Pinagseselosan ng Biyenang Ito ang Kaniyang Manugang; Makakatikim Tuloy Siya ng Pangaral Mula sa Sariling Anak
“Anak, kumain ka nang kumain. Masarap ’yang sugpong iniluto ko,” magiliw na sabi ni Aling Minda sa kaniyang anak na si Andrew bago ito sinandukan ng ulam sa pinggan nito. Asikasong-asikaso niya ang kaniyang anak, tulad ng dati, na para bang wala pa ring nagbabago kahit ang totoo ay kasal na ito.
“Ikaw rin, Giselle, kumain ka na. Heto ang ginataang sugpo, tikman mo’t specialty ko ’yan,” dagdag niya pa na ngayon ay ang manugang naman niya ang hinainan.
Bigla namang napakunot ang noo ni Giselle. Nawalan siya ng gana. Bigla na lamang niyang inilapag ang hawak na kutsara’t tinidor sa mesa at nagpaalam sa mga kasabay niyang kumain, “papasok na po ako sa kwarto,” aniya.
Dahil sa inasal na ’yon ni Giselle ay nagtaka naman si Andrew. “Mama, ano’ng nangyari sa misis ko? Bakit siya ganoon?” tanong niya sa ina.
Bumuntong-hininga naman ang ginang. “Ewan ko r’yan sa asawa mo, anak. Siguro, ayaw niya lang akong narito sa inyo kaya ganiyan ang asal niya sa akin,” nalulungkot namang sagot ni Aling Minda at dahil doon ay bahagyang nakaramdam ng inis si Andrew sa kaniyang asawa.
Mabilis na tinapos ng lalaki ang kaniyang pagkain kahit pa nga paborito niya ang iniluto ng ina. Pumasok siya sa kanilang silid upang kumprontahin ang asawang si Giselle tungkol sa hindi magandang asal na ipinakita nito kanina sa hapag.
“Ano’ng problema mo’t ganoon ang asal mo kanina?” bungad ni Andrew sa medyo inis na tono na agad namang ikinalingon ni Giselle na noon ay nagtutupi ng damit.
“Pasensiya ka na, mahal. Pagod lang ako sa maghapon kong pagtatrabaho rito sa bahay. Napikon lang ako, dahil pilit akong pinakakain ni mama ng sugpo, kahit pa ilang beses ko naman na sinabi sa kaniya na ikapapahamak ko ’yon. Malala ang allergies ko sa pagkaing ’yon, hindi ba?”
Sa isinagot na ’yon ng asawa ay napatampal si Andrew sa kaniyang noo. Oo nga pala! Doon niya lamang napagtanto ang ilang mga hindi kaaya-ayang kilos ng kaniyang ina sa kaniyang asawa sa tuwing uuwi siya sa bahay nang hindi nito inaasahan.
Sinisigawan nito si Giselle. Pinahihirapan sa trabaho sa bahay at animo katulong kung ituring ito. Bukod doon ay madalas din niyang marinig na ikinukompara nito ang kaniyang asawa sa kaniyang mga dating naging nobya niya, ngunit sa pabiro lamang na paraan. Ngayon ay napagtatagni-tagni niya na ang lahat. Napatunayan niyang nagseselos nga ang kaniyang ina sa kaniyang asawa, kaya naman ginusto nitong makisama sa kanila sa bahay, kahit na may sarili naman itong tirahan.
Kinabukasan, umuwi nang mas maaga si Andrew nang hindi alam ng kaniyang asawa’t ina. Hindi siya nag-overtime sa trabaho upang surpresahin ang mga ito, ngunit ganoon na lang ang kaniyang gulat sa nadatnan niyang sitwasyon sa kanilang bahay!
“Napakabagal namang kumilos nitong kasambahay n’yo, mare! Saan n’yo ba napulot ito’t parang wala naman itong alam na gawaing bahay?” tanong ng kumare ng kaniyang ina rito nang nakataas ang pareho nilang mga paa at nanunuod ng telebisyon, habang ang asawa niyang si Giselle ay naglalampaso ng natapong inumin nito sa sahig!
“Naku, sinabi mo pa! Ewan ko sa babaeng ’yan, mahina ang utak!” saad naman ng kaniyang inang si Aling Minda sabay duro sa ulo ni Giselle na noon ay hindi naman nagrereklamo at halatang nagpipigil na patulan ang kaniyang ina.
Dahil sa sobrang galit ay hindi napigilan ni Andrew na buksan nang malakas ang kanilang pintuan. Tumatahip ang dibdib niya, lalo na nang makita niyang biglang napabalikwas ang kaniyang ina sa kinauupuan nito upang agawin ang hawak na mop ng kaniyang asawa, pagkatapos ay nagkunwari itong siya ang gumagawa ng kanina’y ginagawa ni Giselle!
Hindi naman nagsalita si Andrew at dire-diretso na lamang na pumasok sa silid na tinutuluyan ng kaniyang ina. Paglabas niya galing doon ay dala na niya ang mga gamit nitong nakaempake na bago niya iniabot iyon dito!
“Umuwi na ho kayo bago pa ako mawalan ng kontrol sa sarili ko,” tiim-bagang na sambit ni Andrew kasabay ng pag-aabot niya rin ng pera dito.
“Pero anak—”
“Huwag na ho kayong magpaliwanag, mama. Nakita ko ho ang lahat. Kung sasabihin n’yo sa akin na hindi ko dapat kayo tratuhin nang ganito, sana ho ay naisip n’yo ’yan bago niyo pinakitaan ng masama ang ‘asawa’ ko!” mariing putol naman niya sa sana’y sasabihin ng ina na noon ay hindi na nakapagsalita pa at napayuko na lamang na umalis sa kanilang tahanan.
Laking pagsisisi ni Aling Minda dahil pagkatapos no’n ay hindi na siya kinibo pa ng anak. Mukhang kailangan niyang humingi muna ng tawad sa tunay na nagawan niya ng masama bago siya mapatawad nito. Ngayon ay tanggap na ni Aling Minda na kasalanan nga ang ginawa niya kay Giselle at handa naman siyang bumawi rito.