Binalak na Akitin ng Babae ang Kapatid ng Kaniyang Nobyo; Siya Pala ang Babalikan ng Maitim Niyang Plano
Tatlong buwan pa lang na magkasintahan sina Lani at Danson. Nagkakilala sila sa bar na paborito nilang puntahan. Ang totoo, hindi naman mahal ng babae ng lalaki, kahit guwapo ito at mabait, ang habol lang niya ay ang yaman nito.
Nagmula sa marangyang pamilya si Danson. May-ari ng isang malaking kumpanya ang yumao nitong ama na ngayon ay siya na ang namamahala. Bukod doon ay mayroon pa itong iba pang mga negosyo kaya kapag napangasawa ito ni Lani ay para talagang tumama sa lotto ang babae.
“Darling, ano, ready ka na ba? Kanina pa tayo hinihintay ni kuya. Nangako kasi ako na ipapakilala kita sa kaniya,” sabik na sabi ni Danson sa nobya.
“Yes, dear, ready na ako. Gusto ko nang makilala ang older brother mo, Siguro ay kasing guwapo mo siya, ‘no?” sagot ng babae.
“Masakit mang tanggapin, pero ang totoo ay mas lamang siya sa kaguwapuhan. At mas matalino rin ‘yon kaysa sa akin kaya nga napaka-successful din niya,” wika ng lalaki.
Makalipas ang isa’t kalahating oras ay narating na nila ang mansyon ng nakatatandang kapatid ni Danson. Dalawa lang silang magkapatid na parehong lalaki. Pagbaba nila sa kotse ay dumiretso na sila papasok sa loob. Parang nagliwanag ang mga mata ni Lani nang makita ang kabuuan ng mansyon. Grabe, ang laki at ang ganda, mas maganda pa sa mansyon ng nobyo niya. Ang mga kasangkapan sa loob ay puro antigo at mukhang mamahalin. Sa tingin nga niya kapag nakabasag siya kahit isang pigurin ay kulang pa ang buhay niya na pambayad. Matagal na niyang pinangarap na magkaroon ng ganoong bahay, ‘yung nakahiga na lang siya sa salapi at nasusunod ang lahat ng luho niya. Sa madaling salita, gusto niyang magbuhay donya kaya nga niya pinatulan si Danson para sa katuparan ng mga minimithi niya.
Ilang sandali pa ay natanaw na nila ang kapatid na bumababa ng hagdan – si Derick. Anim na taon ang tanda nito kay Danson pero nang makita niya ang lalaki’y sobra siyang napahanga dahil tama ang nobyo niya, napakaguwapo nga nito. Kung guwapo si Danson, trip;e ang kaguwapuhan ni Derick na parang Adonis ang hitsura. Napangisi rin ang babae nang makitang mukhang mamahalin ang suot nitong singsing sa daliri. Bukod sa maamong mukha ng lalaki, siyempre mas nakatuon ang paningin niya sa alahas nito.
“Derick, bro, meet Lani, my girlfriend and future wife,” masayang pakilala sa kaniya ni Danson sa kapatid.
“Nice meeting you, Lani, sa wakas ay nakilala na rin kita. My brother won’t stop talking about you. Sobrang in love ‘yan sa iyo,” sabi nito na inilahad ang mga kamay.
Tinanggap naman iyon ni Lani at matamis na nguniti. “Pleased to meet you, Derick.”
Nang gabing iyon ay masayang nagsalu-salo ang tatlo at isang plano ang nabuo sa utak ni Lani. Napag-alaman kasi niya na mas mayaman pala ang kuya ni Danson. Bukod sa mga negosyo ay may hacienda rin ito sa Davao at nagmamay-ari rin ng isang pribadong resort sa Cebu. Mayroon din itong mga bahay sa ibang bansa kaya mas bongga pala ito kaysa sa nobyo niya!
Kaya naman naisip niyang akitin si Derick. Wala na siyang pakialam sa sasabihin ni Danson basta ang mahalaga ay mahulog sa mga kamay niya ang mas mapera nitong kapatid.
