Walang Pinag-aralan ang Lalaki kaya Tampulan siya ng Pangmamaliit; Ibang Klase pala ang Kaniyang Talento
Janitor sa kompanyang iyon ang binatang si Orlan. Maglilimang taon na siyang namamamasukan doon at maayos naman ang naging buhay trabaho niya. Malaki ang pasasalamat niya at dating amo ng kaniyang amang driver ang general manager ng kompanyang iyon kaya kahit wala siyang diploma ay ipinasok pa rin siya nito.
Ngunit isang malaking pagbabago ang naranasan ni Orlan, matapos magkaroon ng massive hiring dahil nag-uumpisa nang lumaki pa ang kompanyang kaniyang pinagtatrabahuhan. Paanoʼy karamihan sa mga bagong empleyado ay mga kabataang fresh graduates na may ugaling pagkayayabang.
“Oh, heto na pala ang basurerong si Orlan. Ipatapon nʼyo na ang mga basura nʼyo mga pre,” kantiyaw ng isa sa mga bagong pasok na empleyado sa opisinang iyon sa mga kasamahan nito.
“Grabe ka naman kay Orlan, pare. Hindi naman siya mukhang basurero, ah? Mukhang basura lang!” dagdag naman ng isa pa sabay hagalpak nang tawa.
Hindi na lamang pinansin ni Orlan ang mga naririnig at sinimulan na niyang ipunin ang mga basura nila sa isang lalagyan, ngunit tila ayaw siyang tigilan ng mga ito.
“Orlan, hindi baʼt magkakaedad lang tayo? Bakit ganyan ka lang? Balita ko, wala ka raw pinag-aralan. Siguoʼy bulakbol ka noon, ano?” may ngisi sa labing tanong na naman ng isa sa mga bagong empleyado.
Gusto sanang ipagtanggol ni Orlan ang sarili at sabihing hindi totoo ang ibinibintang nito sa kaniya, ngunit sa huli ay nagpasya na lamang siyang huwag na itong patulan. Ayaw niya namang isugal ang kaniyang trabaho, dahil siguradong kapag nagkataong magkakainitam sila ay siya rin naman ang dehado.
Naging kalbaryo ang buhay ni Orlan sa trabaho simula nang araw na iyon. Ayaw niya namang mag-alala pa ang kaniyang inay at mga kapatid kung magsasabi siya. Wala siyang ibang mapagbuhusan ng sama ng loob kundi ang kaniyang lumang gitara na pamana pa sa kaniya ng kaniyang pinsan dahil bumili na ito ng panibago.
Madalas ay kaharap ni Orlan ang kaniyang lapis at papel kung saan niya ibinubuhos ang mga salitang nais niyang sabihin sa tuwing siya ay inaalipusta. Sinimulan niyang lagyan ng tono ang mga salitang iyon na sa katagalan ay naging isang piyesa.
“Wow, kuya! Ang ganda naman ng kantang ʼyan!” isang araw ay bulalas ng bunsong kapatid ni Orlan sa kaniya matapos nitong marinig ang noon ay tapos na niyang piyesa ng kanta.
“Talaga? Ako ang sumulat niyan, bunso!” natutuwa namang aniya sa kapatid.
“Wow! Ang galing-galing mo naman po, kuya! Video-han kaya kita habang kinakanta mo ʼyan para makita ng mga kaklase ko?”
Hindi pa man siya nakasasagot ay dali-dali nang kinuha ng bunsong kapatid ang cellphone nitong iniregalo niya rito noong kaarawan nito upang simulan na siyang kuhanan ng video.
Wala nang nagawa pa si Orlan kundi ang kumanta sa harap ng camera. Buong puso niyang inawit ang kantang siya mismo ang gumawa. Ang piyesang sumasalamin sa kaniyang buhay.
Hindi akalain ng mga kaanak ni Orlan na ganoon na lang iyon kabilis mamahalin ng mga tao sa social media! Agad na humakot ng ibaʼt ibang reaksyon, shares at views ang video na umabot pa nga ng milyon!
Dahil sa pangyayaring iyon ay naging instant sensation si Orlan. Inulan siya ng kabi-kabilang offer sa telebisyon at hindi nagtagal ay nakapag-release kaagad siya ng album sa tulong ng mga taong humahanga rin sa kaniya.
Mula sa ilalim ay mabilis na umangat sa taas ang buhay ni Orlan nang dahil sa musika. Dahil iyon sa napakaganda niyang tinig at sa napakagaling na pagkakagawa ng kaniyant pinakaunang piyesa.
Ganoon na lang ang gulat ng mga taong noon ay nangmamaliit kay Orlan nang mabalitaang sa mabilis na panahon lamang ay gumanda at umayos agad ang buhay niya dahil sa kaniyang talento. Tila nakaramdam sila ng panliliit sa sarili.
Sa kabila ng pagiging masama nila kay Orlan ay nanatili itong pasensyoso, masipag at masinop kaya naman kahit wala siyang ipagmamalaking diploma, kagaya ng mayroon sila ay hindi siya pinagdamutan ng tadhana.
Nakatutuwa lamang isipin na ang bagay na nagpapahirap kay Orlan ay ginamit niyang inspirasyon upang siya ay makagawa ng isang napakagandang piyesa, imbes na magpaapekto at malugmok, dahil lamang sa sinasabi ng ibang tao tungkol sa kaniya. Nagsilbi niyang pampalakas ang mga pangungutya imbes na ito ang siyang magpahina sa kaniya. Isang inspirasyon ang mga kagaya ni Orlan.