Nakaramdam ng Ginhawa ang Dalaga nang may Babaeng Biglang Sumulpot Mula sa Dilim at Sinamahan Siyang Maglakad Pauwi; Bakit Tila may Kakaiba sa Babaeng Iyon?
Mabibilis ang hakbang ni Tanya sa may kadilimang parte ng daan patungo sa bahay nila. Paminsan-minsan ay sinisilip niya ang kaniyang relong pambisig upang tingnan kung anong oras na.
“Hmm, alas onse na,” aniya may himig pag-aalala.
Tahimik na ang buong kapaligiran at madalang na lang ang dumadaang sasakyan sa kalsada. Kinakabahan siya ngunit ayaw niyang lamunin siya ng kaniyang damdamin. Basta ang mahalaga ay makauwi na siya kaagad. Habang naglalakad ay panay ang sambit niya ng mahinang panalangin, dahil pakiramdam niya sa mga oras na iyon ay ‘yon ang kaniyang kailangan, ang gabay ng Panginoong Maykapal.
Habang sumasambit ng mahinang panalangin ay nagulat siya nang biglang may babaeng lumitaw sa kaniyang harapan! Kulang na lang ay kumaripas siya ng takbo sa sobrang takot.
“Kalma! Hindi ako white lady,” anito, hindi mapigilan ang pagtawa nang malakas sa naging reaksyon niya.
Agad niyang nahimas ang dibdib sa labis na kaba. Pakiramdam niya’y nalaglag ang puso niya. “Bakit ka ba kasi nananakot?”
“Ginulat lang naman kita, hindi naman kita tinatakot,” anito.
Sumabay na nang lakad sa kaniya ang babae na para bang noon pa man ay magkakilala na silang dalawa. Hindi pamilyar sa kaniya ang dalaga, pasimple niya itong sinuri at mukhang nagsasabi naman ito ng totoo na hindi ito maligno o kahit ano pa mang nakakatakot na nilalang sa mundo. Maganda ang mukha ng babae at maayos naman ang suot nitong damit.
“Ngayon lang kita nakita, taga-saan ka?” tanong niya. Ngayong may kasama na siya’y saka lamang siya nakaramdam ng kapayapaan, kaya kahit papaano’y nagpapasalamat siya sa babae.
“Ngayon mo lang ako nakita?” manghang tanong ng babae. “Ako, palagi kitang nakikitang dumadaan dito,” anito.
Hindi maiwasan ni Tanya ang pagsalubong ng kaniyang kilay sa sinabi ng babae. Paano nangyari iyon? Ibig sabihin ay kapitbahay lamang niya ang babae? Pero bakit pakiramdam niya’y hindi niya pa ito nakikita kailanman?
“Taga-d’yan lang ako sa kabilang baryo, kaya siguro hindi ako pamilyar sa’yo,” muli’y wika ng babae.
Nahalata yata nito ang pagtataka niya. Ngumiti siya saka marahang tumango. “Baka nga, kasi madalas, maagang-maaga pa akong umaalis sa bahay, tapos ganitong oras na ako kung umuwi kaya hindi ko na halos kilala ang mga kapitbahay ko,” aniya.
Habang naglalakad ay marami silang napagkwentuhan ng babae, hindi niya halos naramdaman na malayo-layo na rin pala ang nalakad nila at ngayon ay nakikita niya na ang bahay nila.
“Uy! Nandito na pala ako sa’min,” masaya niyang wika. “Ikaw saan pa ba ang sa inyo?” tanong niya.
“Doon pa,” anito saka itinuro ang lagpas pa sa bahay nila.
“Naku! Mukhang madilim-dilim din ang kalsadang dadaanan mo, kung gusto mo, magpasama tayo sa papa ko. Teka lang gigisingin ko lang siya, hintayin mo ako d’yan ah,” aniya.
“Naku! Baka makaistorbo pa tayo sa papa mo,” alangang wika nito.
“Okay lang iyon, hindi lang talaga ako nagpasundo sa kaniya kasi akala niya ihahatid ako ng nobyo ko pauwi. Pero mabilis naman kausap iyon. Mas magandang ihatid ka na namin, kasi delikado na,” aniya saka patakbong pumasok sa bahay nila.
Bago siya tuluyang pumasok sa kanila’y nilingon niyang muli ang babae at sinenyasang maghintay muna saglit, nakangiti naman itong tumango at sinenyasan siyang pumasok na’t magmadali.
