Ingles ng Ulan ang Pangalan ng Batang Nakilala Niya sa Lansangan, Makwela Ito Kaya Madali sa Kanilang Mahalin Ito; Sa Likod ng Ngiti ay may Itinatago Pala Itong Sakit
“Ate, pahingi po pambiling pagkain,” hingi ng batang sa kaniyang tantiya ay nasa walong taong gulang. Nakalahad ang palad nitong maliit habang naghihintay ng kaniyang ibibigay.
“Kapag pera ang ibibigay ko sa’yo, baka ibili mo lang ng kung ano-ano, kaya ito na lang ang ibibigay ko,” ani Claire, sabay hugot ng isang balot na biscuit at juice na kinuha niya sa bahay nila.
“Medyo buraot ka rin ate,” pilyong komento ng bata. “Pero salamat, laman t’yan na rin ito,” nakangiting dugtong nito.
Iyon ang unang beses na pagkikita nila ni Claire at Rain, iyon ang tunay na pangalan ng batang lalaki. Kwento pa nga nito’y ayaw nito sa sariling pangalan, hindi raw niya alam kung bakit Ingles ng ulan ang ipinangalan sa kaniya. Masarap kausap si Rain, at sa murang edad nito’y marunong na itong magpatawa, nakasanayan nitong gawin sa bahay-ampunan.
“Nakilala mo ba ang mga magulang mo, Rain?” usisa niya, isang gabing sumama ito sa bahay nila upang makikain at muli ring bumalik sa lansangan upang maghanapbuhay.
Maliit na bata lamang si Rain, ngunit kinse anyos na ito, at sa murang edad nito’y marami na itong gawaing alam, ito na nga ang tinatawag ng kaniyang ama upang linisan ang kotse nila, minsan naman ay tinatawag ito ng kaniyang ama kapag magsasabong ito, dahil swerte raw si Rain na kasama sa sugal.
Ngunit kahit anong pilit nitong doon na sa bahay nila tumira’y mariin iyong tinatanggihan ni Rain, sa hindi nila malamang dahilan, ngunit kanilang nirerespesto.
“Hindi na nga po, ate. Ayon kay Mader Fatima, iniwan lang daw ako ng magulang ko sa loob ng simbahan, sa may upuan, nakasilid sa maliit na karton. Kung ‘di raw ako umiyak, iisipin daw nilang ang laman ng karton ay b*mba,” natatawang kwento ni Rain.
“E, bakit ka umalis sa bahay-ampunan kung sinasabi mo naman na maayos ang lagay mo doon?” patuloy niya sa pag-uusisa.
Saglit munang nag-isip si Rain at malungkot na ngumiti, maya maya’y naglabas ng malalim na hininga saka sinagot ang kaniyang tanong. “Iyon ang alam kong mas makakabuti sa lahat.”
Hindi maiwasan ni Claire ay pagsalubong ng mga kilay sa naging sagot ni Rain, tila hindi kinse anyos ang kaniyang kausap… para na itong matanda kung magsalita. Kaysa mag-usisa pa’y pinili na lamang niyang itikom ang bibig ay hayaang matapos ito sa pagkain.
“Claire, alam mo ba kung saan tumatambay si Rain?” tanong ng kaniyang ama.
Nahihimigan niya ang pag-aalala sa boses nito, sa kung anong dahilan ay hindi niya alam. “Hindi po e, bakit?” taka niyang tanong.
“Tatlong araw na kasing hindi dumadaan rito ang batang iyon, baka napaano na sa lansangan,” nag-aalalang wika ng ama.
“Baka abala lamang po si Rain, alam niyo naman iyon. Parang may sampung pamilyang binubuhay kung kumayod,” aniya.
Hindi niya ipinapahalata sa ama, ngunit gaya nito’y nag-aalala na rin siya para kay Rain. Oo nga! Saan ito nagpupunta sa nakalipas na tatlong araw? Mula nang magkakilala sila’y hindi na ito tumigil sa pagpunta sa kanila upang makikain, kaya nakakapanibagong hindi ito nagpapakita. Ano na kaya ang nangyari rito?
Kinabukasan ay nag-day-off si Claire sa trabaho upang hanapin si Rain, kahit papaano’y alam niya kung saan ito nagpupunta, ayon lamang sa kwento nito, at kilala na rin niya ang mga kaibigan nito. Nagtanong siya sa isang kaibigan ni Rain at inihatid siya nito sa kung nasaan nga ang batang lalaki.
