Inday TrendingInday Trending
Nagsinungaling ang Inang OFW Tungkol sa Tunay Niyang Trabaho sa Amerika; Hindi Niya Akalain ang Gagawin ng Dalagang Anak

Nagsinungaling ang Inang OFW Tungkol sa Tunay Niyang Trabaho sa Amerika; Hindi Niya Akalain ang Gagawin ng Dalagang Anak

“Pinupuno mo na naman ‘yang balikbayan box mo, Thelma? Lahat ba ng iyan ay para sa anak mo? Sigurado akong ubos na naman ang kita mo!” puna ng kaibigan at kapwa domestic helper na si Lita.

“Matatapos na kasi itong semester ni Reina. Ang sabi niya sa akin ay may dadaluhan daw siyang pagtitipon sa paaralan. Ayaw ko namang magmukhang kawawa ang anak ko, Lita,” sambit naman ng ginang.

“Hindi pa ba alam ni Reina hanggang ngayon kung ano ang kalagayan mo rito sa Amerika? Akala ba niya’y…” hindi pa man natatapos ang kaibigan ay nagsalita nang muli si Thelma.

“Ayaw kong mag-alala pa siya para sa akin, Lita. Ayos nang isipin niyang maganda pa rin ang trabaho ko rito sa Amerika. Ilang taon na rin naman at matatapos na siya. Kayang-kaya ko na ‘yung igapang,” sambit pa ni Thelma.

Sunod sa luho itong si Reina dahil nga nag-iisang anak. Nag-aaral ito sa isang kilalang unibersidad at dahil ayaw ni Thelma na mapahiya ang anak ay pinagbibigyan niya ang lahat ng gusto nito. Ngunit isang hiling ang hindi niya mapagbigyan — ang umuwi siya at magkasama na silang dalawa.

“‘Ma, ang sabi mo sa akin ay uuwi ka ngayong taon? Hindi mo na naman tinupad ang pangako mo! Lagi ka na lang nagtatrabaho! Wala na ba akong halaga sa iyo?” pagtatampo ng dalaga.

“Marami lang talagang trabaho dito sa opisina, anak. Alam mo namang hindi biro ang trabaho ko bilang isang marketing director. Ilang sem na lang naman at makaka-graduate ka na. Sa ngayon ay intindihin mo na lang ang pag-aaral mo. Alam mo, may pinadala akong mamahaling bag para sa’yo! Tiyak ay magugustuhan mo ‘yun!” wika pa ni Thelma.

“Basta, ‘ma, pagtapos kong mag-aral ay uuwi ka na dito, a! Miss na miss na kita, e!” dagdag pa ng dalaga.

“Pangako ko ‘yan! O siya, anak, kailangan ko nang bumalik sa trabaho at may kailangan pa akong iutos sa mga tauhan ko. Tawagan na lang kita ulit,” wika pa ng ina.

Pagbababa ng telepono ay hindi napigilan ni Lita ang magkomento sa kaibigan.

“Talagang mag-uutos sa mga tauhan, a! Naku, kung ako sa iyo, aminin mo na sa anak mo ang totoo. Mabuting bata naman ‘yang si Reina. Tiyak akong mauunawaan ka niya! Hindi ka ba nahihirapan sa ginagawa mo? Bukod sa nagsisinungaling ka na sa kaniya’y pinahihirapan mo rin ang katawan mo. Habang nagpapakasaya ang anak mo sa komportableng buhay ay heto ka at pinagsasabay ang apat na trabaho! Nagagawa mo pang magpulot ng mga basura para lang makaipon ng mas malaki!” wika pa ni Lita.

“Hayaan mo na, Lita. Ganyan naman tayong mga magulang. Gagawin ang lahat para sa anak. Saka ayaw kong maranasan ni Reina ang naranasan ko nang dahil lang wala kaming pera. Ayaw kong kutyain siya ng maraming tao. Kaya lahat ay gagawin ko para maranasan niya ang komportableng buhay,” sambit naman ni Thelma.

Lumipas ang isang taon at tuluyan na ngang nakatapos ng pag-aaral si Reina. Ngunit tila wala pa ring balak na umuwi ng Pilipinas ang ina. Ni hindi nga ito nakauwi para sa kaniyang pagtatapos na labis niyang ikinatatampo.

Nakatanggap ng tawag si Thelma mula sa isang kaibigan ni Reina.

“Tita, baka naman pong p’wede n’yong kausapin si Reina na sumama sa amin trip naming magbabarkada sa ibang bansa. Siya lang kasi ang hindi sasama. Pinapautang ko naman po siya pero ayaw pa rin niya. Wala po ba siyang pambayad?” saad ng kaibigan.

“Hindi naman niya nabanggit sa akin ‘yan. Hayaan mo at ako na ang bahala,” saad naman ng ginang.

Agad na tinawagan ni Thelma ang anak.

“Nabalitaan ko sa isang kaibigan mo na may balak daw kayong pumunta ng ibang bansa. Magpapadala ako ng pera para makasama ka sa kanila. Regalo ko na ‘yan sa iyo dahil maganda ang mga grado mo,” wika ni Thelma sa anak.

“Kayo po ang bahala, ‘ma,” matipid na sagot ng dalaga.

“Masama pa rin ba ang loob mo, anak, dahil hindi ako nakadalo sa graduation mo? Huwag ka nang magtampo. May mga importanteng meetings lang ako, anak. Hayaan mo kapag may nakuha akong leave sa birthday mo ay uuwi ako. Pangako ko ‘yan. Sa ngayon ay i-enjoy mo muna ang trip ng barkada mo! Hintayin mo ang ipapadala kong pera,” paliwanag ni Thelma.

