Hindi Pinapasok ang Magbobote sa Loob ng Mall dahil sa Itsura Nito; Ito ang Ginawa ng Kaniyang Anak
Tahimik na pumasok ng bahay ang magboboteng si Mang Luis. Ayaw kasi niyang magising ang nag-iisang anak na si Teroy na kasalukuyang mahimbing na natutulog. Sandali siyang naglinis ng kaniyang katawan at saka siya pumunta sa isang sulok ng kanilang kubo upang kunin ang kaniyang alkansya.
“Tiyak akong magiging masaya ang anak ko sa kaarawan niya. Higit sa isang libo na ang ipon kong pera,” nakangiting sambit ni Mang Luis habang dahan-dahan niyang isinilid sa alkansya ang pera.
Hindi sinasadyang kumalansing ang mga barya dahilan upang maalimpungatan si Teroy. Dali-daling itinago ni Mang Luis ang kaniyang alkansya.
“Tay, kakarating n’yo lang po ba? Kanina ko pa po kayo hinihintay. Bumili lang po ako ng itlog na maalat sa tindahan. Tinirhan ko po kayo. Kumain na po ba kayo?” tanong ng bata habang pupungas-pungas pa.
“Busog ako, anak, may isang suki na nagbigay sa akin ng tinapay na may palaman. Matulog ka na at maaga ka pang papasok sa eskwela,” wika naman ng ginoo.
“Napapadalas po ang pag-uwi ninyo ng gabi, ‘tay. Madalang na po tayong magsabay sa pagkain. Kung dahil na naman ito sa kaarawan ko’y huwag na po kayong mag-abalang maghanda. Ayos lang naman po sa akin,” wika pa ng bata.
“H-hindi, anak. Marami kasing kalakal ang makukuha ngayon gawa nga ng nakaraang bagyo. Sayang naman dahil mas malaki ang kinikita ko. Huwag kang mag-alala at bukas ay uuwi ako nang maaga,” sagot niya.
“Iyan din po ang sinabi n’yo sa akin noong isang araw e, pero hindi naman po natupad. Sa kaarawan ko po, ang hiling ko lang ay makasama kayo,” pagtatampo ni Teroy.
Ang hindi alam ng bata ay pinag-iipunan ni Mang Luis ang kaniyang kaarawan para makapasok sila sa mall. Alam kasi nitong pangarap ng niya na makakain din ng masarap at makapasok sa malamig na lugar na iyon.
Ayaw naman ni Mang Luis na pumunta sila ng mall na walang bibilhin at hindi makakakain. Ayaw niyang takawin ang mga mata nito. Ayaw niyang maramdaman ng anak ang panliliit sa sarili nang dahil lang wala silang pera.
Kinabukasan ay gabi na namang nakauwi si Mang Luis dahil nais niyang kumita ng mas malaki. Inabutan na naman niya ang anak na natutulog kaya tahimik niyang inilagay muli sa alkansya ang mga kinitang pera.
Hindi na siya makapaghintay na sa wakas ay maipapasyal niya ang anak sa mall.
Kinabukasan ay maagang ginising ni Mang Luis ang anak.
“Maligayang kaarawan, anak! Bumangon ka na riyan at aalis tayo!” wika pa ng ginoo.
“Talaga po ba, ‘tay? Saan po tayo pupunta?” masayang wika naman ng anak.
“Saan mo ba gustong pumunta? ‘Yung lugar na gustong-gusto mo!”
“Pupunta tayo sa mall, ‘tay?! Papasok na talaga tayo? P’wede na po?” nanlaki ang mga mata ng bata dahil sa sobrang tuwa.
Hindi na makapaghintay si Teroy na makapasok ng mall kaya naman naligo na siya agad at gumayak. Sinuot niya ang pinakamaayos niyang damit.
Nang matapos magbihis ang bata ay inaya na niya ang ama upang umalis, ngunit natigilan siya nang makita ang suot nito.
“Handa ka na, anak? Tara na!” nakangiting wika ni Mang Luis.
Sa suot ng ama ay tiyak siyang hindi ito papapasukin sa loob ng mall. Marumi ang damit nito at halatang luma na. May punit din ang pang-ibaba at halos sumuko na ang suot nitong tsinelas.
“Tara na po, ‘tay,” sambit ni Teroy.
Ngayon lang hindi maglalakad patungong mall ang dalawa. Sumakay sila ng dyip dahil ayaw ni Mang Luis na mapagod ang anak.
“Sigurado po bang may pera kayo, ‘tay? Ayos lang naman po sa akin kung hindi po tayo magpunta ng mall,” wika ng anak.
“Ano ka ba naman, anak? Wala ka bang tiwala sa tatay mo? Matagal kong pinaghandaan ang araw na ito. Nais ko namang sumaya ka tulad ng ibang bata. Ngayon pa lang ay isipin mo na kung ano ang gusto mong kainin! Minsan lang ito,” nakangiting wika ng ama.
Ngunit hindi pa rin maiwasan ni Teroy ang mag-isip. Alam niyang malaki ang tyansa na hindi makapasok sa mall na iyon ang kaniyang ama dahil sa itsura nito.
Pagdating sa mall ay lubusang namangha si Teroy. Sa wakas ay makikita na rin niya kung ano ang nasa loob nito.
