Inday TrendingInday Trending
Hindi Naging Maganda ang Naging Relasyon ng Dalagang Nurse sa Kaniyang Lolo na Nag-alaga at Nagpaaral sa Kaniya Hanggang sa Ito ay Pumanaw; Nakahanap Siya ng Ibang Paraan Upang Makabawi Rito

Hindi Naging Maganda ang Naging Relasyon ng Dalagang Nurse sa Kaniyang Lolo na Nag-alaga at Nagpaaral sa Kaniya Hanggang sa Ito ay Pumanaw; Nakahanap Siya ng Ibang Paraan Upang Makabawi Rito

“Nurse Jane, ikaw nang bahala doon sa pasyente ah. Medyo masungit kasi…” utos ng head nurse kay Jane. Ibinigay nito ang medical records ng pasyente. Isang 68 taong gulang na lolo na nagda-dialysis.

Bumadha ang lungkot sa mga mata ni Nurse Jane nang maalala ang kaniyang sariling lolo na nagpalaki sa kaniya, at naging dahilan kung bakit siya nakatapos ng pag-aaral. Ngunit aminado siyang hindi siya naging mabuting apo sa kaniyang lolo noong nabubuhay pa ito.

Madalas silang magtalo noong nabubuhay pa ito dahil may pagkasutil din talaga siya. Pakiramdam niya kasi, masyado na siyang marunong sa buhay, at ikinaiirita niya ang pagiging istrikto nito. Dumating pa sa puntong sinasaway na siya ng mismong mga kapitbahay kapag binubulyawan na niya ang kaniyang lolo.

Nang maka-graduate siya ng Nursing at magkatrabaho, pinili niyang bumukod. Pikit-mata, iniwan niyang mag-isa ang lolo niya. Hinayaan naman niyang alagaan ito ng mga pinsan niya, katwiran niya, sila naman ang mag-alaga sa kaniya, at pagkakataon na nito upang makasama ang iba pa niyang mga apo. Tiniis ni Jane ang pagpaparinig sa kaniya ng mga pinsan sa social media: wala raw siyang utang na loob bilang apo. Galit sa kaniya ang buong angkan dahil sa pang-aabandona niya umano sa matandang nag-aruga at nagpalaki sa kaniya.

Hanggang sa makatanggap siya ng balita na pumanaw na ang kaniyang lolo. Nakaramdam ng pagkalungkot si Jane dahil gustong-gusto man niyang dalawin ito, natatakot naman siya sa daratnan niyang galit ng kaniyang mga pinsan at tiyahin dahil sa kaniyang ginawa. Minabuti niyang hindi magpakita sa kanila hanggang sa maihatid ito sa huling hantungan.

Nagsisisi si Jane sa kaniyang ginawang pang-iiwan sa lolo niya, at walang araw na hindi siya kinakain ng kaniyang konsensya. Alam niya kung saang sementeryo nakalagak ang mga labi nito ngunit simula nang mailibing ito, hindi pa siya nagtangkang dumalaw.

“Hello po… kumusta po?” nakangiting pagbati ni Jane sa kaniyang pasyente, si Lolo Toleng. Nakasimangot ito sa kaniya nang makita siya.

“Sino ka?” matabang na tanong nito sa kaniya.

“Ako po si Nurse Jane, ako po ang nurse na naka-assign sa inyo,” magiliw na sabi ni Jane. Kahit na mukhang masungit ang matanda, hindi niya maipaliwanag kung bakit napakagaan ng pakiramdam niya rito.

“Bakit kailangan mo pa akong alagaan, eh mamam*tay rin naman ako. Iwan mo na ako. Gaya nang pang-iiwan sa akin ng mga anak ko. Wala na raw kasi akong silbi,” tila naiiyak na salaysay ni Lolo Toleng.

Nakaramdam ng kirot sa dibdib si Jane. Napakasama naman ng mga anak nito! Naisaloob niya.

“Huwag po kayong mag-alala ‘Tay, hinding-hindi ko po kayo iiwan. Hinding-hindi na po. Ako po ang magiging nurse ninyo araw-araw, at makakasiguro po kayo na nasa mabuti po kayong mga kamay,” pagtitiyak ni Jane.

