Pinayuhan ng Babae ang Kaibigan na Magsawalang-Kibo sa Naglolokong Asawa; Ikagugulat Nito Nang Malamang Siya Pala ay Isang Kerida
Isang kawani ng gobyerno si Leticia. Ang asawa naman niyang si Rigor ay supervisor sa isang kumpanya sa Maynila. Mayroon silang dalawang anak na parehong nag-aaral sa kolehiyo. Iang simple at mabait na maybahay ang babae pero bulung-bulungan ng mga kapitbahay na kahit mabuting asawa si Leticia sa mister ay nagawa pa ring magloko ng lalaki. Usapan-usapan na may ibang babae raw si Rigor. Sa kumakalat na balita ay may payo naman ang matalik na kaibigan ni Leticia na si Mayeth.
“Magsawalang-kibo ka na lang. Magkunwari kang walang alam,” sabi nito.
“P-pero, Mayeth…ibang usapan ito, may kerida ang mister ko tapos magsasawalang-kibo lang ako?” sagot ng babae.
“Iyon muna ang kailangan mong gawin. Alamin mo kung may pagkukulang ka na maaaring magtaboy sa kaniya sa iba. Pagkatapos, pilitin mong mapunan ang pagkukulang na iyon. Makikita mo, kusa siyang babalik sa iyo,” wika pa ng kaibigan.
Napabuntung-hininga si Leticia.
“Ang hirap yata niyon. Mas madali para sa akin ang sugurin sila ng babae niya at eskandaluhin.”
Nagulat si Mayeth sa sinabi niya. “Para ano?”
“Para mapahiya silang pareho…lalo na ‘yung babaeng mang-aagaw na ‘yon na kumalantari sa asawa ko. Ipagsisigawan ko sa lahat ang kalandian niya,” tahasang sabi ni Leticia.
Umiling ang kaibigan. “Huwag mong gagawin ‘yan, Leticia. Lalo mo lamang bibigyan ng katuwiran ang asawa mo na magloko.”
Pagkatapos ng pag-uusapan nilang iyon ni Mayeth ay naglaan siya ng oras para magmuni-muni. Pinag-iisipan niya kung susundin ang payo ng kaibigan nang marinig niya ang tsismis na may ibang kinalolokohang iba ang mister niya.
Matagal na niyang kaibigan si Mayeth. Magkaklase sila noon sa kolehiyo at talagang malapit sila sa isa’t isa. Nagsasabihan pa nga sila ng mga crush nila noon. Alam na alam din niya ang mga lalaking dumaan sa buhay ng kaibigan. Kaya masasabi niya na wala itong maililihim sa kaniya pero isangaraw, habang nasa grocery siya ay narinig niya ang dalawa niyang kapitbahay na pinagtsitsismisan ang babae. Aba, ang mga numero unong tsismosa pa sa lugar nila ang nakasalubong niya roon.
“Ang galing gumayak ni Mayeth, ano? Hindi halatang kerida ang g*ga,” wika ng matandang babae.
“Oo nga eh, akala mo santa kung kumilos pero mahinhing talipandas naman pala,” sabad ng babaeng kasama nito.
‘Di niya napigilang lapitan ang dalawang tsismosa.
“A-anong sinasabi ninyo? K-kerida si Mayeth?” gulat niyang tanong.
Nagulat din ang dalawang babae sa pagsingit niya sa usapan ng mga ito.
“Ano ka ba naman, nakakagulat ka naman, Leticia! Totoo ang narinig mo, kerida ‘yang si Mayeth,” sabi ng matandang babae.
“T-teka, ‘di ba kaibigan mo ‘yon? Hindi mo alam na kerida siya?” tanong ng isa.
Napailing siya. “H-hindi, hindi ko alam,” aniya.
“Hindi mo ba nahahalata? ‘Di mo ba nakikita ‘yung kotse na palaging pumaparada sa tapat ng bahay nila gabi-gabi? Iyon ‘yung lalaki niya. Balita ko’y mayaman ‘yung Ernie na kinahuhumalingan niya pero may asawa. Boss niya iyon sa pinagtatrabahuhan niyang lending company sa Makati. Hindi na nahiya, alam na may pamilya na ‘yung lalaki kumabit pa rin,” wika ng mas nakababatang babae.
“Kawawa naman ‘yung mister niyang si Manny, niloloko niya. Ang bait pa naman niyon. Hay naku kapag pinairal talaga ang kakatihan sa katawan!” inis pang sabi ng matandang tsismosa.
“Baka naman nagkakamali lang kayo dahil araw-araw namang umuuwi ang asawa niya sa bahay nila at ang sweet-sweet pa nilang dalawa. Baka naman kaibigan o kamag-anak lang ‘yung nakikita ninyong lalaki na pumupunta sa kanila?” pagtatanggol niya sa kaibigan.
“Ano ka ba? Kalat na sa lugar natin ang pagiging kerida niyang si Mayeth. Dami nang nakakakita sa kaniya na palagi niyang kasama ‘yung lalaki niya. Minsan nga ay magkaakbay at magkayakap pa sila, eh. Malandi talaga ‘yang babaeng ‘yan, haliparot! Hindi magandang ehemplo sa mga kababaihan,” giit ng isa.
