Inday TrendingInday Trending
Kinupitan ng Magbabarkadang Ito ang Isang Matandang Pulubing Bulag na Nanlilimos sa Daan; Isang Nakatatakot na Leksyon ang Kanilang Matututuhan

Kinupitan ng Magbabarkadang Ito ang Isang Matandang Pulubing Bulag na Nanlilimos sa Daan; Isang Nakatatakot na Leksyon ang Kanilang Matututuhan

Awasan na ng mga estudyante galing sa eskuwela. Pauwi na rin naman ang magbabarkadang hayskul na sina Isoy, Mark, at Lerry kahit na ang totoo ay hindi naman sila pumasok at umistambay lang sa bahay ng isa pa nilang kaklase. Ang lalakas ng kanilang mga tawa, habang naglalakad sila sa kahabaan ng kalsadang iyon. Paano’y kung anu-ano ang kalokohang naiisip nila sa daan.

Hindi nakaligtas sa mapanuring mga mata ng tatlong magkakaibigan ang isang matandang bulag na nakaupo sa labas ng nadaanan nilang chapel. Nakalahad ang isa sa marurumi nitong kamay habang ang isa naman ay may hawak na latang naglalaman ng mga naipon nitong limos sa maghapon.

“P’re, tingnan n’yo ’yong matandang pulubi, o. Bulag ’yan, hindi ba?” nakangising tawag ni Isoy sa atensyon ng kaniyang mga kabarkada dahil nang mga sandaling ’yon ay isang ideya na naman ng kalokohan ang biglang pumasok sa isip niya.

“Oo, bulag ’yan. Palagi ’yang umiistambay d’yan sa tapat ng chapel tuwing hapon. Lagi ngang inaabutan ni mama ng pera ’yan, e. Mayroon kasing sabi-sabi na lahat daw ng nag-aabot ng pera sa matandang ’yan, na bukal sa kalooban ang handog ay sinusuwerte,” sagot naman ni Lerry sa kaibigan na ikinahagalpak naman ng dalawa.

“Ano’ng taon na, p’re, naniniwala pa rin sa ganiyan ang mama mo?” ngingisi-ngising ani Mark. “E, ano naman daw ang mangyayari kapag imbes na bigyan ay kupitan pa natin ’yang matandang ’yan? Bulag naman ’yan, e, hindi niya malalaman!” nagtataas-baba ang kilay na suhestiyon pa ni Mark na agad namang ikinangisi rin nina Isoy at Lerry nang abot-tainga!

“Hindi natin malalaman ang sagot kung hindi natin susubukan,” sabi pa ni Isoy kahit na may isang tila maliit na boses sa likod ng kaniyang isip na nagsasabing huwag nilang gawin ang balak dahil mali ’yon.

Itinuloy nila ang kanilang plano. Dumaan-daan pa sila kunwari sa harap ng matanda, ngunit nang makakuha ng tiyempo ay pasimple nilang dinukutan ang latang hawak nito! Si Isoy ang dumukot pagkatapos ay ipinasa niya iyon kay Mark na ipinasa naman nito kay Lerry bago ibinulsa ng huli.

Tawa nang tawa ang tatlo nang makalayo sila sa matanda. Pinagbunggo pa ng mga damuho ang kaniya-kaniya nilang mga kamao bago sila nagpasiyang linguning muli ang bulag na matanda.

Ngunit ganoon na lang ang gulat nila nang sa kanilang paglingon ay wala na ito sa dati nitong puwesto. Nagkatinginan silang tatlo. Bigla ay hindi nila namalayang wala na palang tao sa paligid nila, sa isang iglap lang at ngayon ay sila na lamang ang naroon sa madilim at nakatatakot na kalsadang iyon, kasama ang bulag na matandang pulubing ngayon ay nakatayo na sa ’di kalayuan sa puwesto nila.

“P-pare, ano’ng nangyayari?” tanong ni Lerry sa mga kaibigan na pareho rin namang walang naisagot sa kaniya.

“Sinasabi ko na nga ba at masama itong naiisip natin, e! Sana pala hindi na lang ako sumama sa inyo!” paninisi naman ni Isoy sa kanila at dahil doon ay agad silang nagtalu-talo.

“Mga salbahe!” Pinahinto sila ng hiyaw na ’yon ni Mang Peryong, ang matandang bulag na kanina lang ay nanlilimos sa mga nagdaraan sa tapat ng chapel.

“Mga batang suwail! Ang dapat sa inyo ay pinarurusahan!” galit pang dagdag nito na agad namang nakapaghatid ng kilabot sa katawan ng tatlong magkakaibigang ngayon ay hindi na malaman kung saan sila susuot, dahil kahit saan sila lumingon ay pigura ni Mang Peryong ang kanilang nakikita!

Gusto sana nilang tumakbo, o ’di kaya’y manghingi ng tulong ngunit wala silang magawa, lalo na nang makita nilang naglalakad na papalapit sa kanila ang pigura ni Mang Peryong na ngayon ay humahalakhak nang tawa sa nakatatakot na paraan!

“Patawarin n’yo po kami, hindi na po namin uulitin!” lakas loob na pakiusap ni Lerry sa matanda. “Ibabalik na po namin ang isandaang pisong kinupit namin sa inyo kanina, huwag lamang po ninyo kaming sasaktan!” halos maihi sa salawal na dagdag pa niya habang ang dalawa namang kasama niyang sina Isoy at Mark ay kanina pa ngumangawa at tinatawag ang mga nanay nila.

Hindi na nila alam kung ano pa ang sumunod na pangyayari. Basta natagpuan na lamang nila ang kani-kanilang mga sarili na nakabalik na sa pwesto nila bago nila kunin ang isandaang piso ni Mang Peryong kanina. Tila ba bumalik sila sa nakaraan, kaya naman laking pasasalamat nila nang makitang nakaupo na muli si Mang Peryong sa tapat ng chapel at balik na ito sa paghingi ng limos.

Sa takot ng tatlo, kailan man ay hindi na ulit sila gumawa pa ng kalokohan lalo pa at lagi pa rin naman nilang nadadaanan pauwi si Mang Peryong na sa tuwina ay may misteryoso at kakaibang ngisi sa labi kapag napapadaan sila. Hindi na nila pinagkaabalahan pang ikuwento ang nangyaring ’yon dahil sa takot na hindi sila paniwalaan ng mga tao. Ang mahalaga ay natutuhan nila ang kanilang leksyon at hindi na uulit pa sa kanilang kasalanan.

Advertisement