Nainis ang Dalaga Dahil Hindi Siya Kayang Ipagtanggol ng Nobyo; Hagulgol Siya Nang Ibigay Nito ang Sariling Buhay Para sa Kaniya
Isang taon nang magkasintahan sina Nathan at Corrine. Pareho silang nag-aaral sa kolehiyo, Edukasyon ang kinukuhang kurso ni Corrine samantalang Engineering naman ang kurso ni Nathan. Matalino ang dalawa sa klase at pareho pa silang dean’s lister. Mabuting inspirasyon ang binata sa dalaga ganoon din ang dalaga sa binata kaya hindi tutol ang mga magulang nila sa relasyon nila. Basta ang sabi ng mga ito’y tapusin muna nila ang pag-aaral at makahanap ng trabaho, at pwede na silang magpakasal.
“May sakit ka ba, Nathan?” nagtatakang tanong ng dalaga sa nobyo nang minsang namamasyal sila sa parke.
“H-Ha? W-Wala, bakit mo naman naitanong?” gulat na sabi ng binata.
“Wala lang, kasi napapansin kong parang matamlay ka, eh. Masama ba ang pakiramdam mo?”
Umiling ang nobyo. “Hindi, may iniisip lang ako…may tanong ako sa iyo, how much do you love me, Corrine?” tanong nito.
“B-bakit ba gustung-gusto mong malaman ha? Nung nakaraan, iyan din ang tanong mo sa akin at sinagot ko naman, ‘di ba?”
“Oo nga, pero gusto ko lang marinig ulit sa bibig mo na mahal na mahal mo ako.”
Ngumiti ang dalaga at pinagbigyan ang binata.
“Okey…I love you more than anything else in this world. Ano, kuntento ka na ba?” sabi ni Corrine.
Napanatag naman si Nathan sa sinabi niya.
“Maraming salamat, Corrine. Hayaan mo, pipilitin kong gantihan ang pagmamahal na inuukol mo sa akin,” sinserong sabi ni Nathan.
Kinurot ni Corrine sa tagiliran ang nobyo.
“Ang corny talaga nitong boyfriend kong promdi. Tara na nga, baka hinihintay na ako ng nanay ko,” sagot ng dalaga.
“S-sige na nga. Ihahatid na kita sa inyo.”
Oo, promdi si Nathan, lumaki siya sa probinsya at lumuwas lang ng Maynila para mag-aral sa kolehiyo ‘di tulad ni Corrine na laking siyudad. Pero kahit laking probinsya ang nobyo ay mahal na mahal niya ito. ‘Di lang kasi matalino ang binata, guwapo at mabait pa.
Palibhasa’y maganda si Corrine kaya hindi siya nakaligtas sa paningin ng isa sa mga kilalang playboy sa pinapasukang eskwelahan – si Ferdinand.
“Pare, type ko ‘yung chik na nakasuot ng pulang bestida. Ang ganda-ganda, o at ang seksi pa,” nakangising sabi ng lalaki sa mga kabarkada nang makitang dumarating ang dalaga.
“Pero pare hindi na pwede ‘yan, sold na ‘yan, eh,” sabi ng isa sa mga kasama.
“Oo nga pare, lagi ko ngang nakikita ‘yang sinusundo ng boyfriend niya,” sabad naman ng isa.
Napangiti ang lalaki, halatang may binabalak…
“A, ganoon ba?”
Maya maya ay dumating na rin si Nathan, nag-usap sila ni Corrine na sabay na magre-rebyu sa silid-aklatan.
“O, hayun na pala ng syota niya. Papasok na sa gate,” wika ng isa.
“Siya pala, a!” nakangising sabi ni Ferdinand sa isip.
“Mabuti naman at dumating ka na, akala ko’y male-late ka na naman sa usapan natin,” sabi ni Corrine sa nobyo.
“Pasensya na, tinulungan ko pa kasi si inay sa mga pinamili niya sa palengke kaya ngayon lang ako dumating. Sige, tara na sa library,” yaya ni Nathan saka hinawakan sa kamay ang dalaga.
Ngunit…
“S-sandali lang, pare…”
Nang lingunin ng magkasintahan ang boses…
“Pare, type ko ‘yang syota mo, eh! Baka pwedeng arborin?” tatawa-tawang sabi ni Ferdinand.
Kinausap nang maayos ni Nathan ang lalaki.
“Pasensya ka na ha, nagmamadali kasi kami, eh. At saka ayoko ng gulo,” aniya.
Nagpanting ang tainga ni Ferdinand kaya…
“A, ganoon ba? Pasensya ka na kung naistorbo ka namin, um!” sambit ng lalaki saka sinuntok sa mukha si Nathan.