Nakapasok na siya ngunit napansin niyang naiwan ang kaniyang ama. Ayaw itong papasukin ng mga gwardiya dahil nga sa suot nito.
“Kaarawan ng anak ko ngayon, parang awa n’yo pa po at nais ko lang siyang samahan!” pagmamakaawa ni Mang Luis.
Ngunit ayaw pa ring pumayag ng mga gwardiya.
“Hindi po talaga maaari. Magrereklamo ang ilang mga parokyano ng mall na ito. Ayaw naming mailang sila dahil sa inyo. Saka baka kung ano lang ang gawin mo rito!” sambit ng guwardiya.
“May dala naman akong pera! Ipapasyal ko lang ang anak ko sa loob dahil ito ang hiling niya!” muling pakiusap ng ginoo.
“Kung gusto mong makapasok ay magpalit ka muna ng maayos na damit! Hindi p’wede ang tulad mo rito!” bulyaw pa ng guwardiya.
Naawa si Teroy sa kaniyang ama kaya binalikan niya ito.
“Anak, ito ang isang libo. Pumunta ka sa bilihan ng mga laruan at bumili ka! Tapos ay kumain ka ng masarap na spaghetti. Pasensya na at hindi kita masasamahan,” wika ng ama.
“Kung hindi po kayo makakapasok, ‘tay, ay hindi na rin po ako papasok. Wala naman pong maganda sa mall na ito. Ang tagal kong pinangarap na pumasok dito ngunit wala ring kwenta dahil masasama ang ugali ng mga nagbabantay. Umalis na po tayo rito, ‘tay!” sambit ni Teroy.
“Sigurado ka ba, anak? ‘Di ba matagal mo nang hiling na makapasok dito?” tanong muli ni Mang Luis.
“Kung hindi ko po kayo kasama ay hindi rin po ako mag-e-enjoy, ‘tay. Tara na po. May alam po akong masarap na kainan sa palengke,” nakangiting wika ng bata.
May kurot sa puso ni Mang Luis dahil hindi man lang niya nagawang tuparin ang gusto ng anak sa kaarawan nito nang dahil lang sa kaniyang itsura.
Nakarating ang dalawa sa isang kainan malapit sa palengke.
“‘Tay, habang inaantay po natin ang order ay p’wede po ba akong makahingi ng pera? Pupunta lang po ako sa palengke para bumili ng laruan kay Aling Mila. Babalik po ako agad, pangako,” wika ng bata.
“Samahan na kita, anak. Baka mamaya ay mawala ka sa palengke,” sambit ng ama.
“Kabisado ko po ang palengke, ‘tay, saka sa may bungad lang naman ang tindahan ni Aling Mila. Hintayin n’yo na lang po ang pagkain,” dagdag pa ng anak.
Sandaling umalis si Teroy upang pumunta ng palengke.
Mga ilang minuto rin itong nawala. Nariyan na ang pagkain at nag-aalala na rin si Mang Luis kaya naman nais na niya itong sundan sa palengke. Mabuti na lang at dumating na rin ang anak.
“Ang tagal mo naman! Pinag-alala mo ako. Akala ko ba’y kina Aling Mila ka lang pupunta? Masyado bang maraming laruan at hindi ka makapili? Ano ba ang binili mo?” bungad ng ama.
Ngumiti lang si Teroy at saka inabot sa kaniya ang isang supot. Nang tingnan niya ang laman nito’y hindi niya naiwasan ang mapaluha.
“Anak, akala ko ba’y laruan ang bibilhin mo? Ano ito?” sambit ni Mang Luis.
“Binilhan ko po kayo ng bagong damit at shorts, ‘tay. Nagpasama po ako kay Aling Mila para magkasya po ang pera. Maganda po, ‘di ba?” wika ni Teroy.
“Pero, anak, inipon ko ang perang iyon para sa regalo ko sa iyo. Bakit binilhan mo pa ako nito?”
“Masyado po kayong nagsisikap sa pagtatrabaho para mabuhay ako, ‘tay, at maibigay ang mga pangangailangan ko. Pero hindi n’yo man lang nagawang makabili ng bagong damit para sa sarili ninyo. Sapat naman na po sa akin ang makasama kayo sa kaarawan ko. Mas magandang regalo po ito para sa akin dahil alam kong mapapasaya ko kayo,” naiiyak na wika ni Teroy.
Niyakap na lang ni Mang Luis ang anak.
“Pagsisikapan ko talaga ang lahat, anak, dahil responsibilidad ko ito sa iyo bilang ama mo. Maswerte ako na nagkaroon ako ng isang anak na tulad mo,” saad ni Mang Luis habang patuloy sa pagluha.
“Kayo po ang pinakamagandang regalo na ibinigay sa akin ng Diyos, ‘tay. Hindi po kayo matutumbasan ng kahit anuman dito sa mundo,” saad naman ng anak.
Pinagsaluhan ng mag-ama ang mga masasarap na pagkain. Simple man ang naging selebrasyon ng kaarawan ni Teroy ay hindi pa rin niya ito ipagpapalit sa kahit anong yaman sa mundo. Habang buhay nilang maaalala ang mga sandaling ito.