Kumapit sa Patalim ang Mag-asawa Upang Kumita ng Salapi Para sa Anak na May Sakit; Ito Pala ang Magiging Dahilan Upang Mawasak ang Kanilang Pamilya
Palakad-lakad si Esmie habang nakatambay sa tapat ng overpass, 9:00 ng gabi. Hindi siya mapakali. Naiihi na siya subalit ayaw niyang umalis. Baka lumagpas ang customer sa tapat na iyon. Hindi maaaring maagawan siya sa pambubu*gaw.
Maya-maya, isang napakagarang itim na kotse ang huminto. Nakiramdam si Esmie. Mukhang siya ang pakay. Hindi nga siya nagkamali. Bumaba ang bintana sa gawing driver at kumumpas ang kamay nito. Tinatawag siya at pinapalapit.
Nagpalingon-lingon naman si Esmie. Tiningnan kung may makakakita sa kanila. Nang matiyak na wala, atubili siyang lumapit.
“Sir ano pong hanap? Babae o lalaki?” tanong ni Esmie. Mukhang mayaman ang lalaki dahil sa gintong relo nito subalit saksakan ng pangit ang mukha.
“Lalaki. Gusto ko malaki ah…” tugon nito.
“Sige lang boss. Meron po tayo. 3000 po,” sabi ni Esmie.
“Mahal naman. 2,000 lang budget ko,” angal ng lalaki.
“Naku sir mabubulunan ka rito. Garantisadong magaling sa kama. Guwapo pa,” sabi ni Esmie sabay turo sa isang lalaking nakatambay sa kabilang kanto.
“Hmm, guwapo nga. Sige, 2500. Last na iyan. Kung ayaw mo, ba-bye na.”
“Sige boss okay na iyan. Tawagin ko na po,” sabi ni Esmie. Nagpaalam siya saglit at pinuntahan ang lalaki.
“Pumayag na. 2,500. Galingan mo ah. May pambili na tayo ng gatas ni Junior,” paalala ni Esmie sa lalaki, na mister niya pala.
“Hayop ka, Esmie. Pati ako dinamay mo sa ganito. Porke’t natanggal ako sa trabaho, ginaganito mo na ako. Paano kung ayoko? Nandidiri ako. Hindi ako pumapatol sa kapwa ko lalaki,” sabi ng mister ni Esmie na nagngangalang Gardo.
“Hindi ba’t nag-usap na tayo sa bagay na ito? Gagawin lang natin ito para kay Junior. May sakit ang anak natin, Gardo. Nagkataon lang na lalaki ang hanap niya. Kung babae ang hanap niya ako naman ang magpapa-pick up eh. Sige na. Lumapit ka na roon. Tiyakin mong makukuha mo ang bayad ah bago ka umalis. At… gumamit ka ng proteksyon,” paalala ni Esmie.
Walang nagawa si Gardo kundi umalis. Lumapit naman kaagad ito sa customer. Abot-tainga ang ngiti nito. Sumakay na si Gardo sa harapan. Sa isang iglap, umandar na ang kotse paalis.
Habang tinitingnan ni Esmie ang mister na sumasakay sa kotse ng iba, hindi niya maiwasang makadama ng kalungkutan. Hindi niya gusto ang trabahong ito. Matagal na niya itong iniwan.
Nagkakilala sila ni Gardo sa isang bar. Ito ang nagligtas sa kaniya sa ganoong trabaho. Subalit walang-wala na silang pamimilian ngayon. May sakit ang kaisa-isa nilang anak na si Junior. Kapit sa patalim. Pumayag si Gardo alang-alang sa anak.
Agad na umuwi si Esmie dahil pinaalagaan lamang niya ang anak sa kapitbahay. Magdamag na hindi nakatulog si Esmie. Napakaraming aalalahanin ang pumapasok sa kaniyang isipan. At isa pa, hihintayin niya ang pagbabalik ng mister.
Hindi namalayan ni Esmie na nakatulog na pala siya. Paggising niya, alas siyete na. Wala pa si Gardo. Umiiyak na si Junior.
“Ano kayang nangyari doon?” nag-aalalang usal sa sarili ni Esmie. Minabuti niyang buksan ang telebisyon upang manood at malibang. Pang-umagang balita ang nabungaran niya.
“Isang lalaki ang kinuyog ng mga hotel bell boy at dinakip ng pulisya matapos pa*tayin ang kasamang lalaki sa motel…”
Naibagsak ni Esmie ang hawak na plato sa sahig. Ang lalaki ay walang iba kundi si Gardo. Tila nagdilim ang kaniyang daigdig. Pinakinggan niyang mabuti kung saang presinto dinala ang kaniyang asawa.
Halos maiyak si Esmie nang makita ang kaawa-awang mister na bugbog-sarado at nakakulong sa piitan. Lumuluhang nilapitan niya ito.
“A-anong nangyari, Gardo? Bakit ka nagkaganyan?” naninikip ang dibdib na usisa ni Esmie sa kaniyang mister.
“H-hindi ko kaya ang pinapagawa niya. Nagdilim ang paningin ko, Esmie. Napagbuhatan ko siya ng kamay at napat*y ko siya. Napat*ay ko siya! Hindi ko sinasadya. Hindi ko ito ginusto,” umiiyak na sabi ni Gardo.
Sising-sisi sa mga nangyari si Esmie. Siya ang naging dahilan kung bakit pinasok ng asawa ang isang gawaing hindi nito masikmura. Maimpluwensiya pala ang lalaking napaslang ng asawa, at nakagugulat na may sarili pala itong pamilya. Kahit na nagmakaawa pa si Esmie, hindi ito pinalagpas ng misis
Tuluyang nakulong si Gardo sa kasalanang ginawa. Mag-isang itinaguyod ni Esmie si Junior sa pamamagitan ng pagtitinda ng mga lutong-ulam. Pangako niya sa kaniyang sarili, hinding-hindi na niya babalikan ang uri ng trabahong nagpahamak at nagsadlak sa dusa sa kaniyang asawa.