Imbes na Magpakumbaba ay Ipinagyabang Niya ang Tagumpay na Maging Pulis; Agad Tuloy Itong Binawi sa Kaniya
Halos buong barangay ang nakarinig ng sigaw ng binatang si James nang makatanggap siya ng mensahe na nagsasabing siya ay isa nang ganap na pulis.
“Diyos ko, anak! Totoo na ba ‘yang sinasabi mo? Hindi na ba ‘yan false alarm? Baka naman kapangalan mo lang ‘yong taong nakapasa, ha!” pag-aalinlangan ng ina saka inagaw sa kaniyang kamay ang kaniyang selpon upang siguraduhing siya nga ang nakapasa.
“Mama, wala ka talagang bilib sa akin, ha! Ayan, o, buong-buo na nga ang pangalan ko, may pangalan niyo pa ni papa! Imposibleng may kaparehas na ako ng pangalan, parehas din ang pangalan niyo ni papa!” sagot niya saka tinuro sa ina ang kaniyang mga impormasyong naroon.
“Salamat naman sa Diyos kung ganoon! Akala ko, habambuhay ka nang magiging tambay, eh!” tuwang-tuwa wika nito saka siya niyakap nang mahigpit.
“Sabi ko naman sa’yo, mama, huwag kang mag-alala dahil papasa rin ako sa lintek na pagsusulit na ‘to! Ilang beses man akong bumagsak, dumating naman ang panahon na ako na ang nangunguna sa listahan!” pagyayabang niya.
“O, dahil d’yan maging mabuti kang pulis, ha! Huwag mong gamitin ang katungkulan mo para manlamang ng tao!” payo nito sabay tapik sa likod niya.
“Masusunod po, kumander!” masigla niyang tugon.
Ilang araw lang ang kaniyang binilang, agad na rin siyang nakatanggap ng mensahe na siya’y sasailalim na sa isang pagsasanay upang siya’y tuluyan nang makapagsilbi sa bayan.
Sa pagsasanay na iyon, siya’y muling tinuruan tungkol sa mga batas, sinanay siyang lumaban sa mga masasamang loob at syempre, siya’y hinasa na humawak ng baril na labis niyang ikinatuwa. Sabi niya pa habang inaayos ang baril na pahiram sa kaniya, “Ilang tao kaya ang matututukan ko ng baril? Sana kapag nagtrabaho na ako, may krim*nal akong agad na mabigyan ng leksyon!”
Makalipas lang ang isang buwan, siya nga ay tuluyan nang nadestino sa isang presinto na hindi kalayuan sa kinalakihan niyang lungsod at dahil nga isa na siyang pulis doon, mayroon na rin siyang sariling baril na talagang labis na nagbigay kasiyahan sa kaniya.
Dahil sa sunod-sunod na tagumpay na nangyari sa buhay niya, hindi niya naiwasang magyabang sa kaniyang mga pinsan na noon ay kasama niyang tumambay sa kanilang barangay.
“Nakita niyo ‘to? Ito ang bunga ng paghihirap ko! Ilang beses man akong bumagsak, nagkaroon pa rin ako ng ganitong klaseng baril! Kayo, kailangan kayo magbabagong buhay, ha? Kawawa naman ang mga magulang niyo!” payo niya sa mga pinsan habang pinupunasan sa harap ng mga ito ang bago niyang baril.
“Ang yabang mo naman, James! Baka nga hindi ka pa marunong gumamit niyan, eh!” patawa-tawang biro ni Karlo na agad niyang ikinagalit.
“Anong hindi? Ilang linggo akong nagsanay bago ko makamit ang baril na ‘to! Gusto mo bang masampolan kita?” babala niya rito sabay kasa at tutok ng baril sa ulo nito.
“Teka, James, insan, ang init mo naman agad. Nagbibiruan lang tayo rito, eh!” awat naman ng isa.
“Itatak niyo kasi sa isip niyo na hindi na ako ‘yong pinsan niyong basta-basta lang! Pulis na ako! Galangin niyo na ako!” sigaw niya sa mga ito kaya lang nang mapatingin siya kay Karlo, lalong uminit ang dugo niya, “Iiling-iling ka pa riyan?” sigaw niya rito saka niya tinutok ang hawak niyang baril sa tiyan nito.
Wala siyang ibang hangad no’n kung hindi ang takutin lang ang kaniyang mga pinsan upang siya’y bigyan ng paggalang kaya lang, hindi niya mawari kung bakit bigla niyang nakalabit ang gatilyo at bumulagta na lang sa harap niya ang pinsan niyang ito.
“Karlo!” sabay-sabay na sigaw ng kaniyang mga pinsan.
Agad na nagkagulo ang kanilang mga kapitbahay na nakarinig ng putok ng baril. Sa sobrang pagkatuliro niya sa nangyari, naupo na lang siya sa isang tabi at doon umiyak nang umiyak dahil sa pagsisisi.
“Wala na, James, tapos na kaagad ang masasayang araw mo!” sigaw niya sa sarili habang siya’y pinoposasan ng mga pulis na kaagad na rumesponde kasama ng ambulansyang sumundo sa pinsan niyang naghihingalo na.
Katulad ng sinabi niya, tuluyan na nga siyang natanggalan ng lisensya, nakulong pa siya sa presintong akala niya, magiging lugar kung saan siya magtatrabaho.
Puno man ng pagsisisi ang kaniyang dibdib, siya’y bahagya pa ring nahimasmasan nang siya’y dalawin ng kaniyang ina at yakapin sa pagitan ng mga rehas ng kulungan.
Labis man siyang nanghihinayang sa oportunidad na kaniyang nasayang dahil lang sa kaniyang pagiging mayabang, wala na siyang ibang magawa sa loob ng kulungan kung hindi ang magsisi at mangako sa Maykapal na siya’y magbabago na.
Matagal-tagal pa man ang kailangan niyang gugulin doon, araw-araw niya itong tinatanggap dahil alam niya sa sarili niyang siya ay nagkamali at nawala ang kaniyang pinsan dahil sa kayabangan niya.