Inday TrendingInday Trending
Pumasok sa Isang Kainan ang Matandang Ito na Bente Pesos lang ang Dala; Maaantig ang Puso Niya sa Gagawin ng mga Serbidor doon

Pumasok sa Isang Kainan ang Matandang Ito na Bente Pesos lang ang Dala; Maaantig ang Puso Niya sa Gagawin ng mga Serbidor doon

Nakahawak na sa kumakalam niyang sikmura ang isang matandang pulubi nang mapadaan siya sa isang bagong bukas na kainan sa lugar na ’yon. Hinahalina siya ng halimuyak ng mga putaheng iniluluto sa loob ng nasabing kainan kaya naman lalo pa ngang nag-alburoto ang kaniyang sikmura.

Napadukot na lang si Lola Clarita sa kaniyang bulsa, ngunit tanging bente pesos lang ang nakuha niyang laman mula roon. Kanina pa kasi siyang umaga namamalimos ngunit talagang walang magbigay sa kaniya, kaya naman ito lang ang tanging naipon niyang pera ngayon.

Dahil sa sobrang gutom ay sinubukan na lamang niyang pumasok sa naturang kainan at nagtanong sa isa sa mga serbidor na noon ay nag-aayos ng mga mesa, “hijo, baka naman maaari mo akong bigyan ng pagkain sa halagang bente pesos lang?” tanong niya sa nanginginig pang kamay habang iniaabot sa nasabing serbidor ang kaniyang pera. “Nakikiusap ako sa ’yo, pakiramdam ko ay mawawalan na ako ng malay dahil sa sobrang gutom. Kahit kaunti lang, anak,” mangiyak-ngiyak pang dagdag ni Aling Clarita na agad namang ikinakunot ng noo ng naturang serbidor.

“Lola, ano pong sinasabi n’yo?” tila inis na sabi nito. Agad namang bumagsak ang balikat ng matanda, dahil mukhang hindi siya pagbibigyan nito. “Kung wala po kayong pera, hindi ko na po kukunin ang bente pesos ninyo at bibigyan na lamang ho namin kayo ng pagkain. Libre lang po, halina ho kayo’t maupo,” ngunit dugtong ng nasabing serbidor na muntik nang magpaluha sa matanda dahil sa sobrang pagkaantig ng kaniyang puso.

“Sigurado ka ba, hijo? Maaari namang sa labas na lang ako kumain dahil baka makaistorbo ako sa mga kustomer n’yo, e. Saka baka pagalitan kayo ng amo ninyo,” nag-aalala namang suhestiyon na lamang ni Lola Clarita upang hindi siya maging pabigat sa mga serbidor na nagtatrabaho sa kainang ’yon.

“Naku, lola, huwag po kayong mag-alala. Kami-kaming magkakaibigan din naman po ang may-ari ng kainang ito, kaya naman wala pong problema,” nakangiting singit naman ng isa pa sa mga serbidor na ngayon ay naghahain na ng pagkain sa kaniyang harapan.

Mukha iyong bagong luto dahil umuusok pa ang mga pagkain. Sa amoy pa lang ng mga inihain nila sa kaniya ay talaga namang natatakam na si Lola Clarita na ngayon ay masayang-masaya dahil sa wakas ay malalamnan na ang kaniyang sikmura!

“Napakasarap ng mga pagkain n’yo rito! Maraming-maraming salamat, mga anak!” tuluyan nang umiyak na sabi ni Lola Clarita na ikinaluha rin ng magkakaibigang serbidor.

“Naku, lola, kumain lang po kayo nang kumain. Huwag po kayong mahiya. Kahit anong oras ay maaari kayong bumalik sa amin kapag nagugutom kayo. Magpalakas po kayo, ha?” malumanay pang sabi ng isa sa kanila habang hinahaplos nang marahan ang likod ng matandang ngayon ay sarap na sarap sa paglantak ng mga putahe. Halata sa hitsura nito ang pinaghalong galak at labis na gutom dahil sunod-sunod ang naging pagsubo nito ng pagkain.

Lingid sa kaalaman ng mga ‘serbidor’ na siya rin palang nagmamay-ari ng naturang kainan ay isa sa kanilang mga kustomer ang natuwa at kumuha ng video ng buong pangyayaring ’yon at i-p-in-ost nito ’yon sa social media. Sa isang iglap ay dinagsa sila ng napakaraming mga parokyano sa kanilang kainan, dahil palagi rin silang nagbibigay ng libreng pakain kina Lola Clarita at sa iba pang mga pulubi sa lugar na ’yon.

Tuwang-tuwa ang mga tao sa kabutihang taglay ng nasabing mga serbidor kaya naman sinusuportahan din ng mga ito ang kanilang negosyo. Halos hindi na nga mawalan ng tao sa naturang kainan, araw man o gabi, dahil bukod sa viral video na ’yon ay sumikat din naman agad ang mga putahe nilang pasok sa panlasa ng madla!

Simula nang araw na ’yon ay hindi na kailan man nagutom pa si Lola Clarita. Nakatanggap siya ng biyaya mula sa mababait na may-ari at serbidor ng kainang ’yon, at kapalit naman n’on ay nakatanggap din ang mga ito ng kaakibat na biyaya mula sa mga taong nakakita ng kanilang bukal sa loob na pagkakawanggawa.

Nagsilbi silang inspirasyon sa napakaraming tao na gumawa ng kabutihan dahil kanilang napatunayan ang nagagawa ng pagbibigay nang bukal sa loob. Bagay na hindi naman lahat ng tao sa panahong ito ay nagagawa na dahil na rin sa labis na hirap ng buhay.

Advertisement