Inday TrendingInday Trending
Sumakabilang-Bahay ang Asawa Niyang Babaero; Iyon pa pala ang Magiging Daan Tungo sa Kaniyang Pag-asenso

Sumakabilang-Bahay ang Asawa Niyang Babaero; Iyon pa pala ang Magiging Daan Tungo sa Kaniyang Pag-asenso

Katatapos lamang noon ni Ericka ng pag-aaral nang malaman niyang siya ay nagdadalantao na sa anak nila ng limang taon na niyang nobyong si Jomar. Dahil doon ay nagpasiya na silang magsama, kahit hindi pa sila kasal, para palakihin ang kanilang anak. Hindi na nabigyan pa si Ericka ng pagkakataong gamitin ang tinapos niyang propesyon bilang isang engineer dahil buhat noon ay nasubsob na siya sa obligasyon ng pagiging isang ina.

Bukod doon, mataas din ang pride ng nobyo niyang si Jomar, na tanging hayskul lamang ang tinapos. Ayaw siya nitong pagtrabahuhin dahil alam nitong maaari niya itong malamangan sa kita bilang siya nga ang mataas ang pinag-aralan. Kaya upang maiwasan ang pagkakaroon nila ng argumento o ’di kaya’y hindi pagkakaunawaan ay nagpaubaya na lamang si Ericka sa kaniyang asawa kahit pa nga madalas ay nagigipit silang pamilya dahil sa liit ng kita nito bilang isang construction worker.

Madalas ay suma-sideline na lamang si Ericka at tumatanggap ng labada upang kahit papaano ay makabawas sa kanilang gastusin ang kita roon. Dahil doon ay madalas nang hindi naiintindi ni Ericka ang kaniyang sarili. Napabayaan niya ang dati’y maganda niyang pangangatawan, mukha at kutis na talaga namang halos kainggitan noon ng mga kakilala nila ni Jomar.

Doon na nag-umpisang magkaroon ng hindi magandang bisyo si Jomar. Hindi alak, hindi sigarilyo, hindi ipinagbabawal na gamot, kundi pambababae. Iyon ang madalas nilang pag-awayan dahil ilang beses na niyang nahuhuli si Jomar na may kausap o ’di kaya’y may ibang inuuwiang babae!

“Saan ka pupunta? Bakit iniempake mo’ng lahat ng mga damit mo?” takang tanong ni Ericka sa kaniyang kinakasamang si Jomar nang isang gabi, pagkatapos nilang mag-away dahil muli na naman niya itong nahuling may ka-chat na ibang babae ay bigla na lamang itong nag-alsabalutan.

“Aalis na ako sa lintek na bahay na ’to! Puro kamalasan lang sa buhay ang hatid mo sa akin, pati na rin ang batang ’yan, kaya doon na ako titira sa bago kong nobya!” tahasan naman nitong sabi sa kaniya na agad namang ikinabigla ni Ericka.

“Ang kapal ng mukha mo, Jomar! May anak tayo!” umiiyak namang sigaw ni Ericka ngunit isang malakas na paghawi lang ang ibinigay ni Jomar sa kaniyang sagot.

“Buntis na rin naman ang bago kong nobya kaya hindi ko na kayo kailangan ng anak mo. Simula ngayon ay pinuputol ko na ang kahit na anong koneksyon ko sa ’yo at sa anak mo kaya huwag na huwag mo na akong guguluhin pa!”

Matapos ang gabing ’yon ay halos madurog ang buong pagkatao ni Ericka. Hindi niya akalaing magagawa iyong gawin ni Jomar pagkatapos ng ilang taon na rin naman nilang pagsasama bilang parang tunay na mag-asawa. Ngunit magkaganoon man ay hindi siya maaaring sumuko, dahil may anak pa siya na siya na lamang ang inaasahan. Itinatak na lamang ni Ericka sa kaniyang isip na kailangan siya ng kaniyang anak at ito ang pinakamahalaga sa lahat.

Dahil doon ay humingi ng tulong si Ericka sa kaniyang mga magulang upang iwan sa mga ito ang pangangalaga sa kaniyang anak habang siya ay nagtatrabaho. Nag-apply siya bilang isang engineer sa isang kumpaniya upang makaipon siya ng pang-umpisa ng sarili niyang negosyo.

Nagpursige ang babae. Ginawa niya ang lahat upang makamit ang kaniyang gusto. Nagtrabaho siya araw man o gabi para lang matupad ang pangarap niya para sa kaniyang anak, at dahil doon ay mabilis na umangat sa buhay si Ericka sa loob lamang ng maiksing panahon! Tila napaganda pa nga ang kapalaran niya buhat nang iwan siya ng kinakasama niyang babaero!

Nakapagpatayo ng sarili niyang construction company na kalaunan ay nakilala na rin sa buong bansa, hanggang sa magbinata ang kanyang anak at ito na ang pumalit sa kaniya bilang bagong may-ari ng kompaniyang pinaghirapan ni Ericka.

Samantala, labis naman ang pagsisisi ni Jomar buhat nang iwan niya si Ericka dahil tila ba minalas siya nang husto matapos niyang sumakabilang-bahay. Nalaman niya kasing hindi pala kaniya ang dinadala ng babaeng ipinalit niya kay Ericka, pagkatapos ay nalugmok pa siya sa pag-inom ng alak dahil iyon ang naging sandigan niya sa sakit na ibinigay sa kaniya ng nasabing babae. Huli na rin naman ang lahat para balikan pa niya si Ericka dahil nahihiya na siyang lapitan ito noon nang makitang napakagaling na nito sa larangang pinasok buhat nang maghiwalay sila! Ngayon ay kaya na lamang niyang pagmasdan ang kaniyang mag-ina sa mga diyaryo at telebisyon habang dala ang sumpa ng labis na pagsisisi dahil sa pang-iiwan niya sa kanila noon.

Advertisement