“Bilisan mo papa,” aniya sa ama.
Kahit medyo naalimpungatan pa ito dahil kagigising lamang ay wala itong nagawa sa kaniyang pakiusap. Ngunit agad siyang nakaramdam ng pagkadismaya nang sa paglabas niya’y wala na ang bagong kaibigan.
“Nasaan ba ang kaibigan mong ihahatid natin?” anang kaniyang ama.
Hindi na niya sinagot pa ang ama, baka nainip na ang bagong kaibigan at naglakad na ito pauwi sa kanila. Lihim siyang umusal ng pasasalamat sa babae at mahinang nagdasal na sana’y nakauwi ito nang maayos.
Kinabukasan ay maagang pumasok si Tanya, nakaugalian na niya sa tuwing papasok siya sa trabaho ay dumadaan siya sa karinderya ni Aling Luz upang bumili ng ulam.
“Uy, Tanya, nakita kita kagabi na naglalakad pauwi, hindi ka ba hinatid ni Nestor?” tanong ni Aling Luz.
“Oo nga po e, may inaasikaso kasi siyang mahalaga, kaya hindi na niya nagawang ihatid ako,” balewala niyang sagot.
“Oo nga, kasi kapag si Nestor ang naghahatid sa’yo, hindi ka naman naglalakad. Pero kagabi kasi, ang dami mong kasama, sino-sino ba ang mga iyon, Tanya?” ani Aling Luz.
“Po?!” gulat niyang wika.
Ipinaliwanag ni Aling Luz ang nakita kagabi, hindi lang iisa ang kasama niyang naglalakad kung ‘di marami sila, ang iingay pa nga raw ng mga asong abala sa pagtahol sa mga kasama niya. Ang akala tuloy ng mga kapitbahay ay may kung anong okasyong nagaganap sa bahay nila kaya maraming kasama si Tanya, ngunit hindi na ipinagpilitan ni Tanya ang tunay na nalalaman niya, dahil halos lahat ng taong kumakain sa tindahan ni Aling Luz ay sinang-ayunan ang babae… ibig sabihin ay hindi nagsisinungaling ang ale.
Imbes na pumasok sa trabaho ay umuwing muli si Tanya upang sabihin sa mga magulang ang sinabi ni Aling Luz.
“Sino ba ang babaeng nakasabay mo kagabi, anak?” nag-aalalang tanong ng ama.
Agad naman niyang ipinaliwanag sa ama kung ano ang itsura ng babae. Tila nakarinig ng nakakatakot na kwento ang kaniyang ama’t ina sa labis na pagkabigla ng dalawa. Pumasok sa silid ang kaniyang ina at sa paglabas nito’y may dala itong photo album.
“Ito ba ang babaeng kasabay mong umuwi kagabi, anak?” tanong ng ina sabay turo ng lumang litrato na sa kaniyang tantiya’y napakatagal na dahil black and white pa ang kulay.
“Opo,” sagot niya.
Kulang na lang ay mawalan ng malay ang ina sa nalaman, maya maya lang ay bigla itong humagulhol ng iyak at saka nagsimulang magkwento. Iyon raw ang kaniyang Tiya Mirabeth, ang panganay na kapatid ng kaniyang ina, halos kasing-edad lang daw niya ito nang sumakabilang buhay, at ang masakit pa’y karumal-dumal ang pagkasawi ng tiyahin. Pinagsamantalahan daw ito roon mismo kung saan ito nagpakita sa kaniya.
Ayon sa ina, hindi lang raw siya ang pinagpakitaan ng tiyahin, at gaya ng ginawa nito sa kaniya’y ganoon din ang ginagawa nito sa iba pang pinagpakitaan nito. Sinasamahan hanggang sa makauwi sa bahay nang ligtas…
“Siguro’y ayaw niya nang maulit pa ang nangyari noon sa kaniya,” hagulhol na wika ng ina.
Lumapit siya sa ina at niyakap ito nang mahigpit. Hindi na pumasok ng araw na iyon si Tanya, bagkus ay pumunta sila sa kung saan nagpakita ang kaniyang tiyahin at nagsindi ng kandila, nag-alay ng panalangin at nagpasalamat. Kaya naman pala noong nakita niya ito’y agad siyang nakaramdam ng ginhawa at kapayapaan, dahil iyon naman pala talaga ang tunay na sadya ng babae. Ang samahan siya’t iligtas sa kapahamakan, upang hindi magaya sa sinapit nito.