Inday TrendingInday Trending
Inapi at Pinalayas ng Dalaga ang Matandang Kasambahay; Iyak Siya Nang Malaman ang Tunay na Pagkatao Nito

Inapi at Pinalayas ng Dalaga ang Matandang Kasambahay; Iyak Siya Nang Malaman ang Tunay na Pagkatao Nito

Masaya ang gising ni Josephine nang araw na iyon. Beinte kuwatro anyos na ang dalaga at nagtatrabaho bilang manager sa isang bangko. Kasalukuyan siyang nakatira sa itinuturing niyang ina na si Lucing, isang mayamang biyuda ang babae at walang anak. Bata pa lang siya ay kinupkop at inaruga na siya ng mabait na ginang.

Nagkaroon ng landslide noon sa Benguet kung saan nagbabakasyon si Lucing. Daan-daang bahay ang natabunan ng gumuhong bundok. Isa si Josephine sa mga himalang nakaligtas. Apat na taong gulang pa lang siya noon nang maganap ang sakuna. Narinig ng ginang na umiiyak siya sa tabi ng labi ng kaniyang ama. Ang labi naman ng nanay niya ay hindi nakita kaya malakas ang hinala ni Lucing na buhay pa ito.

Lumipas ang maraming taon nang paghahanap nila sa ina pero wala silang natagpuang bakas nito. Wala rin kasing naisalbang litrato nito noon kaya nahihirapan silang mahanap ang babae. Pero hindi sila nawalan ng pag-asa at ipinagpatuloy pa rin ang paghahanap.

Nang araw na iyon ay sabik ang dalaga dahil tumawag na ang binayaran niyang imbestigador para matagpuan ang nawawalang ina. Sabi nito, posible raw na buhay pa ang ipinahahanap niya dahil wala naman raw rekord na natagpuan ang katawan nito sa nangyaring pagguho noon.

“Hi, mommy,” sabi niya saka hinalikan ang ginang sa pisngi. Kahit na hindi ito ang tunay niyang ina ay itinuring siya nitong sariling anak, kaya mahal na mahal niya ang babae.

“Hi, baby, luto na ang paborito mong ulam,” masuyong sabi nito sa kaniya.

“Wow, mukhang masarap ‘yang menudo, mommy a! Ikaw ang nagluto?” aniya.

“No, anak, siya, o,” sambit ng ina-inahan.

Napalingon siya sa matandang babae na lumabas sa kusina. Halatang galing ito sa hirap dahil sa maitim nitong kutis. Mumurahin din ang suot nitong daster bagamat kahit may edad na’y maganda pa rin ang mukha.

“M-magandang hapon po ma’am,” nahihiyang bati nito.

“Siya ang bago nating kasambahay hija, si Poleng,” wika ni Lucing.

Lumabas ang pangit na ugali ni Josephine. Maganda siya, matalino at mapagmahal na anak sa kaniyang ina-inahan pero may pagka-maldita siya at matapobre. Ayaw niya sa mga taong mahihirap kaya imbes na pakitaan ng maganda ay tinaasan niya ng kilay ang kasambahay.

“Where did you find her?” baling niya sa ina-inahan.

“Naku, nakita ko siya diyan sa labas. Namamalimos, ang dumi-dumi nga niya kanina. Ang sabi niya’y lumuwas siya dito sa Maynila para makipagsapalaran dahil mahirap daw ang buhay sa probinsya pero wala raw siyang pinag-aralan kaya nahirapan siyang maghanap dito ng trabaho kaya nauwi siya sa pamamalimos. Saka mahina na ang katawan niya, baka hindi na niya kayanin ang gumala sa labas kaya kinuha ko na siya rito sa atin para maging kasambahay. Tutal, kaaalis lang ni Martha, ‘di ba?Mukha namang mabait itong si Poleng at mapagkakatiwalaan, eh,” kibit-balikat na sabi ni Lucing.

“Mommy, hindi ka dapat nagtitiwala sa ‘di mo lubos na kilala! My goodness! Baka mamaya masamang tao ‘yan, paganakawan o p*tayin tayo niyan. Baka sira ulo pa ‘yan, you’ll never know! Ni walang NBI Clearance yan, hindi ninyo chineck sa pulis kung may record ba?” kunot-noong sabi niya rito. Walang pakialam kahit pa naririnig sila ng matanda.

“Mukha naman siyang mabait, anak, bigyan natin siya ng chance. Saka may guwardiya naman tayo diyan sa labas, eh,” tugon ni Lucing sa anak-anakan.