Hindi lang niya masabi sa kaniyang anak na hindi siya makauwi dahil pag nagkataon ay hindi na siya makakabalik pa sa kaniyang mga trabaho. Malalaman din ng awtoridad na matagal nang paso ang kaniyang visa at ilegal na ang kaniyang pananatili roon.

“Sige, ‘ma, hintayin ko na lang po ang pera at sasabihin ko na po sa mga kaibigan ko na sasama ako. Maraming salamat po,” saad ni Reina.

Malaking halaga ang kailangang ipadala ni Thelma sa kaniyang anak. Ayaw niyang magmukhang kawawa ang anak sa lakad nito.

Ilang araw ang nakalipas at pilit nyang tinatawagan ang anak upang kumustahin ito, ngunit hindi niya ito makontak. Kaya tinawagan niya ang kaibigan nito.

“Pakisabi naman kay Reina na sagutin niya ang mga tawag ko. Parang nagtatampo pa rin siya sa akin dahil hindi ako nakauwi para sa graduation niya,” pakiusap ni Thelma.

“Pero, tita, hindi naman po sumama sa amin si Reina. Ang sabi niya po’y may iba raw siyang pupuntahan. Wala po siya rito,” wika naman ng dalaga.

Labis ang pag-aalala ng ginang sa kaniyang anak. Hindi niya alam kung saan ito hahagilapin. Hanggang sa kinausap siya ni Lita.

“Thelma, may naghihintay sa iyo sa labas. Kanina pa siya naroon at ayaw pumasok. Sa tingin ko’y kailangan mo na siyang puntahan,” saad ng kasamahan.

Kinutuban na si Thelma. Paglabas niya ay naroon ang anak at naghihintay sa kaniya.

“A-anong ginagawa mo rito, anak? Akala ko ba’y kasama ka ng mga barkada mo? Bakit ka nagpunta rito?” naiiyak na wika ni Thelma. Nahihiya rin siya dahil ayaw niyang makita siya ng anak sa ganoong kalagayan.

“Kinausap ko po si Tita Lita para magpatulong na matunton kayo. Noon pa man ay alam ko nang may itinatago kayo sa akin. Alam ko rin na hindi kayo aamin kaya ako na mismo ang nagtungo rito para malaman ang totoo. Bakit hindi n’yo sinabi sa akin, ‘ma? Kaya ko namang magtiis! Kaya kong lumipat ng pampublikong unibersidad, kaya kong hindi magkaroon ng magagandang gamit. Ang nais ko lang naman ay makasama kayo!” umiiyak na wika ni Reina.

“Pasensya ka na, anak, kung inilihim ko sa iyo. Ayaw ko kasing mag-alala ka at mapahiya sa mga kaklase mo. Ayaw kong danasin mo ang pang-aalipusta na dinanas ko noon kaya hindi ako nagsabi sa iyo. Patawarin mo ako, anak,” pagtangis naman ni Thelma.

“Uuwi na po tayo, ‘ma. Ako na po ang bahala sa ating dalawa. Hindi ko po kaya na malamang nahihirapan kayo rito sa Amerika para lang magkaroon ako ng komportableng buhay. Magtitiis tayong dalawa kung kailangan, basta ang mahalaga ay maialis ko po kayo sa sitwasyong ito. Ako na po ang magtatrabaho para sa atin,” wika pa ng dalaga.

Dahil sa mga sinabi ng anak ay tuluyan na ngang tinalikuran ni Thelma ang kaniyang naghihirap na buhay sa Amerika. Tuluyan na rin siyang sumuko sa mga awtoridad upang makauwi siya sa Pilipinas.

“Paano na ‘yan, anak, magsisimula na naman tayo sa wala. Nangangamba ako na baka hindi natin kayanin. Ayaw kong makaranas ka ng hirap,” wika ni Thelma.

“‘Ma, nabenta ko na po ang lahat ng mga pinapadala n’yo sa akin. Inipon ko po ito sa bangko. Saka nakakalimutan n’yo po bang nakapagtapos ako sa isang prestihiyosong unibersidad nang may parangal? Hindi ako mahihirapan na humanap ng magandang trabaho. Sa pagkakataong ito, ‘ma, ako naman. Ako naman po ang maghahanapbuhay para sa atin. Sapat na po ang lahat ng sakripisyo ninyo. Hayaan n’yo naman akong ibalik ang lahat ng pagmamahal at pagsisikap na ginawa ninyo para sa akin,” saad pa ng dalaga.

Napagtanto ni Thelma na hindi talaga materyal na bagay ang nais ng anak kung hindi ang makasama lang siya. Maluwag na sa kaniyang dibdib na tuluyan nang iwan ang Amerika.

Pag-uwi pa lang nila ng Pilipinas ay wala nang sinayang na panahon ang dalaga at humanap agad ito ng trabaho. Dahil nga maganda ang tinapos nito ay hindi ito nabigo.

Pinagsikapan ni Reina na magkaroon silang mag-ina ng magandang buhay. Handa niyang pagdaanan ang lahat ng hirap matupad lang niya ang kaniyang pangako. Lahat ng ito ay kaniyang ginagawa sa ngalan ng pagtanaw niya sa lahat ng sakripisyo ng ina para sa kaniya.

Advertisement