Noong Una’y Hindi Gusto ng Babaeng Ito ang Mahirap na Manliligaw; Kalaunan ay Bibigay rin naman Pala Siya, Ang Kaso’y Nakuha na Ito ng Iba
“Uy, Gema, si Ian, hinihintay ka na, o!” sabi sa kaniya ng isa sa kaniyang mga kaeskuwela nang mamataan nito ang manliligaw niyang si Ian sa labas ng kanilang classroom na matiyagang naghihintay ng pagtatapos ng kanilang klase. Dahil doon ay hindi naiwasan ni Gema na maipaikot ang kaniyang mga mata sa ere. Talagang wala kasing kasawa-sawa ang lalaking ito kahit na ang totoo ay ilang beses na niya itong binasted.
“O, bakit parang bigla ka namang na-bad mood? Nakita mo lang si Ian, nagkaganiyan ka na,” pansin naman ng kaniyang kaklaseng si Malou na agad namang tinugon ni Gema ng pagngiwi.
“Iyon na nga, e!” naiinis na sagot niya. “Nandiyan na naman ’yan. Nagsasawa na ako sa mukha ng lalaking ’yan, e. Halos araw-araw ko na lang siyang nakikita,” dagdag pa ni Gema na ikinatawa naman ni Malou.
“Sus!” panunukso nito, “baka naman kaya ka naiinis, e, dahil napo-fall ka na sa kaniya?”
“Hindi, ’no!” agad na pagtanggi ni Gema sa sinabi ni Malou.
“E, bakit naman kasi ayaw mo kay Ian? Mabait naman ’yong tao. Matiyaga, at isa pa, mukhang iginagalang ka. Bukod doon, hindi rin siya sumusuko kahit pa obvious namang ayaw mo sa kaniya. Ang sweet kaya! Nakakainggit ka nga, e!” sunod-sunod namang litanya sa kaniya ni Malou.
Bumuntong-hininga naman si Gema. “Mahirap lang kasi siya, Malou. Ayaw ko namang maranasan na dumating sa puntong ako pa ang magbabayad sa mga kakainin namin sa tuwing magde-date kami. Gusto ko lang talagang maging praktikal. Hindi naman masamang maghanap ng lalaking kaya akong bigyan ng magandang buhay sa hinaharap, hindi ba?” katuwiran pa ni Gema. Ang totoo ay sang-ayon naman siya sa mga sinabi ni Malou tungkol kay Ian. Totoong mabait na tao ang binata, ngunit sadya nga lamang talagang mataas ang pangarap niya kaya naman ayaw niyang mapalapit dito.
“Grabe ka naman, Gema. Malay mo, dumating din ’yong araw na magiging successful si Ian. Masipag naman siya at may pangarap sa buhay. Hindi man siya kaguwapuhan, e, matalino naman siya. Kung ako sa ’yo, bibigyan ko ng chance ang sarili ko na makilala pa siya nang lubos,” pangangaral naman sa kaniya ni Malou na muli ay hindi pa rin pinansin ni Gema.
Sa paglabas niya ng kanilang silid-aralan ay nilampasan niya lang si Ian na para bang hindi niya ito nakita. Nang sundan siya nito ay muli na naman niyang binitiwan ang mga katagang dumudurog sa puso ng binata…
“P’wede ba, Ian, tigilan mo na ako? Ayaw ko sa ’yo at may iba na akong nagugustuhan. Maghanap ka na lang ng ibang babae. Marami naman diyan na mas makaka-appreciate sa ’yo, katulad ng kaklase kong si Malou. Kung ako sa ’yo, siya na lang ang liligawan ko!” iritable pang ani Gema kay Ian na sa huli ay napayuko na lang.
Matapos iyon, halos tatlong buwang hindi nagpakita si Ian kay Gema. Dapat nga ay matuwa ang dalaga, ngunit sa panahong hindi niya nasisilayan ang mukha ng binata ay tila ba palaging kulang ang kaniyang araw. Hindi siya masaya. Kaya naman nang isang araw ay nakita niyang naghihintay si Ian sa labas ng kanilang silid-aralan ay tuwang-tuwa siya! Napatayo pa nga siya nang kawayan siya nito, ngunit ganoon na lang ang pagkadismaya niya nang biglang tumakbo ang noon ay katabi niyang si Malou upang salubungin si Ian na ngayon ay abot-tainga ang ngiti habang iniaabot sa kaklase niya ang dala nitong mga bulaklak.
Lingid sa kaniyang kaalaman, nang mga panahong hindi nagpapakita sa kaniya si Ian ay pinilit na ng binata ang sarili nito na kalimutan siya. Eksakto namang nagkakilala rin sina Malou at Ian at agad silang nagkamabutihan lalo pa at matagal na rin naman talagang hinahangaan ni Malou ang lalaki. Halos madurog ang puso ni Gema, lalo na nang sa wakas ay sagutin na ni Malou si Ian at nabalitaan niyang naging opisyal nang magnobyo ang dalawa.
Simula noon, nawalan na ng ganang makipagrelasyon pa si Gema sa ibang lalaki, lalo pa at makalipas pa ang ilang taon ay muli silang nagkita-kitang tatlo. Sina Malou at Ian, bilang may-ari ng kanilang sariling negosyo, habang siya naman bilang isang aplikante sa kanilang kompaniya.
Laking pagsisisi talaga ni Gema na hindi niya nakita noon ang halaga ni Ian, kaya napunta ito sa iba. Ngayon ay wala na siyang ibang magawa kundi ang magngitngit na lang sa isang tabi habang nakikita kung paano maging masaya ang dalawa sa kanilang buhay bilang mag-asawa.