Inggit na Inggit ang Babaeng Ito sa Kaniyang Katrabaho dahil Napakalambing daw ng Nobyo Nito; Ang Hindi Niya Alam ay May Itinatago pala Ito
Halos mawala na naman sa sarili si Gladys, dahil sa sobrang inggit na nararamdaman niya sa katrabahong si Sonia. Paano kasi, pagkapasok pa lamang nila sa kanilang opisina ay nadatnan na nila roon ang isang malaking bungkos ng puting mga bulaklak na tulips na mukhang mamahalin at elegante ang ayos. Gaya ng inaasahan nila ay galing na naman ’yon sa mayamang nobyo ni Sonia. Kaya nga halos lahat silang mga katrabaho nito ay inggit na inggit sa babae ay dahil napaka-sweet at napakamaalaga ng nobyo nito na tila ba laging nagpapakilig sa sobrang pagmamahal nito kay Sonia.
“Ang sweet talaga ng boyfriend mo, nakakainggit ka!” hindi napigilang anas ni Gladys sa katrabaho na sinagot naman nito ng payak lamang na ngiti. Ang totoo ay nagngingitngit siya sa inggit, dahil nagtatrabaho na nga sa isang flower shop ang nobyo niya, pero minsan lang kung maalala siya nitong bigyan ng bulaklak.
Sinundo siya ng kaniyang nobyo nang mag-uwian na sila galing sa trabaho. Napasimangot pa si Gladys nang makitang hindi man lang nag-abalang mag-ayos ang nobyo niya nang susunduin siya nito, samantalang ang nobyo ni Sonia ay palaging presentable sa tuwing magpapakita sa kanila.
“Nakakainis ka, alam mo ’yon? ’Di ka man lang tumulad sa boyfriend ng katrabaho ko. Kanina, binigyan siya nito ng malaking bouquet ng white tulips. Napaka-sweet!” reklamo ni Gladys habang iniaabot ang bag niya sa nobyong si Anjo upang bitbitin nito.
“Mahal naman. Hindi mo naman makakain ang bulaklak. ’Yong ipambibili ko no’n, iipunin ko na lang para makabili ako ng mas mahahalagang gamit,” katuwiran naman ni Anjo sa kaniya. “Saka, alam mo ba kung ano’ng ibig sabihin kapag binigyan kita ng white tulips? Ibig sabihin no’n, may kasalanan ako sa ’yo kaya nanghihingi ako ng tawad,” iiling-iling pang dagdag nito na ikinangiwi naman ni Gladys.
“Imbento mo lang ’yan, e! Iyon kaya ang palaging ibinibigay ng boyfriend ni Sonia sa kaniya!” katuwiran pa ni Gladys na ikinatawa naman ni Anjo.
“Edi ibig sabihin no’n, maraming kasalanan ’yong boyfriend ng kaibigan mo sa kaniya! Naiinggit ka sa gano’n?” pang-aasar pa sa kaniya nito. Pinili na lamang ni Gladys na huwag pansinin si Anjo, dahil baka niloloko lang siya nito. Pero naalala niyang marami nga pala itong alam sa bulaklak dahil nagtatrabaho nga ito sa isang flower shop.
Kinabukasan, upang makabawi sa pang-aasar sa kaniya ay inihatid siya ni Anjo sa kaniyang trabaho. Doon ay aktuwal nitong naabutan na hawak na naman ni Sonia ang bungkos ng mga bulaklak mula sa kaniyang nobyo. Namangha pa nga si Gladys nang makitang kombinasyon ng pula at itim ang mga kulay ng bulaklak na nasa bouquet na iyon sa pagkakataong ito. Dahil doon ay muli na namang binalot ng inggit si Gladys.
“Red Salvia at Black Roses? Ang pangit ng kombinasyong ’yan,” maya-maya’y sambit ni Anjo sa tabi niya na tila sarili ang kinakausap. Napangiwi na naman si Gladys sa tinuran nito.
“Bakit na naman? Ang dami mo talagang alam, ’no?” umiismid pang aniya sa nobyo.
“Ang ibig sabihin kasi ng Red Salvia ay parang pagsasabi na ‘akin ka lang’ o ‘akin ka lang habang buhay’ habang ang itim na rosas naman ay maramig negatibong ibig sabihin, katulad ng obsession…alam mo, tingin ko hindi maganda ang lagay ng katrabaho mo sa karelasyon niya,” kibit-balikat namang sabi pa sa kaniya ni Anjo sa seryosong ekspresyon na nakapag-iwan naman ng palaisipan kay Gladys sa araw na ’yon.
Mabuti na lang at nasubsob si Gladys sa trabaho nang araw na ’yon at nawala iyon saglit sa kaniyang isip. Maya-maya pa ay nag-lunchbreak na silang magkakaopisina. Sandali munang nagtungo si Gladys sa banyo dahil kanina pa siya tinatawag ng kalikasan. Dahil doon ay hindi niya namalayang may tao pala sa cubicle na binuksan niya, dahil hindi rin naman ’yon nakasara nang maayos.
Nagulat siya nang makita ang katrabahong si Sonia sa loob nito na nagbibihis, ngunit ang mas nakapagpagulat sa kaniya ay ang napakaraming pasa at sugat sa katawan nito na itinatago lamang pala nito sa likod ng kaniyang mga damit! Doon ay nagkaroon ng lakas ng loob si Gladys na tanungin ang katrabaho at napag-alaman niyang nakadaranas pala ito ng pang-aab*so sa sarili nitong nobyo at natatakot itong magsumbong sa mga awtoridad, dahil sabi sa kaniya ng kaniyang nobyo ay wala naman daw maniniwala sa kaniya!
Mabuti na lamang at nakita iyon ni Gladys at agad niyang inaya si Sonia na magpa-medical nang araw ding ’yon upang magkaroon sila ng patunay na sinasaktan nga ito ng nobyo nito! Dahil doon, hindi nagtagal ay nakasuhan ang nasabing lalaki at nakalaya mula sa kaniya si Sonia.
Laking paghanga tuloy ni Gladys sa nobyo niyang si Anjo dahil sa tamang prediksyon nito base lang sa mga bulaklak na ibinibigay ng nobyo ni Sonia sa kaniya. Dahil doon ay nagsisi tuloy siyang ikinumpara niya ito roon, dahil kung tutuusin ay swerte pa siya sa nobyo niyang ito, na lingid sa kaniyang kaalaman ay nag-iipon pala ng pambili ng singsing upang makapag-propose na ito sa kaniya ng kasal.
Natutuhan ni Gladys dahil sa pangyayaring ’yon na kailangan niyang makuntento sa kung ano’ng mayroon siya ngayon at huwag mainggit sa iba, dahil hindi natin alam ang kwento sa likod ng bawat bagay na kinaiinggitan natin.