Araw-araw, matiyagang sinusuri ni Jane ang kalagayan ng matanda. Bagama’t noong una ay masungit ito sa kaniya, sa pagdaan ng pagda-dialysis nito ay unti-unti na ring naging mabuti ang pakikitungo nito sa kaniya, hanggang sa nagsimula na itong magkuwento ng ilang mga detalye sa buhay niya.

“Ikaw, Ineng… nasaan ang pamilya mo?” minsan ay naitanong ni Lolo Toleng kay Jane.

“Kuwan po, ang lolo ko po na siyang nag-alaga sa akin ay pumanaw na po,” sagot ni Jane kay Lolo Toleng.

“Siguro ganito mo rin inalagaan ang lolo mo ‘no? Napakasuwerte naman niya. May mabait at maalaga siyang apo na gaya mo. Ako, iniwan ako ng aking mga anak matapos masaid ang pera ko dahil sa pagkalugi sa negosyo. Walang may gustong kumuha sa akin sa mga bahay nila para alagaan ako. Kaya heto, nag-iisa,” salaysay ni Lolo Toleng.

Nasaling ang damdamin ni Jane. Tuluyan siyang nilamon ng kaniyang konsensiya. Parang lolo niya ang nagsasalita sa katauhan ni Lolo Toleng.

“Ayaw nila sa pagiging istrikto ko. Binabastos nila ako na parang hindi nila ama. Samantalang wala naman akong inisip kundi ang kapakanan lamang nila. Hindi ko nga alam sa kanila. Mahal na mahal ko lamang sila…”

Hindi na napigilan ni Jane ang kaniyang sarili. Agad siyang nagpaalam kay Lolo Toleng at nagtatatakbo siya sa palikuran. Bumalong ang mga luhang kaytagal niyang tinimpi.

Kinabukasan, nagpaalam siya sa kaniyang head nurse. Kailangan muna niyang mag vacation leave ng isang linggo. Inaprubahan naman ito. May kailangan siyang puntahan. Nagpaalam din siya kay Lolo Toleng.

“Bilisan mo ineng ah… malulungkot ako,” bilin ni Lolo Toleng kay Jane.

“Opo. Babalik kaagad ako. May kailangan lang po akong ayusin,” pangako ni Jane kay Lolo Toleng.

Bumili siya ng mga kandila at pulumpon ng mga bulaklak. Nagtungo siya sa sementeryo kung saan naroon ang huling hantungan ng kaniyang lolo. Marahan niyang inilapag ang mga bulaklak at itinirik ang kandila.

“Patawarin po ninyo ako, lolo. Mahal na mahal ko po kayo… babawi po ako sa inyo. Pangako, aalagaan ko po ang mga pasyente ko na hindi ko nagawa sa inyo,” tumatangis na pangako ni Jane sa puntod ng kaniyang lolo.

Nakahinga nang maluwag si Jane. Subalit hindi pa lubusang masaya si Jane. May kailangan pa siyang gawin. Ginamit niya ang natitirang araw ng kaniyang sick leave upang dalawin ang kaniyang mga kaanak na nag-alaga sa kaniyang lolo, sa mga huling sandali nito. Titiisin niya ang lahat ng galit at paninisi sa kaniya. Haharapin niya ang mga ito.

Niyakap siya ng kaniyang mga pinsan at tiyahin nang makita siya. Wala na raw puwang sa kanila ang pagtatanim ng galit. Tila nakalaya ang pakiramdam ni Jane. Pakiramdam niya ay napatawad na siya ng kaniyang lolo. Higit sa lahat, napatawad na rin niya ang sarili.

Araw ng Sabado. Isang araw bago ang muli niyang pagbabalik sa trabaho, isang tawag ang natanggap niya mula sa kanilang head nurse.

“Jane, wala na ang alaga mong si Mang Tolentino. Hindi na siya nagising…”

Hindi makapaniwala si Jane sa kaniyang narinig. Agad siyang nagbihis at nagtungo sa ospital.

Sa harap ng kabaong ni Lolo Toleng, pangalawang pangako at pasasalamat ang kaniyang sinambit. Katulad ng pangako niya sa kaniyang lolo, ipagpapatuloy niya ang pag-aalaga at pagmamahal sa mga pasyente, lalo na sa mga nakatatanda. May espesyal na silang bahagi sa kaniyang puso. Pasasalamat, dahil naging instrumento si Lolo Toleng upang maipadama niya sa kaniyang lolo ang pagmamahal na hindi niya na naipadama rito.

Advertisement