Inday TrendingInday Trending
Nagpupuyat ang Dalaga Para Lang Makausap ang Nobyong Nasa Ibang Bansa; Maging Sariling Kalusugan ay Kaya Niyang Ipagpaliban Para Lang sa Pag-ibig na Huwad Naman Pala

Nagpupuyat ang Dalaga Para Lang Makausap ang Nobyong Nasa Ibang Bansa; Maging Sariling Kalusugan ay Kaya Niyang Ipagpaliban Para Lang sa Pag-ibig na Huwad Naman Pala

Walong oras man ang pagitan ng dalagang si Jovie at ng kasintahan niyang nasa ibang bansa, hindi ito nagiging hadlang sa kaniya para makausap ang binata. Hindi niya iniinda ang kaniyang puyat at ang labis na antok na kaniyang nararanasan kapag siya’y nagtatrabaho basta’t makausap niya lamang ito.

Sa tuwing hindi niya ito nakakausap dahil minsan ay napapasarap ang kaniyang tulog o kaya naman ay kapag walang bakanteng oras ang kaniyang nobyo, lungkot na kaagad ang bumabalot sa puso’t isip niya.

Sa kabilang banda naman, kapag nakausap niya ito ng kahit tatlumpung minuto lamang, kumpleto na kaagad ang kaniyang araw. Minsan nga, kahit lima o sampung minuto niya lang ito makausap ay kuntento na siya.

Ito ang dahilan kaya’t madalas siyang pagalitan ng kaniyang ina. Napapansin kasi nito ang labis niyang pagmamahal sa binata kumpara sa pagmamahal na binibigay nito sa kaniya.

“Mahal naman niya ako, mama, eh. Sadyang pagod lang siya sa trabaho tuwing nag-uusap kami,” paliwanag niya sa ina, isang araw nang mapansin nitong titig na titig na naman siya sa kaniyang selpon habang hinihintay na sagutin ng binata ang tawag niya.

“Ano ‘yon, araw-araw siyang pagod sa trabaho, anak? Wala bang araw na wala siyang trabaho para araw-araw niyang iparamdam sa’yo na napipilitan lang siyang kausapin ka?” sermon nito sa kaniya.

“Hindi naman sa ganoon, mama, tiyak naman ako na may dahilan siya. Nangako kami sa isa’t-isa, mama, bago siya umalis na kahit anong mangyari, iintindihin namin ang isa’t-isa,” katwiran niya pa na ikinainis lalo ng kaniyang ina.

“Nandoon na nga tayo, anak, pero huwag mo naman sanang abusuhin ang katawan mo para lang sa lalaking halata namang wala nang ganang makipag-usap sa’yo! Akala mo ba hindi ko naririnig ang mga usapan niyo? Kitang-kita namang ayaw na niyang kausapin ka kaya tigilan mo na ‘yang lalaking ‘yan at matulog ka na sa tamang oras!” pagbubunganga pa nito na imbes ay kaniyang pakinggan, tinakpan niya pa ang kaniyang tainga.

Nagpatuloy ang ganoong sitwasyon nila ng kaniyang nobyo. Araw-araw man siyang puyat na puyat pagdating sa trabaho, ayos lamang sa kaniya basta’t makausap ang binata.

Ngunit habang tumatagal, napapansin niyang paikli na nang paikli ang pag-uusap nila ng binata na ikinabahala na niya. Kahit may pag-aalinlangan na sa kaniyang puso’t isipan, hindi niya pa rin hinahayaang madungisan nito ang pagmamahal niya sa binata.

Gabi-gabi niya pa rin itong hinihintay na sagutin ang kaniyang tawag. Kahit siya’y abutin na ng pag-angat ng araw kakatawag sa naturang binata, hindi pa rin niya ito sinukuan dahil sa kagustuhan niyang makausap ito.

Kaya lang, isang araw, habang siya’y naghihintay ng mensahe ng binata upang malaman niya ang rason kung bakit hindi nito sinasagot ang tawag niya, bigla na lamang nagdilim ang kaniyang paningin at ang huli niya na lamang na narinig ay ang sigawan ng kaniyang mga katrabahong nagulat sa pagbagsak niya.

Pagkamulat niya ng kaniyang mga mata, agad siyang niyakap ng kaniyang ina at labis na nagpasalamat sa Poong Maykapal. Imbes na alalahanin ang sariling sitwasyon, agad niyang kinuha ang kaniyang selpon at tiningnan kung may mensahe na ang binata.

Agad na nanlaki ang kaniyang mga mata sa tuwa nang makitang may mahabang mensahe ito para sa kaniya. Kaya lang, nang kaniya itong basahin, agad na tumulo ang kaniyang luha.

“Bakit, anak? Huwag ka munang gumamit ng selpon! Ang kakapuyat mo at paggamit ng teknolohiyang ito ang naging sanhi kung bakit ka nawalan ng malay!” sermon ng kaniyang ina saka agad na inagaw ang hawak niyang selpon.

“Mama, may iba na raw siyang minamahal na dalaga. Ibang lahi raw ‘yon, mama, maganda at mayaman pa raw. Iyon pala ang nagpapatira sa kaniya roon sa ibang bansa, mama. Bago pala siya umalis, nag-uusap na sila no’n at niloloko na niya ako,” hagulgol niya na ikinatigil ng kaniyang ina.

Wala na itong iba pang ginawa kung hindi ang yakapin siya at tapik-tapikin ang kaniyang likuran habang sinasabing, “Hindi ikaw ang nawalan, anak. Pinakita mo sa kaniya kung gaano mo siya kamahal. Sinasakripisyo mo pa nga ang sarili mong kalusugan para sa kaniya, eh. Pagsisisihan niya ang ginawa niya sa’yo, anak. Maging matatag ka, ha? Hindi lang siya ang lalaki sa mundong ito!” na lalo niyang ikinaiyak.

Hindi man niya agad na natanggap ang pangyayaring iyon at hirap na hirap man siya sa pag-usad sa buhay lalo na kapag naaalala niya ang masasaya nilang alaala ng binata, palagi naman siyang sinasamahan at pinapasaya ng ina upang matanggal sa isip niya ang masakit na pangyayaring iyon.

Hanggang sa isang araw, paglipas ng isang taon, kasabay ng pagtanggap niya sa pangyayaring iyon, nabalitaan niya namang umuwi na ng Pilipinas ang kaniyang dating kasintahan dahil sinasaktan daw ito ng kinakasamang dalaga sa ibang bansa.

“Sabi ko sa’yo, eh, siya ang nawalan! Hindi siya makakahanap ng isang katulad mo, anak! Mabuti nga sa kaniya!” galit na galit na sabi ng kaniyang ina nang mabalitaan din nito ang sinapit ng binata na talaga nga namang ikinatawa niya na lamang.

Ibang klase talaga kung kumilos ang karma, ano?

Advertisement