Pinagtawanan ng mga Mag-aaral ang Kanilang May Edad nang Kaklase; Mapapahiya pala Sila Kapag Nalaman kung Sino Ito

Pagpasok na pagpasok pa lang niya sa silid-aralan ay agad na niyang nakuha ang atensyon ng mga estudyanteng nasa loob niyon. Sabay-sabay silang nagtayuan nang siya ay makita at bumati ang mga ito sa kaniya…

“Good morning, Prof!” sabi ng mga ito. Agad namang napakamot sa ulo si Mang Simon at nahihiyang silang itinama…

“Naku, hindi ninyo ako propesor…kaklase n’yo ako,” pilit ang ngiting sabi niya sa kanila na ikinatulala naman ng mga estudyante.

Sandaling binalot ng katahimikan ang silid-aralang ’yon, bago nagkatinginan ang mga ito at sa isang iglap ay biglang nagtawanan. Nakabibingi ang naging hagalpakan ng mga ito habang naglalakad si Mang Simon papasok upang maupo sa isa sa mga bakanteng upuan doon.

“’Langhiya, akala ko pa naman si prof na! May kaklase lang pala tayong matandang hukluban!” natatawang sabi ng isa sa mga estudyante na ni hindi man lamang nag-abalang magpakita ng kahit na kaunting paggalang sa ‘mas matanda’ nga nilang kaklase.

“Uy, grabe, huwag kayong ganiyan! Baka masaktan ang feelings—ni lolo!” pasaring naman ng isa pa na akala ni Mang Simon noong una ay ipagtatanggol siya.

“Hindi ba’t parang masiyado naman nang huli ang lahat para magkolehiyo pa kayo, lolo?” dagdag pa nito na puno ng pang-iinsulto sa tono.

Napailing na lamang si Mang Simon sa nakitang asal ng kaniyang mga magiging kaklase sa loob ng halos apat na taon. Dahil doon ay nagsisimula na tuloy niyang pagsisihan kung bakit pa nagpatalo na naman siya sa kaniyang sariling pangarap.

Advertisement

Noon kasing bata pa si Mang Simon ay pangarap na niyang makatapos ng kolehiyo, ngunit hindi niya na ’yon nagawa pa nang mag-umpisa na siyang magtrabaho upang suportahan ang kanilang pamilya. Tuloy-tuloy na ’yon dahil maagang nagkaroon ng anak ang kaniyang mga nakababatang kapatid na sa huli ay iniasa rin sa kaniya ang lahat. Pagkatapos ay nagkaroon din siya ng asawa’t mga supling na isa-isa rin niyang pinalaki at pinag-aral.

Ngayon lang nagkaroon ng pagkakataon si Mang Simon na tuparin naman ang pangarap niya para sa sarili, kaya naman mabilis niyang pinalis ang pagdududang nabubuo sa kaniyang isipan dahil sa nangyari kanina.

Dumating ang kanilang tunay na propesor at agad siya nitong namataan pagpasok pa lamang nito ng classroom. Dahil doon ay nakangiti siya nitong binati sa harap ng kaniyang mga kaeskuwela…

“Magandang araw sa ’yo, Mr. Tolentino. Ikinagagalak ko pong makita kayo rito sa ’king klase pagkalipas ng mahabang panahon buhat nang huli tayong magkita,” saad ni Prof. Santos bago siya nito kinamayan bilang tanda ng lubos na paggalang nito sa kaniya.

“So, class, mukhang nakilala n’yo na pala ang espesyal na taong magiging parte ng klaseng ito sa loob ng mahabang panahon. Gusto kong ipakilala sa inyo si Ginoong Tolentino, isang sisenta’y siyete anyos na negosyanteng nagmamay-ari na ngayon ng isang sikat na furniture shop na kilala hindi lang dito sa atin, kundi pati na rin sa buong bansa! Gusto ko sanang gawin ninyo siyang inspirasyon, na kahit nakamit niya na ang lahat ng tagumpay na maaari niyang makamit ay hindi pa rin niya sinukuang matupad ang kaniyang pangarap na makapagtapos ng kolehiyo, kaya ngayon ay nasa inyo siyang harapan. Nawa’y bigyan n’yo siya ng paggalang at pang-unawa, dahil ang taong ito ay isang huwarang anak, kapatid, asawa at ama, kaya naman inuna niya munang tuparin ang pangarap ng kaniyang pamilya bago ang kaniya,” mahabang litanya pa ni Prof. Santos na sa isang iglap ay biglang nagpayuko sa mga estudyanteng kanina lang nagtatawa sa matanda nilang kaeskuwela.

Napahiya ang mga ito, hindi lang sa kanilang mga kaeskuwela kundi pati na rin sa kanilang mga sarili. Tila ba binalikan agad sila ng karma, dahil ang taong kanina lang ay iniinsulto nila ay isa palang mataas at kagalang-galang na personalidad na imbes na yabangan sila kanina’y pinili na lamang manahimik.

Simula noon ay hindi na kailan man nakatanggap pang muli ng pang-iinsulto si Mang Simon mula sa kaniyang mga kaeskuwela, bagkus ay napuno siya ng paggalang at respeto mula sa mga ito. Humingi rin ng tawad sa kaniya ang mga estudyanteng nang-insulto sa kaniya noong una na agad naman niyang pinatawad.

Natutuhan nila ang kanilang leksyon, na hindi kailan man magiging huli ang lahat kung gusto nating maabot ang ating mga pangarap. Palaging mayroong panahon para doon.