Pagkatapos nilang maghapunan ay nagkuwentuhan sila sa salas. Medyo napasarap ang usapan nila kaya hindi nila namalayan ang oras. Alas diyes na ng gabi. Isasagawa na ni Lani ang maitim niyang balak.
“Darling, medyo late na, baka pwedeng bukas na lang tayo umuwi? Medyo malayo itong bahay ng kuya mo sa Maynila tapos masukal pa ang daraanan natin,” sabi niya.
“Oo nga naman, Danson. Bukas na kayo umalis ni Lani, dito na kayo magpalipas ng gabi. Ipapaayos ko sa kasambahay ang kwartong tutulugan ninyo,” wika ni Derick.
Pumayag naman si Danson sa paanyaya ng kapatid. Nang nasa kwarto na ang magnobyo ay pinaplantsa na ni Lani sa utak niya ang gagawin.
“Kapag himbing na himbing na sa pagtulog ang g*gong ito, saka ko pupuntahan ang kwarto ni Derick. Aakitin ko ang lalaking ‘yon, tiyak na hindi iyon makakatanggi sa taglay kong ganda at alindog,” nakangisi niyang sabi sa isip.
Ala una na ng madaling araw, napansin niyang mahimbing na natutulog si Danson. Naghihilik pa nga ito kaya dahan-dahan siyang bumangon sa kama at lumabas sa kwarto.
Madilim sa paligid. Sa sobrang laki ng bahay ay nakalimutan na niya kung saan ang kwarto ni Derick. Kanina kasi ay pabiro niyang tinanong ang lalaki kung saan ang kwarto nito at itinuro naman nito kung saan. Basta malapit lang iyon sa guest room kung nasaan sila ni Danson. Kaso nakalimutan niya, paano na ‘yan?
“T@ng *na naman! Nasaan kaya ‘yung kwarto ni pogi?” inis niyang tanong sa sarili.
Bahala na! Iisa-isahin na lang niyang kakatukin ang mga kwarto. Nasa ikatlong palapag sila ng mansyon na mayroong apat na kwarto, kasama na ang guest room. Isa sa mga kwartong naroon ang kay Derick.
Isa-isa niyang binuksan ang tatlong kwarto. Ang una ay nakakandado, ang ikalawa ay madali niyang nabuksan ngunit isa iyong bakanteng kwarto kung saan nakatambak ang mga lumang kagamitan. Isang kwarto na lng ang hindi niya napapasok.
“Ito na siguro ang kwarto ni Derick. Sana ay hindi naka-lock,” sambit niya sa sarili.
Dahan-dahan niyang pinihit ang doorknob. Natuwa siya dahil hindi naka-lock ang pinto.
Madilim ang loob ng kwarto. Pilit niyang kinakapa ang dingding, baka naroon ang switch ng ilaw. Maya maya ay may humila sa braso niya.
“Eeee!”
Napatili siya. Naramdaman niya na hinila siya nito papasok sa kwarto. Napasalampak siya sa sahig.
“S-sino ka? Sino ka?” paulit-ulit niyang tanong.
Biglang bumukas ang ilaw at tumambad sa kaniya ang isang babae. Nakasuot ito ng gula-gulanit na damit, gulo-gulo ang buhok at naka-postura pa ang mukha nito na lampas pa sa labi ang lipstik. Iginala rin niya ang mga mata sa loob ng kwarto, marumi iyon at para bang isang kulungan.
“Ikaw ba ang bago kong kalaro?” nakangisi nitong tanong na inilapit pa ang mukha sa kaniya.
“T-teka, s-sino ka ba? Bakit ganyan ang hitsura mo?” tanong niya.
Hindi siya sinagot ng babae. Ini-lock nito ang pinto at may kinuha sa drawer. Ikinasindak ni Lani ang bagay na dinampot nito.
“Oh God!”
Halos masuka siya nang makita na hawak-hawak ng babae ang isang putol na tainga na may nakakabit pang hikaw.
“Gusto mo ito? Laro tayo!” bungisngis pa nito sabay inilapit pa sa mukha niya ang putol na bahagi ng katawan ng tao.
“Huwag, huwag! Ayoko niyan, ilayo mo ‘yan sa akin! Please, help me, Danson!” siga niya. Hindi na niya kinaya pa ang pinaggagagawa ng babae.