“Nathan!”
Humandusay sa lupa ang binata sa lakas ng pagkakasuntok ni Ferdinand. May mga estudyanteng nakakita sa nangyari pero tikom ang mga bibig ng mga ito dahil maimpluwensiya ang mga magulang ng lalaki sa eskwelahan. Ang ama nito ang siyang may-ari ng eskwelahang iyon kaya walangsinuman ang maglalakas-loob na kalabanin ito.
“Sa uulitin, ayokong makikita ang pagmumukha mo rito ha!” banta pa ng lalaki.
Pagkaalis ng grupo ni Ferdinand ay dali-daling inalalayan ni Corrine ang nobyo sa pagtayo.
“Bakit kasi hindi ka lumaban? Pagkalalaki mo na ang inaapakan nila, a!” wika ng dalaga.
“Kilala mo naman ako, eh, ayoko ng gulo,” sambit ni Nathan.
Sa nangyari ay nabawasan ang paghanga niya sa binata. Parang hindi ito lalaki. Labis siyang nadismaya.
“Ayaw mo ng gulo o natatakot ka lang? Hindi mo kayang ipagtanggol ang sarili mo? I’m sorry, Nathan, pero ang kailangan ko’y isang lalaking pwede akong ipagtanggol sa lahat ng oras,” inis na sabi niya.
Mula noon ay hindi niya muna pinansin ang nobyo. Hindi niya ito kinakausap kapag nagkikita sila sa eskwela. Hindi na rin siya nagpapahatid dito sa pag-uwi. Nauunawaan naman ni Nathan ang pagtatampo niya kaya hinayaan muna siya nito.
Isang gabi, pauwi na si Corrine sa bahay nila nang biglang may humarang sa kaniya.
“Hi, beautiful. Nag-iisa ka ngayon, a! Baka gusto mong makipag-date sa akin?” tatawa-tawang sabi ni Ferdinand. Sinundan pala siya nito paglabas niya sa eskwela.
“Ikaw na naman? Pwede ba tigilan mo na ako? May nobyo na ako!” sabi niya.
Hinawakan ng lalaki ang braso niya.
“Huwag ka nang pakipot,” anito.
“A-ano ba? Bitiwan mo nga ako!” malakas na sabi ng dalaga na pilit kumakawala sa pagkakahawak ng lalaki.
“Uy, pumapalag, iyan ang gusto ko, lumalaban,” sambit pa ni Ferdinand sa ang-aasar na tono.
Maya maya…
“Pare, ako ang harapin mo, huwag ‘yang babae!”
Paglingon nila ay naroon si Nathan. Lingid sa kaalaman ni Ferdinand, nakita siya ng binata na sinundan niya si Corrine kaya palihim itong sumunod.
Pero sadyang tuso si Ferdinand, napaghandaan niya ang pagdating ni Nathan. Biglang dumating ang mga kasama ng lalaki at pinagtulungang hawakan si Nathan.
“Alam mo, pare, mahusay kang mang-agaw ng eksena, kaso sa pagkakataong ito hindi ko hahayaan na umepal ka pa, pakialamero!” gigil na sabi ni Ferdinand saka inilabas sa bulsa ang patalim at mabilis na itinarak sa dibdib ng binata.
“Nathan!”
Pagkatapos niyon ay nagmamadaling tumakbo ang magbabarkada.
“Bilis mga pare, baka mahuli tayo!”
Luhaang nilapitan ni Corrine ang nobyo na d*guang nakahandusay sa semento. Hindi natiis ng dalaga ang binata, mahal pa rin niya ito.
“Nathan, Nathan! Huwag mo akong iiwan! S-sorry sa mga nasabi ko sa iyo,” hagulgol niya.
“Mahal na mahal kita, Corrine. Iingatan mo ang sarili mo, hindi na kita mababantayan,” tanging nasabi ni Nathan bago tuluyang bawian ng buhay sa kaniyang kandungan.
Isang buwan na ang nakakaraan nang sumakabilang buhay ang nobyo pero masakit pa rin kay Corrine ang nangyari. Nahuli at nakulong si Ferdinand sa ginawa nitong kr*men, hindi umubra ang impluwensiya ng mga magulang nito sa batas at hustisya. Napadali ang pagdurusa nito sa kulungan dahil nakita sa CCTV ang pagsaks*k nito kay Nathan. Bukod sa lalaki, kulong din ang mga kasama nito.
Napagtanto ng dalaga na hindi pala totoong hindi siya kayang ipagtanggol ng nobyo dahil sa huling sandali ay ibinigay nito ang sariling buhay mailigtas lang siya sa kapahamakan. Ganoon siya kamahal ni Nathan.