Inday TrendingInday Trending
Galit na Galit ang Mister Niya Noong Umuwi Siya ng Dis-Oras ng Gabi; Matatahimik Ito nang Siya ay Magsalita Na

Galit na Galit ang Mister Niya Noong Umuwi Siya ng Dis-Oras ng Gabi; Matatahimik Ito nang Siya ay Magsalita Na

“Bakit ngayon ka lang umuwi, Irish?” tanong ni Meldric, ang kaniyang asawa.

Hindi na siya nagulat sa tanong nito, dahil sino ba naman ang matutuwa sa kagaya niyang halos madaling araw nang umuwi ng bahay, kababaeng tao, tapos inaabot ng hatinggabi sa labas.

“Nag-ikot-ikot lang ako, nagpahangin, pampatanggal stress,” aniya.

Kung normal lang siguro na araw ay baka makaramdam siya ng takot sa asawa, sa klase ba naman kasi ng tingin nitong ibinibigay ngayon sa kaniya’y panginginigan na talaga siya ng laman, ngunit iba ngayon. Kahit katiting ay wala siyang naramdaman na kahit anong takot man lang dito. Kapag hinamon siya nito ngayon ng suntukan, makikipagsuntukan talaga siya mawala lang ang galit sa dibdib niya.

Alas sais pa lang ng umaga’y nagising na siya upang gawin ang kagabi pa lang ay ipinakiusap na ng kaniyang asawa. Lahat ng gusto ni Meldric ay siyang sinusunod niya dahil iyon ang alam niyang kailangan niyang gawin, iyon ang binitawan niyang pangako noong ikinasal sila. Ngunit dahan-dahang nagbago ang lahat nang minsan siyang kausapin ng kaibigang si Shiela at Precious, upang aminin ang panlolokong ginagawa ng kaniyang asawa sa kaniyang likuran.

“Baka sinisiraan mo lang ang asawa ko ah. Alam kong kailanman ay hindi niyo nagustuhan si Meldric, pero huwag niyong kakalimutan na asawa ko siya, at may anak kami! Kaya huwag naman kayong gumawa-gawa ng istoryang magiging dahilan ng pagkasira namin,” nakikiusap niyang wika sa mga kaibigan.

Nangako ang dalawang hindi nila sinisiraan si Meldric, aminado ang mga itong hindi sila kailanman naging boto sa kaniyang asawa, pero ano naman ang magagawa nila kung talagang mahal niya ang lalaki, e ‘di ang suportahan na lamang siya. Pero ayaw ng mga itong magmukha siyang t*nga at walang alam, habang ang kaniyang asawa’y nagpapakasarap sa piling ng ibang babae.

“Hindi namin in-edit ‘yan, Irish,” ani Sheila sa litratong ipinakita sa kaniya kung saan nakuhanan ang asawa’t ang kabit nito. “Alam mong hindi kami marunong sa ganoon, at saka matitipid kaming mga tao, anong mapapala namin kung magpapa-photoshop kami upang siraan lang ang asawa mo?” dugtong pa nito.

Simula noon ay nagduda na siya sa asawa. Gusto niyang mahuli ito mismo sa akto, kaya nagdesisyon siyang mag-imbestiga sa sariling paraan. Habang ginagawa niya iyon ay dahan-dahang bumubungad ang katotohanan sa kaniyang harapan at mas napatunayan niyang totoo ang lahat ng sinabi nina Shiela at Precious, kaninang sinundan niya ang asawa, nang ihatid nito ang mga bisita nila.

“Alas-onse na ng gabi, kaunting oras na lang, Irish, maghahatinggabi na! Kauuwi mo lang?! Sana man lang naisip mo na may kailangan kang alagaan sa bahay na ito, may asawa kang tao at may mga anak ka! Natulog ang mga bata nang walang maayos na pagkain, kasi alam mo naman na hindi ako marunong magluto!” galit na litanya ng asawa.

Mariing naipikit ni Irsih ang kaniyang nga mata at matinding pagkontrol sa sarili na huwag singhalan ang asawa. Sana man lang ay naiisip din nito ang mga sinasabi, ngunit sigurado siyang hindi nito iyon naiisip ang bagay na iyon, dahil makasarili ang kaniyang asawa. Hindi nito kailanman inisip ang kapakanan ng iba, tanging ang sarili lamang nito ang inaalala.

“Kung saan-saan ka pumupunta, para kang dalaga!” singhal ni Meldric sabay dabog.

