Ibinintang sa Madrasta ang Pananakit sa Bata ngunit Itinuro ng isang “HUMAN CCTV” ang Tunay na Salarin

Nagulantang ang mga pulis nang abutan nila ang limang taong gulang na batang si Mary sa bahay kung saan ito nakatira na puno ng pasa sa mga braso at namamaga pa ang mga labi. Itinimbre lamang ito sa kanila ng isang concerned citizen matapos daw makarinig ng mga pag-iyak mula sa bata sa ilang magkakasunod nang araw. Naalarma na kasi ang ilan sa kanilang mga kapitbahay dahil sa lakas ng palahaw nito kaya naman naglakas-loob na ang isa sa mga ito na magsumbong sa pulis.

“Sino-sino ang mga kasama ng bata sa bahay?” tanong ng nag-iimbestigang pulis sa isa sa mga kapitbahay ng bata.

“Iyon pong tatay niyang si Ruel, sir, saka ʼyong madrasta niyang nagngangalang Hazel ang madalas niyang kasama,” sagot naman ng kausap nito.

Napatango ang imbestigador bago muling nagtanong pa upang makakalap pa ng ibang impormasyon tungkol sa kasong iyon ng bata.

Maya-maya pa ay humahangos na dumating ang isang babaeng nagpakilalang si Belinda. Kakambal daw ito ng yumaong ina ng batabata. Sa madaling salita ay tiyahin nito si Belinda.

“Kumusta na po si Mary?” may pag-aalalang tanong ni Belinda sa imbestigador na humahawak ng kaso.

“Dinala na namin siya sa pinakamalapit na ospital kasama ang mga kawani ng DSWD. Kailangang ma-medical ng bata,” sagot naman ng pulis.

Nasapo ni Belinda ang kaniyang noo at galit na nilingon ang noon ay nakatayo lamang na bayaw habang kayakap ang bagong asawa nito.

Advertisement

“Ikaw! Sigurado akong ikaw ang may gawa nʼyon kay Mary! Ikaw ang nananakit sa pamangkin ko. Siguro, ayaw mo sa kaniya, ano? Dahil hadlang siya sa atensyong gusto mong makuha diyan sa bayaw ko?!” mariing pambibintang pa ni Belinda kay Hazel.

“Mag-ingat ka sa sinasabi mo, Belinda. Kauuwi lang namin galing sa bakasyon kahapon at kaninaʼy pumasok na kami nang maaga sa trabaho. Ibinilin namin si Mary kay mama, na ngayon ay isinama na ng pulisya sa prisinto upang imbestigahan!” depensa naman ni Ruel na siyang bayaw ni Belinda. Ang tinutukoy nitong mama ay ang ina ni Belinda at ng dating asawa.

“Hindi ako naniniwala! Hindi mo naman palaging kasama ang asawa mong ʼyan, Ruel! Malay mo ba kung pumupuslit ʼyan sa trabaho para lang umuwi at saktan ang pamangkin ko? Mag-isip ka nga! Siya lang ang may motibong gawin ʼyon!” giit pa ni Belinda. Paanoʼy alam naman ng lahat na hindi pa ganoon kaganda ang relasyon ni Mary at Hazel. Dahil bata pa ay mailap si Mary sa madrasta.

Hindi na nakasagot pa si Ruel, habang si Hazel naman ay tahimik pa ring nag-iisip tungkol sa kalagayan ng batang si Mary. Ang totoo ay wala siyang pakialam sa ibinibintang sa kaniya ni Belinda, dahil alam niya naman sa sarili niyang hindi iyon totoo. Ang ikinababahala niya ay baka kung mapaano ang kaniyang anak-anakan. Kahit kasi hindi naman ito sa kaniya nanggaling ay mabilis namang napamahal siya sa batang si Mary kahit na napakailap nito.

“Hindi totoo ʼyan!”

Nagkunutan ang kanilang mga noo.

Nilingon ng lahat ang kapapasok lamang na isang matanda. Si Aling Mandeng. Kilala ito bilang isa sa pinaka-tsismosa sa kanilang lugar. Binansagan na nga itong isang “Human CCTV” dahil sa kakayahan niyang matiyagan ang karamihan ng mga nangyayari sa kaniyang paligid.

“Hindi totoong si Hazel ang nananakit sa batang si Mary kundi ikaw! Kitang-kita ng dalawa kong mata kung paano mo halos ibaon ang mga kuko mo sa braso ni Mary! Napakasama mo!” bulalas ni Aling Mandeng na agad namang ikinagulat din ng lahat.

Advertisement

“Ano?! Paano mo papatunayan ʼyang sinabi mo? Ngayon lang ako pumunta rito!” pagdedepensa naman ni Belinda ngunit wala na siyang nagawa pa nang maglabas bigla si Aling Mandeng ng cellphone kung saan anitoʼy naroon ang video ng pananakit ni Belinda kay Mary.

Napatakip na lang ng bibig si Hazel sa sama ng loob at hindi niya napigulang mapahagulhol nang dahil sa matinding awang nararamdman niya para sa itinuturing na niyang anak. Napuno ng galit ang kaniyang dibdib nang malamang si Ruel pala ang dahilan ni Belinda kaya nito ginawa iyon kay Mary.

Gusto ni Belinda si Ruel, ngunit isang malaking hadlang si Mary sa kaniya dahil hayagang sinasabi ng bata na si Hazel na ang bagong asawa ng kaniyang ama. Doon napikon si Belinda kaya naman nasaktan niya si Mary.

Sa huli ay nabigyang hustisya ang nangyari kay Mary at ganoon na lamang ang pagsisisi ni Hazel at Ruel na iniwan nila si Mary para sa trabaho. Dahil doon ay nagpasya si Hazel na magre-resign na lamang sa trabaho upang maalagaang nabuti ang kanilang anak.

Salamat sa human CCTV na si Aling Mandeng at nagkaroon siya ng magandang nagawa para sa bata.