Sa Unang Pagkakataon ay Bibiyaheng Magkahiwalay ang Magkasintahan; Nakakadurog Pala ng Puso ang Dahilan
Naturingan ngang nasa business class ng naturang eroplano si Sandra pero hindi man lang niya makuhang matuwa. Mabigat ang kaniyang dibdib dahil ito ang unang beses na bibiyahe sila ng kaniyang mapapangasawang si Alas nang magkahiwalay. Malalim na ang gabi kaya lalong hindi maintindihan ng dalaga ang kaniyang mararamdaman.
Bago pa man siya pumasok ng eroplano ay nakatanggap siya ng tawag mula sa kaniyang ina.
“Ayos ka lang ba, anak? Nag-aalala ako sa iyo,” wika ni Sandra.
“Ayos lang po ako, ‘ma. Kasama ko naman si Alas. H’wag na po kayong mag-alala sa akin. Kaya ko po ito,” wika ng dalaga.
Alam kasi ng lahat ang takot niya sa pagsakay ng eroplano. Isa pa, hindi maganda ang kondisyon ng puso niya.
“Kung p’wede lang kitang samahan, anak, ay gagawin ko. Pero kailangan din kasi ako ng papa mo rito,” saad naman ng ina.
“Sinabi ko na po, ‘ma, ayos lang po ako. Alagaan n’yo na lang po si papa. Ako na po ang bahala. Saka isa pa, kahit naman magkahiwalay kami ni Alas ay kasama ko pa rin naman siya. Kaya ko na po ang sarili ko, ‘ma.”
Ilang saglit pa ay narinig na ni Sandra ang anunsyo.
“‘Ma, kailangan ko na pong sumakay ng eroplano. Huwag na po kayong mag-alala sa akin. Kaya ko po ito. Maraming salamat po. Mahal ko kayo ni papa,” dagdag pa nito.
Habang tinutungo ni Sandra ang daan papunta sa business class ng eroplano ay hindi niya maiwasan na hilingin na sana’y magkatabi na lang sila ng kasintahan.
Hinawakan niya ang singsing na nakasuot sa kaniya tanda na lagi naman niyang kasama ang binata. Bigla tuloy niyang naalala kung paano nagpropose sa kaniya ng kasal si Alas.
“Pakasalan mo naman na ako, Sandra, hindi mo ba gustong makasama ako habambuhay? Ilang beses ba kita kailangang tanungin?” pilit ng nobyo.
“Alas, sinabi ko naman sa iyo na hindi ako ang babaeng dapat mong pakasalan. Ayaw kong maging pabigat sa iyo. Alam mo naman ang kondisyon ng puso ko, ‘di ba? Isa pa, tingnan mo naman itong singsing na binibigay mo sa akin? Ito lang ba ang halaga ko?” natatawang saad ni Sandra.
“Papalitan ko naman ‘yan kapag tumaas na ang sahod ko! Sige naman na, Sandra, pakasalan mo na ako. Wala naman akong pakialam kung may sakit ka sa puso. Matibay itong puso ko, mamahalin kita sa kahit anong kondisyon mo!” giit pa ni Alas.
Sa tagal ng pagsasama nila ng nobyo ay pumayag na rin si Sandra na magpakasal. Walang araw naman na hindi ipinaramdam ni Alas sa kaniya ang pag-aalaga nito.
Nang makarating na sa business class ng eroplano itong si Sandra ay hindi naman niya maiwasan na mapahanga.
“Ganito pala ang itsura ng business class. Kung katabi ko lang dito si Alas ay sigurado akong matutuwa rin ‘yun. Kaso, napakakuripot niya para magbayad ng pamasahe na ganitong kalaki,” sambit ni Sandra sa sarili.
Dahil sobrang miss niya ang kasintahan ay minabuti niyang tingnan na lang ang mga larawan nito.
Hindi niya maiwasang matawa sa tuwing tinitingnan niya ang kanilang mga larawan.
“Kumusta na kaya si Alas sa ibang parte nitong eroplano? Wala namang nakaupo sa tabi ko. P’wede ko siyang palipatin dito,” natatawang sambit ni Sandra.
Ilang saglit pa ay nakaramdam siya ng kirot sa kaniyang dibdib.
“Itutulog ko na nga lang muna ito. Sana talaga ay narito si Alas para ma-enjoy ko ang pagtingin sa labas. Kapag mag-isa pala ako’y nakakalula,” napagtanto nito.
Sandali siyang naidlip.
Maya-maya ay kinalabit siya ng isang flight stewardess.
“Ma’am, pasensya na po kung maaabala ko ang tulog ninyo,” saad ng babae.
“Ayos lang. Narito na ba tayo? Napatagal siguro ang tulog ko,” sagot naman ni Sandra.
“Naku, wala pa po, ma’am, may natitira pang anim na oras na byahe bago tayo makarating sa ating destinasyon. Narito lang po ako para sabihin na oras na po upang inumin mo ang gamot mo sa puso,” sambit pa ng stewardess.
“G-gamot ko sa puso? N-ngunit paano mo nalaman na may kondisyon ako sa puso? Nakalagay ba ‘yun sa aking ticket?” pagtataka ng dalaga.
“Hindi po, miss. Nakisuyo kasi ang nobyo ninyo na nasa economy class na ipaalala ko ito sa inyo,” dagdag pa ng babae.
Isang matamis na ngiti, saka pumatak ang luha niya.
“Ma’am, ayos lang po ba kayo? May masakit po ba sa inyo?”
“A-ayos lang po ako, miss. Narito nga sa eroplanong ito ang katawan ng nobyo ko at kailangan ko itong iuwi sa kaniyang pamilya. Nasawi siya dahil sa isang aksidente. Imposibleng nasa economy class siya,” pahayag ni Sandra na patuloy sa pag-iyak.
Nagtataka ang flight stewardess dahil nakausap niya mismo ang lalaki. Tandang-tanda pa nga niya ang sinabi nito.
“Miss, sa seat number 12 ay naroon po ang nobya ko. Pakisabi naman sa kaniya na oras na para inumin niya ang kaniyang gamot.”
Kaya naman ito ang ginawa ng flight stewardess.
Upang maliwanagan sa pangyayari ay minabuti ni Sandra na sumama sa flight stewardess upang puntahan ang nobyo sa kinauupuan nito, ngunit laking pagtataka nila nang makitang bakante ang upuan.
“Simula pa lang po ng byahe ay wala nang nakaupo riyan,” saad ng isang pasahero.
Imbes na kilabutan si Sandra at ang flight stewardess sa pangyayari ay natunaw ang kanilang mga puso.
“Hindi tinapos ng aksidente ang pagmamahal sa iyo ng nobyo mo. Maswerte ka’t may isang nilalang na nagmamahal sa iyo nang walang hanggan. Ipinagdadasal kong makamtan ng puso mo ang kapayapaan at kapanatagan sa kaniyang pagkawala,” sambit ng flight stewardess.
Lalong naiyak si Sandra. Hanggang sa huli ay ipinaramdam pa rin ni Alas ang pagmamahal nito sa kaniya.
Sa buong biyahe na iyon ni Sandra ay hindi na siya nakaramdam ng takot dahil alam niyang nasa tabi lang niya si Alas. Labis man ang kaniyang pagdadalamhati dahil nawakasan na ang kanilang pagsasama, ngunit mananatili pa rin itong buhay sa kaniyang puso at alaala. Pangako niyang aalagaan niya ang kaniyang sarili tulad ng pag-aalaga nito sa kaniya.