“Ikaw, saan ka ba nagpunta kanina, Meldric?” mahinahon niyang sambit.

Nagsalubong ang kilay nito at galit siyang hinarap. “Hinatid ko lang ang mga katrabaho ko’t umuwi agad!”

Tunay nga ang kasabihan… walang magnanakaw ang aamin sa kanilang kasalanan. Kahit siguro pigain pa niya nang pigain ang asawa’y hindi ito aamin sa kaniya at patuloy itong magmamalinis. Matamis siyang ngumiti saka inilabas ang selpon kung saan naroroon lahat ang ebidensya ng pangloloko nito.

Hindi pa man rumerehistro sa isipan ni Meldric ang nakikita’y agad nang tinawag ni Irish ang dalawang katulong at inutusang i-empake ang lahat ng gamit na dadalhin niya, mga damit niya’t mga damit ng kaniyang anak. Nagtataka man ang katulong ay agad itong sumunod sa kaniyang iniutos.

“Simula sa araw na ito, pinapalaya na kita, Meldric. Malaya ka nang makasama ang kabit mo at wala na akong pakialam!” inis niyang singhal.

“I-Irish, let me explain,” nauutal na wika ni Meldric, hindi malaman kung hahawakan ba ang asawa o ano. “Pwede naman nating pag-usapan ‘to, huwag na muna kayong umalis ng mga bata, pakiusap,” nakaluhod nitong pakiusap.

Ang pagmamahal para sa asawa’y biglang naglaho na parang bula… nakatitig siya ngayon sa mukha ni Meldric, nakikita niyang nasasaktan ito, pero kahit katiting na awa ay wala na siyang maramdaman para sa asawa. Sa paningin niya’y tila may dalawang sungay ito sa ulo at hindi na ito ang asawang ilang taon niyang minahal.

Habang nakatitig siya rito’y naaalala lang niya ang mga ginawa nito sa kalaguyo nito. Nakasunod siya sa sasakyan ng asawa nang makitang ibinaba nito ang tatlong kasama sa may sakayan lamang ng bus. Bago umalis ang dalawa sa pinaradahan ng kotse ay nakita niya kung paano halikan ng asawa ang kalaguyo nito, at ang masaklap pa’y nakita niya kung paano nagt*lik ang dalawa sa kotse, bago nagdesisyong pumunta malamig na lugar.

Biglang nanliit si Irish sa lason na ibinigay sa kaniya ng asawa. Ang malambot niyang puso’y biglang naging bato, kaya siguro kahit anong iyak pa ang gawin ngayon ni Meldric ay wala siyang maramdamang kahit kaunting awa.

“Hindi na kita kilala, Meldric,” hagulhol niya. “Hindi ko man lang napansin ang pagbabago mo. Siguro’y labis akong nabulag sa pagmamahal ko sa’yo, kaya nagawa mo sa’kin ito.”

“Irish, patawarin mo ako,” umiiyak na wika ni Meldric.

Nang makita ni Irish na nakahanda na ang mga gamit na ipinaligpit niya at naroroon na ang mga anak ay agad niyang nilapitan ang mga ito at nagmartsa palabas ng bahay. Ngunit bago siya lumabas ay muli niyang nilingon ang asawa.

“Hindi ko pa rin ipagdadamot sa’yo ang mga anak natin. Galit ako sa’yo, pero hindi ko pwedeng idamay ang mga bata sa galit ko. Mapapatawad din siguro kita, Meldric, pero hindi pa sa ngayon,” aniya. Hindi mapigilan ang pagpiyok ng boses dahil sa pinipigilang emosyon. “Hindi ko na kayang makasama ang lalaking labis na dumurog sa puso ko. Nakatitig ako sa’yo pero hindi ikaw ang nakikita ko, kung ‘di ang mukha ng babaeng kasip*ng mo sa loob ng kotse,” aniya saka hinayaan ang sariling umiyak.

Uuwi siya sa bahay ng mga magulang niya pansamantala habang wala pa silang matutuluyan ng mga bata. Lilipas din ang lahat ng ito, mawawala rin ang sakit, mapapatawad niya rin siguro ang asawa, pero hindi siya sigurado kung makakalimutan ba niya ang nangyari.

Ngunit siguro’y sapat na ang ibinigay niyang pagmamahal sa asawa upang maisip niyang mahalin at piliin na muna ang kaniyang sarili sa pagkakataong ito.

Advertisement