Inday TrendingInday Trending
Kulang ang ‘Arugang’ Nakukuha Niya sa Ina; Imbes na Magalit at Magtampo ay Nagpasalamat Pa Siya

Kulang ang ‘Arugang’ Nakukuha Niya sa Ina; Imbes na Magalit at Magtampo ay Nagpasalamat Pa Siya

“Huwag kang magrereklamo, ha? ’Yan na lang ang pera ko. Nagpabili ng bagong sapatos ang kapatid mo kaya pagkasiyahin mo na ’yan ngayon.”

Tinitigan ni Janelle ang siyete pesos na baryang iniabot sa kaniya ng kaniyang ina bilang ‘baon’ sa eskuwela ngayong araw. Alam niya sa kaniyang sarili na ni hindi ito sasapat man lang bilang pamasahe niya papasok, kaya naman kakailanganin niya na namang maglakad sa gitna ng tirik na tirik pang araw. Alas dose ng tanghali hanggang alas otso kasi ng gabi ang kaniyang pasok sa eskuwela kaya naman talagang napakainit sa tuwing papasok siya. Ganoon pa man ay ibinulsa na lamang ni Janelle ang naturang barya at nagpaalam na sa kaniyang ina na siya ay aalis na.

Inisip na lamang ni Janelle na bilang panganay ay kailangan niya talagang magsakripisyo para sa kaniyang mga kapatid kahit pa ang totoo ay alam naman niyang mas pinapaboran talaga ng kaniyang ina ang mga anak nito sa lalaking pinakasalan, kaysa sa kaniya na anak lamang nito sa pagkadalaga.

Matalinong bata si Janelle. Sa katunayan ay palagi siyang nagta-top sa klase kahit pa lagi na lang siyang pumapasok sa eskuwela nang walang baon. Mabuti na nga lang at bukod sa matalino na siya ay talented pa siya. Madalas siyang bayaran ng kaniyang mga kaeskuwela sa paggawa niya ng kanilang mga proyekto kaya naman kahit papaano ay nasusuportahan pa rin niya ang sariling pangangailangan.

Noon, madalas siyang mainggit sa kaniyang mga kaklase lalo na kapag magkakaroon ng pagpupulong ang mga magulang sa kanilang eskuwela. Paano kasi ay siya lamang ang walang magulang na uma-attend doon kaya naman siya na rin ang madalas na pumipirma sa attendance na dapat ay ang nanay niya ang gagawa. Mabuti na nga lang at iniintindi siya ng kaniyang mga guro kaya hinahayaan siya ng mga ito tutal ay magaling at matalino naman siya.

Araw ng pagtatapos nila sa hayskul. Halos maiyak si Janelle habang nagmamartsa siya paakyat ng stage upang tumanggap ng pinakamataas na karangalan sa kanilang pagtatapos. Naluluha siya hindi dahil sa saya kundi sa labis na kalungkutan dahil ni hindi lamang siya nagawang pagbigyan noon ng kaniyang ina na ito ang magsabit sa kaniya ng medalya. Hinayaan siya nitong magmartsa nang mag-isa kahit pa anong pakiusap niya.

Buhat noon ay pinangaralan ni Janelle ang kaniyang sarili na wala siyang ibang aasahan kundi siya lang. Sarili lamang niya ang kaniyang sandigan, kaya naman nasanay siyang maging matatag at madiskarte sa buhay hanggang sa siya ay magtapos na rin maging ng kolehiyo, sa pamamagitan ng pagpa-part time job sa iba’t ibang trabahong maaari niyang pasukan noon.

Pagka-graduate na pagka-graduate niya sa kolehiyo ay halos pag-agawan naman siya ngayon ng iba’t ibang kompaniya, at dahil doon, sa wakas ay napansin siya ng kaniyang ina. Sa wakas ay tila ba natauhan ito at nakaramdam ng hiya sa sarili, dahil alam nitong wala siyang ambag sa kung ano man ang narating ng anak sa buhay nito, lalo pa at kailan man ay hindi siya pinagdamutan ng kaniyang panganay. Hindi man ito nakatira sa kaniyang puder ay regular itong nagbibigay ng suporta sa kaniya at sa mga kapatid nitong nag-aaral pa.

“Anak, alam kong malaki ang kasalanan ko sa ’yo dahil nagkulang ako sa pag-aaruga sa ’yo bilang isang ina. Pasensiya ka na, dahil sa ’yo ko ibinunton ang galit na nararamdaman ko sa ’yong ama dahil iniwan niya na lamang ako basta-basta buhat nang ipagbuntis kita,” naluluhang pagbubukas ng kaniyang ina sa usapang ’yon, isang araw na dumalaw si Janelle sa mga ito.

Dama niya ang pagsisisi ng kaniyang ina, pati na rin ang labis na paghanga nito sa kaniya. Dahil doon ay napangiti siya at niyakap ito.

“Mama, wala po kayong dapat na ihingi ng tawad dahil hindi naman ako kailan man nagtanim ng galit sa inyo. Sa totoo lang ay nagpapasalamat pa nga ako dahil natuto akong maging malakas, matatag at madiskarte sa buhay, dahil sa mga pagsubok na naranasan ko nang wala kayo sa tabi ko. Kayo pa rin naman ang nagturo sa akin nito,” sagot naman ni Janelle na lalo pang ikinaiyak ng kaniyang ina.

Simula ng pag-uusap nilang iyon ay tila ba ninais nitong bumawi sa kaniya. Ipinadama nito ang aruga at pagmamahal na noon ay hindi nito nagawang ibigay sa kaniya dahil na rin sa nangyari sa nakaraan nito. Ang mahalaga ay nagsisi ito at handa itong magpaka-ina sa kaniya ngayon. Sapat na ’yon para kay Janelle.

Advertisement