Suwail daw ang Kaniyang Anak Kaya naman Hindi na Siya Magtataka kung Babagsak Ito sa Eskuwela; Nagulat Siya nang Uwian Siya Nito ng Medalya
“Ginabi ka na naman ng uwi! Saan ka ba nanggagaling bata ka? Puro sakit na lang sa ulo ang inaabot ko sa ’yo! Hindi mo na ako binigyan ng katahimikan kahit kailan!”
Panay ang pagbubunganga ni Aling Teresa sa kaniyang nag-iisang anak sa pagkadalagang si Ariel, samantalang ang binatilyo naman ay patuloy lang sa pagtatanggal ng kaniyang sapatos. Hindi niya iniintindi ang kaniyang ina, dahil masiyado na siyang pagod para gawin ’yon. Bingi na siya at manhid na rin sa masasakit na salitang sinasabi nito sa halos araw-araw na ginawa ng Panginoon.
“Pawis na pawis ka! Napakarumi pa ng uniporme mo na akala mo, galing ka sa pagmemekaniko! Samantalang sa lakwatsa nga lang nauubos ang oras mo. Kung ’di ko pa alam ay baka nga hindi ka talaga pumapasok sa eskuwela. Manang-mana ka talaga sa ugali ng ama mong walang modo!” patuloy pa rin sa pagbubunganga ang kaniyang ina, habang si Ariel naman ay tuloy-tuloy na pumasok sa kanilang kusina upang kumain. Sawa na siyang ipagtanggol ang sarili sa ina dahil alam niya namang wala siyang magandang ginagawa sa paningin nito kahit kailan.
‘Suwail’ at ‘pasaway’ na anak ang tingin sa kaniya ng mga taong nakakakilala sa kanilang mag-ina, dahil iyon din naman ang madalas na ipamalita ni Aling Teresa sa mga ito. Dahil doon, maging ang ibang tao tuloy ay hinuhusgahan siya, kahit hindi naman talaga alam ng mga ito ang nangyayari sa kaniyang buhay.
Sa eskuwelahan lamang nagkakaroon si Ariel ng pagkakataong patunayan at ipagmalaki ang kaniyang sarili, bilang ang totoo ay isa siya sa pinakamatatalinong estudyante ng kanilang paaralan. Sa kaniyang mga guro ay nakahanap siya ng papuri na dapat ay sa sarili niyang ina nakakamtan, ngunit magkaganoon man, kailan man ay hindi inisip ni Ariel na tuluyang magrebelde sa kaniyang ina. Pinilit na lamang niyang intindihing ganito ito dahil akala nito ay gagawin din niya ang mga pagkakamaling nagawa nito noong kabataan niya.
“Nanay, ipinatatawag daw ho kayo ng mga guro ko sa eskuwela. Sana’y makapunta kayo kahit ngayon lang,” minsan ay ani Ariel sa kaniyang ina na agad naman siyang sinimangutan dahil sa kaniyang tinuran.
“Bakit?” galit agad ang tonong tanong nito. “Siguro, may ginawa ka na namang kalokohan, ano? Hay, nako! Wala ka na talagang ambag sa buhay ko kundi pagpapahirap! Sakit sa ulo ka talagang bata ka!” tuloy-tuloy pang sabi nito kaya naman napabuntong-hininga na lang si Ariel at hindi na itinuloy pa ang pangungumbinsi sa ina na dumalo sa naturang pagpupulong ng mga magulang nila. Lahat kasi ng mga estudyanteng makatatanggap ng parangal sa darating nilang pagtatapos ay ipinatawag ang mga magulang upang makapaghanda sa kanilang seremonya.
“Ano, bakit hindi ka na nakapagsalita pa r’yan? Talagang hindi ko pupuntahan ’yang meeting na ’yan dahil baka mapahiya lamang ako r’yan! Hindi ka tumulad sa ibang bata riyan na hindi man lang binibigyan ng kunsumisyon ang mga magulang nila. Sa ’yo, wala na akong aasahan!” tuloy-tuloy pa ring ani Aling Teresa na muli ay hindi na lamang pinansin pa ni Ariel.
Araw ng kanilang pagtatapos. Nanghigit na lamang ang binatilyo ng isa sa mga kaanak ng kaniyang kaibigan upang may makasama siyang magmartsa sa kanilang graduation ceremony at nang may magsabit man lamang sa kaniya ng kaniyang medalya bilang siya ang magkakamit ng pinakamataas na parangal sa kanilang pagtatapos. Siya kasi ang kanilang batch valedictorian at ni wala man lang kaide-ideya ang kaniyang ina tungkol doon.
Alas diyes na ng gabi nang makauwi si Ariel galing sa kanilang pagtatapos. Naabutan niyang nakaabang ang galit na pigura ng kaniyang ina sa kanilang pintuan ay may hawak itong patpat na tila ba handa na nitong ipamalo sa kaniya, pagkakita pa lamang nitong siya ay parating na. Mukhang ni hindi rin nito alam na ngayon ang araw ng kaniyang pagtatapos kaya naman ganoon na lamang ang galit nito.
Akma na sanang ibubuka ni Aling Teresa ang kaniyang bibig upang sermunan si Ariel, nang biglang itaas ng binata ang kaniyang medalya, pati na rin ang sertipikong nagsasabi na nakakuha siya ng full scholarship mula sa isang magandang unibersidad!
Doon lamang napag-alaman ni Aling Teresa na ang kaniya palang anak ay hindi isang suwail, kundi isang mabait at masunuring binata na ginagawa ang lahat ng makakaya niya makatapos lang ng pag-aaral at dahil doon ay halos wala siyang mukhang maiharap dito. Napahiya siya.
Agad na binalot ng pagsisisi si Aling Teresa. Napaluhod siya at umiiyak na humingi ng tawad sa anak. Simula noon ay binawi niya ang lahat ng masasamang salitang ipinamalita niya tungkol kay Ariel. Gusto niyang bumawi sa lahat ng pagkukulang niya sa anak na hinusgahan niya, dahil lamang sa takot na baka gawin din nito ang lahat ng kalokohan niya noong siya ay bata pa.
Nagkamali siya, ngunit lahat ng iyon ay itatama niya na ngayon. Mahirap man ang proseso ng muling pakikipaglapit niya sa anak ay gagawin niya pa rin ang lahat upang makabawi rito.