Sinaktan ang Puso Niya ng Isang Lalaki Kaya Naman Isang Ideya ang Naisip Niya Upang Makaganti, Aagawin Niya ang Babaeng Mahal Nito!
Nagkalat ang mga basyo ng alak sa sahig ng silid ni Arnie. Lupaypay din siya at namamaga ang mga mata habang nakatitig sa litrato ng tatlong taon niya na ring nobyong si Marco. Kanina kasi, sa kanila mismong ikatlong anibersaryo bilang magkarelasyon ay nakipaghiwalay ito sa kaniya at sinabing hindi na nito kayang ituloy ang kanilang relasyon dahil may napupusuan na raw itong iba…isang tunay na babae.
“Ano nga namang laban ng isang beking katulad ko sa isang maganda, seksi at matalinong babaeng katulad no’n? Kung alam ko lang na gagawin mo rin sa akin ’to sa huli, sana pala ay hindi na ako nagpauto sa ’yo!” animo baliw na pakikipag-usap pa ni Arnie sa litrato bago iyon inihagis sa pader na siyang ikinabasag ng pinaglalagyan nitong frame.
Labis na nasasaktan si Arnie nang mga sandaling ’yon kaya naman nakaisip siya ng hindi magandang ideya. Kailangan niyang makaganti sa ginawa sa kaniya ni Marco upang hindi na nito ulitin pa ang ginawa nito sa kaniya!
Inayos ni Arnie ang kaniyang sarili pagkagising na pagkagising pa lamang niya kinabukasan. Hindi pa man tuluyang nahuhulasan ng tama ng alak sa kaniyang katawan, pinilit niya na ang sariling bumangon sa higaan. Nagbihis siya nang disente. Inalis ang kulay pink na hairclip sa maiksi naman na niyang buhok na lalo pa niyang pinaiksi nang pagupitan niya ito sa barber shop sa labas ng kaniyang condo unit.
Sa isang mayaman at maperang katulad niya ay madali lamang isakatuparan ang naiiisip niyang plano. Balak niyang ligawan ang babaeng minamahal ngayon ni Marco bilang ganti sa ginawa nitong pananakit sa kaniya. Paiibigin niya ang nasabing babae upang masaktan si Marco at sa huli ay magkumahog itong bumalik sa kaniya!
Lalo pa ngang umayon ang lahat sa kaniyang plano nang mapag-alaman ni Arnie na ang babae palang nililigawan ni Marco—na nagngangalang Charity—ay nagtatrabaho bilang isang serbidora sa isa sa mga branch ng restaurant na pagmamay-ari ng kaniyang pinsan. Doon ay nagkakilala sila ng dalaga at agad niya namang nakuha ang kiliti nito, dahil nga isa siyang beki. Alam na alam niya kung ano ang gusto ng mga babae, kaya naman mabilis niyang nakuha ang loob nito! Pinalipas lamang niya ang ilang linggo at nag-umpisa na agad siya sa panliligaw sa dalaga.
Mabait si Charity. Hindi man maperang tulad niya ang dalaga ay mayaman naman sa pagmamahal ang puso nito. Napakasipag nitong magtrabaho bilang ito pala ang breadwinner ng kanilang pamilya. Habang tumatagal at nakikilala ito ni Arnie ay unti-unti niyang naiintindihan kung bakit nagustuhan ito ni Marco.
Ngunit hindi pa rin siya papayag na mapunta si Charity sa isang lalaking katulad lamang ni Marco. Isang batugan, babero at manggagamit. Kung noong una, ang habol niya ay makaganti lamang sa binatang ’yon, ngayon ay tila ba nag-iba na ang layunin ni Arnie kaya niya ginagawa ’yon. Gusto niya nang protektahan si Charity. Gusto niyang iligtas ito sa banta ng matinding sakit kapag ginawa rin ni Marco rito ang ginawa nito sa kaniya! Tila ba nawalan siya ng pakialam sa sarili niyang pinagdaanan noon, dahil ang lunduyan na ngayon ng kaniyang isip ay walang iba kundi ang kaligayahan ni Charity.
“Cha, kailan mo ba ako sasagutin?” isang beses ay naitanong ni Arnie sa dalaga habang kumakain sila sa labas. Madalas na kasing ayain ni Arnie ang dalaga, dahil napapansin niyang masaya at payapa ang puso niyang mamon sa tuwing kasama niya ito.
“Kailan mo ba gusto?” nakangisi namang pasaring sa kaniya ni Charity na agad namang nakapaghatid ng kaba sa puso ni Arnie.
Pinakiramdaman niya ang sarili. Nai-imagine na niya ang kaniyang sarili na nasa isang relasyon kasama ni Charity, at dapat ay nandidiri na siya sa mga sandaling ito…ngunit hindi iyon ang nararamdaman niya. Masaya siya at hindi niya alam kung bakit parang kinikilig pa siya sa isiping ’yon!
“Ngayon na,” wala sa isip na sagot pa ni Arnie nang hindi niya namamalayan. Nanlaki nga maski ang sarili niyang mga mata nang sabihin niya ’yon.
Natawa naman si Charity, ngunit maya-maya ay namumula itong nagsalitang muli… “Edi sinasagot na kita!” anito, at doon ay napatalon na sa tuwa si Arnie.
Doon niya napatunayang hindi na pala basta pagganti lang ang gusto niyang gawin tulad ng nauna niya nang layunin, dahil ngayon ay totoong minamahal na ng puso niyang mamon ang dalaga!
Inipon ni Arnie ang lahat ng kaniyang lakas ng loob matapos siyang sagutin ni Charity. Hindi niya na pinatagal pa at inamin niya na rito ang lahat ng nangyari sa nakaraan, maging ang tunay niyang pagkatao bago pa niya makilala ang dalaga. Mabuti na lang at sadyang malawak ang pang-unawa ni Charity at mabilis siya nitong naintindihan lalo na nang sabihin niyang totoong minamahal niya naman ang dalaga.
Sa wakas ay nahanap ni Arnie ang tunay na pag-ibig sa isang hindi niya inaasahang pagkakataon. Samantalang si Marco ay bigla na lamang nawala sa eksena at hindi na nagpakita pa nang malamang naagaw nga ni Arnie si Charity sa kaniya. Wala nang pakialam sina Arnie at Charity tungkol doon. Ang mahalaga ay nagmamahalan sila nang wagas at totoo kahit pa nag-umpisa lang ’yon sa isang plano.