Sa nalaman ni Leticia ay bigla siyang napaisip.
“Kaya pala pinayuhan niya akong magsawalang-kibo sa pagloloko ni Rigor, dahil siya rin pala ay isang kerida,” sabi niya sa mga kausap.
“Oo nga pala, may iba rin palang kinalolokohan ang mister mo, ano? Usap-usapan din kaya sa atin ang tungkol sa pambababae ni Rigor. Naku, ang mga lalaki talaga ngayon sadyang marurupok na! Ang mga keridang ‘yan, maninira ng pamilya,” sabi ng matandang babae.
“Pinayuhan ka niya ng ganoon? Huwag kang makikinig sa kaniya, gusto lang niyang proteksyunan ang mga kauri niya,” sabad ng isang babae.
Nang bigla na lamang may nagsalita sa likuran nila.
“Hindi totoo ‘yan!”
Paglingon ng tatlo ay nagulat sila, naroon si Mayeth na kanina pa pala sila pinakikinggan.
“M-Mayeth!” wika ni Leticia.
“Pinayuhan kita ng ganoon dahil gusto kong proteksyunan ang inyong pagsasama, Leticia. Totoo, kerida ako at gusto kong malaman ninyo na kaya ako ang piniling pakisamahan ni Ernie ay dahil diskuntento siya sa asawa niyang nagger, inggitera at selosa,” hayag ni Mayeth.
Nagkatinginan ang dalawang tsismosa at halatang napahiya. ‘Di naman inasahan ni Leticia na iyon pala ang dahilan kung bakit nagawang magloko ng lalaki.
“I-ibig mong sabihin, tuluyan nang iniwan nung lalaki ang asawa niya?” tanong niya.
Tumango ang kaibigan. “Oo, pero pansamantala lang. Sinabi sa akin ni Ernie na sa oras na magbago ang asawa niya’y babalikan niya ito, dahil kahit ako ang mas mahal niya, ang pamilya pa rin ang prayoridad sa kaniya,” tugon ni Mayeth.
Mas lalong napanganga ang mga tsismosa. Si Leticia naman ay hindi na nakapagsalita pa sa tinuran ng kaibigan. Hindi pa rin siya makapaniwala na ibang klaseng kerida pala si Mayeth, at hindi tulad ng iniisip niya.
Ang tanong, dapat pa nga ba niyang pakinggan ang payo ni Mayeth na isang kerida?
“Nasa sa iyo na ang pagpapasiya, Leticia, kung susundin mo ang payo ko sa iyo, pero dapat mo akong pakinggan para hindi na dumami pa ang kauri ng asawa ni Ernie. At nang hindi na rin madagdagan ang kauri kong nagsasamantala sa sitwasyon para umamot ng pagmamahal. Matagal na kaming nagkakalabuan ni Manny, ang totoo’y hindi naman niya ako mahal. Pinakasalan lang niya ako dahil ako ang gusto ng mga magulang niya para sa kaniya. Kasal kami sa papel pero walang pagmamahal. Kung nakikita ninyo kaming sweet sa isa’t isa kapag magkasama sa labas, iyon ay pakitang tao lamang dahil kapag nasa loob na kami ng bahay ay halos masuka siya kapag kasama ako. Hindi lang niya ako maiwanan dahil tatanggalan siya ng mana ng mga magulang niya kapag ginawa niya iyon. Kaya ito ako, nakikiamot ng pagmamahal sa iba,” pagtatapat pa ni Mayeth.
Lalong lumubog sa kinatatayuan ang dalawang tsismosa hanggang sa hindi na nakayang harapin si Mayeth at umalis na lang ang mga ito. Niyakap naman ni Leticia ang kaibigan. Ngayon ay nauunawaan na niya ito. Mahirap din pala ang pinagdaraanan ng babae.
“Patawad, Mayeth kung hinusgahan kita,” sinsero niyang sabi sa kaibigan.
“Salamat at naiintindihan mo na ako.”
Sinunod ni Leticia ang payo ni Mayeth, ‘di natagal ay hiniwalayan nga ng mister niya ang babae nito at nagbalik sa kaniya. Mula noon ay hindi na nagloko ang asawa niya. Laking pasasalamat niya sa kaibigan dahil sa payo nito ay tumino na ang kaniyang mister at hindi na kailanman nambabae.
Samantala, hiniwalayan na rin ni Mayeth ang kaniyang boss matapos na magbago ang asawa nito. Nakipaghiwalay na rin siya sa asawang si Manny dahil hindi naman siya mamahalin ng lalaki, mas pinili na lang niya na ipagpatuloy ang buhay nang mag-isa. Sa ngayon ay hindi pa rin niya nahahanap ang lalaking para sa kaniya, pero umaasa siya na balang araw ay darating din sa kaniya ang tunay na pag-ibig, yung wala siyang kahati.
Sana lahat ng kerida ay katulad ni Mayeth.