“D’yan po sa ilalim ng tulay na iyan, nand’yan po si Rain,” anang bata, itinuro ang ilalim ng tulay.
Anong gagawin doon ni Rain? May matatambayan pa ba roon? Upang masagot ang lahat ng tanong ay nagdesisyon si Claire na babain ang abandonadong ilalim ng tulay at doon nga niya nakita si Rain.
“A-Ate?!” gulat na sambit ni Rain.
Ngunit hindi lamang ito ang nagulat, dahil pati siya’y nagulat sa nakitang sitwasyon nito. Halos hindi na niya ito nakilala, ang liit at ang payat na animo’y pinagdamutan ng pagkain sa kusina at ang putla.
“R-Rain, bakit hindi mo sinabing may sakit ka? Sana naalagaan ka namin,” mangiyak-ngiyak niyang wika, awang-awa sa kalagayan ni Rain.
“Kaya ko pa naman pong alagaan ang sarili ko ate, at saka sinabi ko na sa mga kaibigan ko na kapag isang araw pagbisita nila sa’kin na hindi na ako humihinga, ilibing na lang nila ako rito at saka sabihin sa inyo na wala na ako,” anito, sa nanghihinang paraan ay nakuha pa nitong ngumiti.
“Bumangon ka riyan at ipapa-ospital kita,” aniya, akmang aakayin niya na ito patayo nang tumanggi si Rain.
“Hinihintay ko na lang po talaga, ate, kung kailan ako mawawala sa mundo,” ani Rain.
Pakiramdam ni Claire ay biglang nawalan ng lakas ang kaniyang buong katawan, at tila tumigil ang mundo sa pag-ikot, tapos bigla siyang nabingi at namanhid.
“Bata pa lang po ako’y taglay ko na ang sakit na ito – k*nser sa dugo, at ito rin ang dahilan kaya iniwan ako ng nanay ko sa simbahan. Bata pa lang ako’y labas-pasok na ako sa ospital, hindi kailanman naging normal ang buhay ko at nakita ko ang labis na paghihirap nila sister upang alagaan ako. Nang isang araw, habang nag-uusap si Mader Fatima at ang doktor, binigyan na po ako ng taning, mga tatlong buwan na lang daw po ang itatagal ko sa mundo, kaya swerte nang maituturing nang lumagpas ako ng tatlong buwan, saka ako ginupo ng sakit ko, ate,” paliwanag ni Rain, sa pamamagitan ng mahina at humahangos na boses.
“Gabi-gabi kong nakikitang umiiyak si Mader Fatima, kaya pinili ko na lang na umalis at maglahong parang bula, upang huwag na nilang alalahanin ang sasapitin ko. Pinili kong magpakalayo-layo at mamuhay nang mag-isa, para sanayin ang sarili kong mag-isa, kasi alam kong masasaktan ang mga taong iiwan ko, ate. Pasensya ka na kung hindi ko agad sinabi sa inyo, pero masaya na po akong aalis, at handa na po ako…” ani Rain.
Mas lalong humagulhol ng iyak si Claire sa sinabi ni Rain. Saglit lamang silang nagkasama, ngunit napamahal na sa kaniya ang bata, at napakasakit isipin na anumang oras ay pwede itong mawala.
Sa tulong ng kaniyang ama, dinala niya si Rain sa bahay nila at doon inalagaan. Ngunit talagang hindi na nakayanan ni Rain ang kaniyang sakit at tuluyan na itong sumuko. Ang bilin nitong ilibing sa ilalim ng tulay at kalimutan na lang na parang hayop na walang nagmamay-ari ay hindi ginawa ng pamilya ni Claire. Binigyan nila ng disenteng lamay at libing si Rain, at bukod pa roon ay ipinaalam rin nila ang nangyari kay Sister Fatima.
Alam ni Claire na kung nasaan man ngayon ni Rain ay masayang-masaya na ito at hindi na rin ito nahihirapan sa sakit na naging dahilan kaya itinakwil ito ng sariling ina. Saglit lamang silang nagkasama, ngunit naging malaking bahagi ng buhay nilang pamilya si Rain, na ngayon ay tuluyan nang nasa langit kasama ang may likha.
“Ate, dahil ako si Rain, kapag nasa langit na ako, pauulanin ko nang pauulanin ang mundo, para maalala ako ng mga taong mahal ko,” nakangiting wika ni Rain, isang araw noong napag-usapan nila ang istorya ng pangalan nito.