Hindi na siya sumagot sa mommy niya at inirapan nalang ang kasambahay. Wala pa rin siyang tiwala rito.

Mula noon ay palagi nang mainit ang ulo niya kapag umuuwi siya galing sa trabaho. Ewan ba niya, mabigat talaga ang dugo niya sa bago nilang kasambahay. Ayaw na ayaw niyang nakikita ang dugyot nitong kulay na ang lakas maka-mahirap. Kadiri!

Sa sobrang pagkainis ay isang plano ang naisip niya.

“Kailangan pa ba talaga ‘yan? Mamaya mahuli ka ng mommy mo, saka wala namang ginagawang masama sa iyo ‘yung kasambahay niyo, eh. Mukhang mabait nga si manang,” sabi ng kaibigan niyang si Debbie sa kabilang linya, kausap niya ito sa selpon habang kasalukuyan siyang naghahalungkat ng alahas ng mommy niya.

Nanggigigil na ako sa matandang ‘yon, eh. Mainit talaga ang dugo ko kapag nakikita ko ang pagmumukha niya. Pag hindi pa umalis ang babaeng iyon baka tuluyan na niyang mabilog ng ulo ni mommy. Gustung-gusto siya ni mommy kasi masarap daw magluto at malinis sa bahay. Feeling ko nagpapabida lang ‘yon para mabilis niyang mauto si mommy,” aniya.

“Alam mo sis, kung ako sa iyo mag-focus ka na lang sa paghahanap sa totoo mong nanay. Nasabi mo na ba sa imbestigador na may suot na kwintas ang nanay mo nung gabing naganap ang pagguho? ‘Yung kwintas na may piktyur daw ng tatay mo sa loob?” tanong nito.

Napag-alaman kasi niya sa matalik na kaibigan noon ng nanay niya sa probinsya na palagi daw nitong suot ang kwintas na bigay daw ng tatay niya rito nung nag-birthday ito. Hindi raw iyon hinuhubad ng nanay niya. Kulay ginto daw iyon at hugis puso.

May punto naman ang kaibigan niya, pero basta, gusto niya pa ring mawala sa landas muna nila ng mommy niya ang buwisit na si Poleng.

Binabaan na niya ang kaibigan at nagtuloy na sa paghahanap. Dinampot niya ang pinakamamahalin nitong singsing bago napangisi. Sisiguruhin niyang hindi na aabot bukas sa bahay nila ang matandang kasambahay.

“Poleng, what did you do inside mommy’s room kanina?” tanong niya habang kumakain sila ng hapunan at kasalukuyan silang pinagsisilbihan ng matanda.

“Ho?” nagtatakang tanong ng kasmabahay.

“Huwag ka nang magmaangan! Nakita kitang lumabas sa kwarto ni mommy, sana mali ako sa iniisip ko,” sabi niya.

“M-ma’am, hindi po ako nagpunta…”

“Teka, ako pa ang sinungaling ngayon? Nakita nga kita! Mommy, para makasiguro tayo iche-check ko ang gamit ng kasambahay na ‘yan. Mahirap na,” wika niya. Hindi na niya hinintay pang sumagot ang dalawa. Tumayo na siya at pumunta sa kwarto nito.

Paglabas niya ay bitbit niya ang lumang bag ng matanda at binulatlat iyon sa harap mismo ni Lucing, para lubusang makita ng ginang.

“Anak, hindi naman siguro…”

Hindi na natapos ng mommy niya ang sasabihin nang malaglag mula sa loob ang antigong singsing na minana pa ng ginang sa mga yumaong magulang.

“See? See?! Sinabihan na kita mommy. Hoy, tanda you may leave! Or ipapakulong ka namin!”

“Pero ma’am, wala po talaga akong kinukuha!” hindi makapaniwalang sabi ng matanda. Ang mommy niya naman ay walang imik, halatang dismayado.

Sadya siyang mapilit at halos kaladkarin na ang ksambahay kaya wala itong nagawa kung hindi mag-empake ng mga gamit. Pero bago ito lumabas sa gate nila ay nais niya pang ipahiya itong muli kaya hinablot niya ang bag nito, muling binulatlat at maging ang mga bulsa ay binuksan.

“Mahirap na, gusto ko lang matiyak na wala ka nang iba pang ninakaw…”

Pero napatigil siya nang makita ang isang bagay na nahulog mula sa bag.

