Inday TrendingInday Trending
Basta na Lamang Sumama Pa-Maynila ang Probinsyanang Ito sa Lalaking Bakasyonista; Sa Huli ay Pagsisisihan Pala Niya Ito

Basta na Lamang Sumama Pa-Maynila ang Probinsyanang Ito sa Lalaking Bakasyonista; Sa Huli ay Pagsisisihan Pala Niya Ito

“Mahal kita, Althea. Magkita tayo sa bakanteng lote mamayang alas dose. Sumama ka na sa akin kung talagang mahal mo ako,” makabagbag damdaming sabi ni Daniel sa kaniya nang gabing tumakas siya sa kanilang tahanan upang makipagkita sa binatang bakasyonistang ito sa kanilang probinsya.

Taga-Maynila si Daniel at agad silang nagkagustuhan ng dalagang si Althea sa maiksi lamang na panahong pananatili ng binata sa naturang lugar. Palibhasa kasi ay guwapo ito at makisig ang pangangatawan kaya naman mabilis nitong nakuha ang loob ng nasabing dalaga. Dahil doon ay walang pagdadalawang isip na sumang-ayon sa kaniya si Althea.

Tango ang isinagot ng dalaga sa hiling ng kaniyang nobyo. Kahit pa nga anong pagtutol ang gawin ng mga magulang niya sa pakikipagrelasyon niya sa binata ay wala silang magagawa upang pigilan siya sa pagmamahal niya rito. Hindi niya kayang mawalay kay Daniel, kaya naman nagpasiya siyang suwayin na ang gusto ang kaniyang ama’t ina at sumama siya nang gabing iyon sa binata, sa muli nitong pagbabalik sa Maynila. Nakipagtanan siya sa lalaking hindi pa naman niya lubos na kilala, nang hindi man lamang nag-iisip kung ano ang maaari niyang kahinatnan sa kaniyang gagawin.

Ni hindi pa nakapagtatapos si Althea ng pag-aaral, dahil katatapos lamang niya sa senior highschool at kadidisiotso anyos pa lamang niya. Dahil doon ay wala siyang kaalam-alam sa buhay na naghihintay sa kaniya sa Maynila.

Noong una ay maayos naman ang trato ni Daniel sa kaniya. Nangungupahan sila sa isang maliit na apartment at masaya sila kahit maliit lang ang kita ng lalaki. Ngunit ilang buwan lamang ang itinagal n’on, lalo na nang agad na magdalantao si Althea, wala pa man silang isang taong nagsasama ng lalaki.

Habang lumalaki ang kaniyang tiyan ay unti-unti na rin niyang nakikita ang tunay na kulay ni Daniel. Nagsimula na kasi itong manlamig sa kaniya buhat nang magkaroon na ng pagbabago sa kaniyang pisikal na hitsura dahil hindi na magkandaugaga si Althea sa mga gawaing bahay.

Ganoon pa man ay tiniis niya iyon hanggang sa siya ay makapanganak at tuluyan nang mawalan ng oras sa sarili. Ibinuhos ni Althea ang lahat ng kaniyang atensyon sa pag-aalaga ng kanilang anak at ng kinakasamang si Daniel, kaya naman nawalan siya ng pagkakataong mag-ayos man lang ng sarili.

Sunod-sunod nang ginagabi nang uwi si Daniel nang linggong ’yon, kaya naman nang gabing ’yon ay nagasiya na siyang lumabas upang sunduin ito sa pinagtatrabahuhan nitong construction site. Wala na kasing gatas at diaper ang kanilang anak, at panay na ang iyak nito kaya naman iniwan muna niya ito saglit sa pangangalaga ng kanilang kapitbahay.

Ngunit halos gumuho ang mundo ni Althea nang sa kaniyang pagdalaw sa pinagtatrabahuhan ni Daniel ay nadatnan niya iyong may kahalikang ibang babae! Ganoon na lamang ang galit niya kaya naman sinugod niya ang mga ito, ngunit imbes na magsisi ay nagulat siya sa sunod na ginawa sa kaniya ni Daniel! Isang malakas na sampal ang ibinigay sa kaniya nito, kasabay ng pangangaladkad nito sa kaniya pauwi!

“Eskandalosa ka! Hindi mo ba alam na ang babaeng sinaktan mo ay asawa ng boss ko? Paano kung ipatanggal ako no’n?” galit na anas sa kaniya ni Daniel na lalo pang ikinagalit ni Althea.

“Talagang matatanggal ka sa trabaho, dahil imbes na paggawa ng bahay ang asikasuhin mo, ’yong asawa ng boss mo ang tinatrabaho mo! Kaya pala lagi ka na lang ginagabi nang uwi! Hindi mo man lang kami naisip ng anak mo!” umiiyak pang sabi ni Althea habang panay ang suntok niya sa dibidib ng kinakasama.

“Paano’ng iisipin pa kita, e, sawang-sawa na nga ako sa pagmumukha ninyong mag-ina! Ayaw na nga kitang uwian pa, e! Naaasar ako sa mukha mo. Losyang ka na! Ni hindi ka na nga yata marunong magsuklay man lang ng buhok mo, pagkatapos, ngayon ay nagtataka ka kung bakit nagawa kitang ipagpalit sa iba?!”

Matapos ang pagtatalo nilang ’yon ay muling lumabas si Daniel ng kanilang bahay. Naiwan doon si Althea na puno ng paghihinagpis at pasa, dulot ng pananakit sa kaniya ng kinakasama, kaya naman nagpasiya siyang mag-impake ng gamit nila ng kaniyang anak. Ngayon siya nagsisising basta na lamang siya sumama sa ganitong klase ng tao, kaya naman kahit pa harapin niya ang galit ng kaniyang mga magulang ay tatanggapin niya, basta’t uuwi sila ng kaniyang anak sa probinsya!

Nang gabing ’yon, lingid sa kaalaman ni Daniel ay umuwi nga sina Althea at ang kaniyang anak sa probinsya upang mag-umpisa ulit ng panibagong buhay. Galit man sa kaniya ang mga magulang ay tinanggap pa rin siya ng mga ito.

Dala ang leksyong natutuhan niya sa nangyari sa kaniyang buhay ay muling nagsimula si Althea sa tulong ng kaniyang mga magulang na noon ay sinuway niya. Ngunit ngayo’y iba na, sapagkat hindi lamang sarili niya ang iisipin niya kundi ang kapakanan ng anak niya, kaya’t sigurado siya na sa pagkakataong ito’y magiging mas matalino na siya sa mga susunod pang desisyon sa buhay niya.

Advertisement