Diyos ko, sino ba ang baliw na babaeng ito? Anong ginagawa nito sa bahay ng kapatid ng nobyo niya?
Tinabig niya ang babae at patakbo siyang pumunta sa pinto. Pilit niyang binuksan iyon at humingi ng tulong.
“Tulungan niyo ako! Help me, Danson, Derick!” paulit-ulit niyang sigaw.
Ngunit mabilis ang babaeng baliw, hinablot nito ang buhok niya at hinila siya papunta sa kama.
“Bitawan mo ako, baliw ka!”
Hindi niya namalayan na may hawak nang patalim ang babae.
“Masaya ito! Mag-e-enjoy ka sa laro natin,” humahalakhak na sabi ng babae.
Pagkatapos niyon ay isang malakas na sigaw ang gumuhit sa buong kwarto.
Makalipas ang dalawang buwan
Tahimik na tumayo si Danson mula sa pagkakaluhod, kasalukuyan siyang nagdarasal sa loob ng simbahan. Dalawang buwan na rin ang nakakaraan pero hindi pa rin siya makapaniwala.
Una, na wala na si Lani. Pangalawa, na pera lang pala ang habol nito sa kaniya at balak pang akitin ang kapatid niya para sa pansariling kapakanan.
Ang hindi alam noon ni Lani ay may CCTV sa loob ng bahay ni Derick. Nakita niya ang paglabas ng nobya sa guest room at pagbukas nito sa pinto ng mga kwarto. Noon pa man ay may hinala na siya kay Lani na balak siya nitong lokohin pero isinawalang bahala lamang niya dahil sobra niyang mahal ang nobya.Pero nakumpirma niya ito nang tangkaing pasukin nito ang kwarto ng kapatid niya upang subukan itong akitin. Ang malaking pagkakamali nga lang ng babae ay maling kwarto ang napuntahan nito dahil may itinatago palang lihim ang nakatatanda niyang kapatid. Matagal na pala nitong itinatago sa kaniya na mayroon itong asawa, si Margaret. Noong una ay matino ang babae, pero nasiraan ito ng bait dahil sa kagagawan ng kaniyang kapatid.
Isa palang s*dista si Derick. Araw-araw at gabi-gabi nitong sinasaktan ang asawa at kinukulong pa sa kwarto kaya hindi nakayanan ng pobreng asawa ang kalupitan ng lalaki at tuluyang nabaliw. Nang minsang nagdala ito ng bayarang babae sa bahay ay inatake ito ni Margaret hanggang sa mapat*y nito ang babae. Sa takot na mapanagot dahil sa nangyari ay ikinulong ni Derick sa isang kwarto ang asawa, iyon ang nagsilbi nitong bilangguan at ibinaon naman sa likod ng mansyon ang labi ng babaeng tinapos nito. Pero sa kamalasan, nang gabing bumisita sila sa bahay nito ay nakalimutan ng kapatid niya na ikandado ang pinto ng kwarto ng baliw na asawa kaya nang pumasok doon si Lani ay ito ang nabiktima ng babae. Pagkagising nila kinaumagahan ay nakita nila itong wala nang buhay sa kwarto ni Margaret.
Sa pagkasawi ni Lani ay nabasa pa niya sa mga mensahe sa selpon nito na hindi talaga siya nito minahal. May iba’t ibang lalaki kausap ang dating nobya at sinasabi nito na kapag nakuha na ang gusto sa kaniya’y hihiwalayan siya nito. Wala palang kwenta ang babaeng inibig niya, isang huwad.
Sa kasalukuyan ay nakalibing na si Lani habang nakakulong naman ang kapatid niyang si Derick sa ginawa nitong pagtatakip sa krim*ng ginawa ng asawa nito. Nasa pangangalaga na rin ng mental institution si Margaret.
Laking pasasalamat ni Danson dahil nalaman niya ang masamang plano ni Lani. Ang bilis ng karma sa dating nobya at sa marahas na paraan pa.
Mula noon ay natuto na ang lalaki na kilalanin munang mabuti ang babaeng mamahalin. Balang araw ay mahahanap din niya ang tamang babae para sa kaniya.