Laking gulat niya nang mapagmasdan ang gintong kwintas na may hugis puso. Bigla siyang kinabahan nang mahawakan iyon. Nanginginig ang kamay niyang binuksan ang locket. Napahawak siya sa dibdib nang tumambad ang laman noon – larawan ng isang lalaki.

Kinilabutan siya nang makita ang lumang litrato, pamilyar sa kaniya ang mukha ng lalaki.

“S-saan mo ito nakuha?” tanong niya.

“B-bigay po iyan ng aking yumaong asawa, ‘yan nalang ang alaala ko sa kaniya pati po ang nag-iisa kong anak na babae. Pumanaw sila nung nagkaroon ng landslide sa probinsya namin sa Benguet maraming taon na ang nakakaraan. Hindi ko na nga nakita ang labi nila dahil mayroon daw nagmagandang loob na nagpalibing. Ang totoo’y wala ako sa bahay namin nang mangyari ang sakuna, nagtitinda ako noon sa palengke. Nang pumunta ako sa lugar ng pagguho ay wala na doon ang labi ng aking mag-ama. Halos mabaliw ako noon kaya nga nawala ako sa sarili ng ilang taon at napasok ako sa mental pero sa awa naman ng Diyos ay gumaling ako’t bumalik sa dating katinuan. Pero naalala kong wala pala akong babalikan, wala na ang aking pamilya kaya naisip kong dito na lang sa Maynila magpunta para kahit paano’y makalimutan ko ang pait na aking pinagdaanan. Parang awa niyo na, mapapatunayan ko pong akin ang kwintas na ‘yan. Palayasin niyo na po ako basta huwag niyong kukunin ang aking kwintas. ‘Yan nalang ang natitira sa akin, walang-wala na ako!” naiiyak na sabi ng matanda.

“D-Diyos ko…” sambit ni Josephine.

“Kahit na po ang hirap na ng buhay tiniis ko po ang gutom huwag lang ‘yang maisanla. Parang awa mo na ma’am,” humahagulgol na sabi nito.

“A-ano ang pangalan ng asawa mo’t anak? Ano ang tunay mong pangalan?” nanginginig na tanong niya.

“Tarcilo ang pangalan ng mister ko, ang aming anak ay si Pearly at ang tunay kong pangalan ay Policarpia, kaya po Poleng ang palayaw ko,” tugon ng matanda.

Napatigil ang kasambahay nang mapahagulgol na rin siya at pasugod na niyakap ito.

“N-nanay, nanay ko,” iyak ni Josephine.

“A-anong ibig mong sabihin, ma’am?” nagtatakang tanong ni Poleng.

“Ikaw po ang nanay kong matagal ko nang hinahanap. Ako po ang anak niyong si Pearly, buhay po ako. Hindi po ako nasawi sa pagguho noon. Nakita po ako ni Mommy Lucing, akala po niya ay ulila na ako kaya kinupkop niya ako’t itinuring na tunay na anak. Pinalitan din po niya ang pangalan ko para makalimutan na rin ang nangyari noon. Dahil sa kwintas na ‘yan ay nahanap na rin kita, nanay. Patawarin niyo po ako!” patuloy na hagulgol ng dalaga.

“A-anak? Buhay ka? Diyos ko, salamat at buhay ka anak ko!” hindi makapaniwalang sabi ni Poleng sabay yakap sa kaniya nang mahigpit.

Napaiyak na rin si Lucing sa eksena nilang mag-ina. Inamin niya rito ang nagawa niyang kasalanan, pero hindi nagalit ang ginang. Masaya pa nga ito dahil parang pinaglaruan sila ng tadhana. Nasa harap na pala niya ang ina na matagal niya nang hinahanap.

Kaya pala iba ang pakiramdam ni Josephine kay Poleng unang kita niya palang rito. Akala niya ay inis at galit ang nararamdaman niya iyon pala ay matinding lukso ng dugo.

Paulit-ulit siyang humingi ng tawad sa nanay niya at napatawad naman siya nito. Mula noon ay sa bahay na nila tumira ang nanay niya. Ipinaramdam niya rito ang kaniyang pagmamahal at ipinaranas niya sa ina ang marangyang buhay na kailanman ay hindi nito naranasan. Bumawi talaga siya rito. Nagpapasalamat din siya sa ina-inahang si Lucing dahil kahit nahanap na niya ang tunay na ina ay nakasuporta pa rin ito sa kaniya bilang pangalawang ina. Masuwerte siya dahil mayroon siyang dalawang nanay na nagmamahal sa kaniya kaya wala na siyang mahihiling pa.

Advertisement