Nagpanggap na Beki ang Lalaking ito Matapos niyang Makabuntis; Karma ang Inabot niya sa Ama ng Dating Nobya
Labis na pagkagulat ang agad na bumalot sa damdamin ni Elmer, matapos ipagtapat ng nobya niyang si Sharon na buntis ito at siya ang ama.
Tila nataranta si Elmer at hindi alam ang gagawin. Hindi pa siya handang maging ama!
“P-pero, Sharon, hindi pʼwede ʼyan! Baka nagkakamali ka lang? Hindi pa ako pʼwedeng maging ama. Marami pa akong gustong gawin!” natatarantang aniya sa kausap na agad namang nakapagpabago sa kanina ay masayang ekspresyon ni Sharon.
“Anong hindi handa? Nasa tamang edad na tayo, Elmer. May magagandang trabaho, may sariling bahay, ano pa ba ang sinasabi mong hindi handa?!” mangiyak-ngiyak na tanong pa ni Sharon sa kaniya.
Tila nawalan naman ng isasagot si Elmer. Hindi niya na alam kung papaano pa siya lulusot. Hindi niya masabi kay Sharon na hindi naman talaga niya ito mahal at tanging kantyaw lang ng barkada at mga kasamahan nila sa trabaho ang nag-udyok sa kaniyang ligawan ito at paibigin.
“S-Sharon, ano kasi…” Hindi maituloy-tuloy ni Elmer ang kaniyang sasabihin. May naisip na siyang palusot ngunit hindi niya alam kung gagana iyon. Bahala na. “Sharon, hindi ka pʼwedeng mabuntis. Hindi kita maaaring panagutan kasi hindi ka magiging masaya sa akin!” aniya pa.
“Bakit?” bagsak ang balikat namang tanong ni Sharon.
“Beki ako, Sharon,” pagtatapat kunwari ni Elmer.
“Ano?!” bulalas naman ni Sharon at hindi makapaniwala. “Paano mo ipaliliwanag ʼyong nangyari sa atin? Nabuntis mo ako, Elmer, tapos sasabihin mong beki ka?” galit na sabi pa nito
“Confused pa kasi ako, Sharon. Maniwala ka sa akin, minahal kita. Pero na-realize kong mas attracted pala ako sa kapwa ko lalaki. Hindi kita kayang panagutan!”
Wala nang nagawa pa si Sharon kundi ang umalis at umiyak habang siya ay pauwi na ng bahay, habang si Elmer naman ay malaki ang tuwa dahil sa wakas ay matatakasan niya na ang babaeng ʼyon.
Ang totooʼy okay naman si Sharon para kay Elmer. Siya iyong tipo ng babaeng gugustuhing pakasalan ng mga lalaki. Ang kaso, hindi kayang mag-settle ni Elmer. Hindi niya kayang i-give up ang sarap ng buhay binata. Gusto niya iyong nangongolekta siya ng babae. Iyong hinahabol siya ng mga ito. Gusto niya, iyong pasarap lang siya sa buhay niya at walang iniintinding pamilya.
Lingid sa kaalaman ni Elmer, nang dahil sa sobrang sama ng loob ay hindi naging maganda ang epekto niyon sa katawan ni Sharon, pati na rin sa kanila sanang magiging anak. Naging mahina ang kapit ng bata hanggang sa isinugod si Sharon sa ospital nang duguin ito. Nabalitaan na lamang iyon ni Elmer nang isang gabi ay magkasalubong sila ng Ama ni Sharon, habang may kaakbay siyang babae!
Bugbog sarado na si Elmer sa ama ni Sharon nang sabihin nito sa kaniya ang masamang balita…
“Wala na ang anak ninyo, dahil sa kasinungalingan mo! Huwag na huwag ka nang magpapakita sa anak ko. Wala kang kuwenta!” hiyaw ng ama ni Sharon sa kaniya.
Tila noon lang tinamaan ng konsensiya si Elmer. Biglang kumirot ang dibdib niya nang malamang nalaglag ang kanilang anak nang dahil sa kaniya!
Walang sali-salitang napaluha na lamang ang binata habang inaalala ang masasayang araw na magkasama sila ng dating nobya at doon niya lamang napagtantong mahal pala niya talaga ito. Sadyang takot lang siya sa responsibilidad. Takot siyang harapin ang mga mangyayari. Isa siyang duwag.
Huli na nang tangkain niyang kausapin si Sharon dahil nakalipad na ito papuntang ibang bansa upang doon magtrabaho. Ang masakit pa, nalaman niyang hindi naman talaga nalaglag ang bata sa sinapupunan ni Sharon. Sinabi lang iyon ng ama nito upang matauhan siya at masaktan tulad ng pananakit niya sa anak nito.
Ngayon, huli na ang lahat. Wala na ang kaniyang mag-ina. Lumipas ang mga taon at lalong naging miserable ang buhay ni Elmer. Nalaman niyang ikinasal na si Sharon sa iba. Ang pinakamasakit na parte sa pangyayaring iyon ay ang hindi pagkilala sa kaniya ng sarili niyang anak bilang ama.
Ngunit para kay Elmer ay dapat lang sa kaniya iyon. Tinanggap na niya ang kaniyang parusa. Nang umuwi ng Pinas ang mga ito ay nagkasya na lamang si Elmer sa pagtingin mula sa malayo. Ibayong panghihinayang ang kaniyang nararamdaman sa tuwing nakikita niyang masayang-masaya ang kaniyang mag-ina sa piling ng ibang lalaki. Bagay na hindi niya magagawa pa kahit kailan.