
“Sige, umalis ka! Huwag na huwag kang magkukumahog pabalik sa akin, ha? Lakad, layas!” puno pa rin ng kumpiyansang ani Doreen dahil alam na alam niya namang hindi siya kayang tiisin ng kaniyang nobyo.
Ngunit ngayon ay iba na. Nang hindi pa rin huminto sa ginagawang pag-iempake si Andoy ay nakaramdam na ng kaba si Doreen. Doon na siya nag-umpisang umiyak at magpaawa sa lalaki.
“Grabe ka, pagkatapos ng ilang taon nating pagsasama, ngayon mo pa ako naisipang iwanan!” nagdadramang aniya kahit na ang totoo ay hirap na hirap naman siyang patuluin ang luha niya. “Siguro, may iba ka na kaya mo ako ginaganito,” patuloy pa ring pangungonsensiya niya sa lalaki na muli ay hindi pa rin nagpatinag. Sanay na sanay na si Andoy sa mga gawain ni Doreen sa ilang taon ba namang nagpakontrol siya sa mapagmanipulang babaeng ito.
Ang lakas na ng kabog ng dibdib ni Doreen nang mag-umpisa nang maglakad si Andoy palabas ng pintuan nila! Hindi na niya mapigilan pa ang lalaki, kaya naman nagsimula na naman siyang magalit!
“Talagang iiwanan mo na ako?!” hiyaw niya. Noon lamang siya hinarap ni Andoy bago ito sumagot.
“Oo, Doreen. Iiwan na kita, dahil sawang-sawa na ako sa ’yo.”
Iyon ang huling mga katagang binitiwan ni Andoy bago niya tuluyang iniwan si Doreen na tulala at hindi makapaniwalang nagawa niya itong hiwalayan!
Labis-labis naman ang pagsisisi ni Doreen kaya naman sinubukan niyang makipagbalikan kay Andoy ngunit hindi na talaga siya nito binigyan pa ng kahit kaunting atensyon. Tuluyan na siyang nawalan ng pag-asa nang makalipas ang ilang buwan ay nakahanap na ito ng bagong nobyang ’di hamak na mas mabait at mas maalaga kaysa sa kaniya! Wala na siyang magawa kundi ang umiyak at pagsisihan ang naging pagtrato niya noon sa dating kinakasama.