Inday TrendingInday Trending
Nagyabang at Nagdamot ang Pamilya ng Babaeng Nagtatrabaho sa Abroad; Biglang Nawala ang Yabang Nila nang Umatake ang Karma

Nagyabang at Nagdamot ang Pamilya ng Babaeng Nagtatrabaho sa Abroad; Biglang Nawala ang Yabang Nila nang Umatake ang Karma

“Wow ang gandang motor niyan, ah!” manghang sabi ni Cherry sa kapatid na si Raymond.

“Siyempre, bigay ni mama ‘yan sa akin!”

“Buti ka pa, binigyan ng pambili ni mama ng motor. Ako kaya, kailan padadalhan ng pera na pambili ko ng bagong kompyuter?”

“Gumagana pa naman ang kompyuter mo, ‘di ba? Bakit mo kailangan ng bago?”

“Gusto ko ‘yung bago para magamit ko sa paglalaro,” nakangising sagot ng kapatid.

Dali-daling ipinamalita ng dalawa sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan ang pagkakaroon ni Raymond ng motorsiklo. Malaking pera kasi ang ipinadala ng kanilang ina na nagtatrabaho sa abroad.

Kung ipinagyayabang ng magkapatid ang regalong ibinigay ng ina, ipinagmamalaki naman ng kanilang ama na si Rodel ang mamahaling aircon na binili nito.

“Alam niyo, may aircon na kami sa bahay, isa sa sala, isa sa kwarto naming mag-asawa at dalawa sa kwarto ng mga anak namin. Hindi na namin kailangan ng mga pipitsuging bentilador na wala namang kahangin-hangin!” pagyayabang ng lalaki sa mga kaibigan.

“Napakasuwerte mo naman dahil mayroon kang asawa na nasa abroad. Sunod na sunod ang luho niyong mag-aama,” sabi ng isa niyang kasama.

“Talagang napakasuwerte namin kay Soraya. Maganda ang trabaho ng misis ko sa UAE kaya malaki rin siya kung kumita at magpadala rito,” tugon niya.

Bago matulog ay tinawagan ni Rodel ang asawa at hiniritan ito.

“Mahal ko, kumusta ka na riyan? Natanggap ko na ‘yung pera na ipinambili ko ng aircon. Tuwang-tuwa naman si Raymond dahil may motor na siya. Nangungulit naman si Cherry kung kailan ka magpapadala para pambili ng bago niyang kompyuter?”

“Hayaan mo at magpapadala ako sa susunod na araw para sa pambili ng kompyuter ni Cherry. Sabihin mo sa mga anak mo na mag-aral nang mabuti dahil hindi madaling kumita ng pera rito sa abroad!” paalala ng asawa.

“Alam mo, mahal, sa tingin ko’y hindi na nila kailangan pang mag-aral. Maaari mo naman silang ipetisyon para d’yan na rin sila makapagtrabaho. Para mas malaking pera ang pumasok sa pamilya natin,” hayag ng lalaki.

“Di bale at pag-iisipan ko ‘yan, mahal.”

Pagkalipas ng isang linggo ay nagkaroon sila ng mga ‘di inaasahang bisita. Dumalaw sa kanila ang dalagang inang kapatid ng kaniyang asawa na si Solita kasama ang dalawa nitong anak. Sinabi na makikituloy muna sa kanila ang mag-iina. Pinalayas daw ang mga ito sa inuupahang apartment dahil hindi nakapagbayad agad ng renta.

“Pasensiya ka na, bayaw. Isang linggo lang naman kaming makikitira rito sa inyo. Dadalhin ko rin ang mga anak ko sa probinsya para mabantayan ng mga tiyahin ko roon. Ako naman ay magsisimula nang magtrabaho sa Pasig. Stay in ako roon,” sabi ng babae.

“Ano pa ba’ng magagawa ko, pero dito kayo matutulog sa sala, ha? Hindi niyo rin puwedeng buksan ang aircon dahil nagtitipid kami sa kuryente. Bentilador lang ang maaari niyong gamitin,” wika ni Rodel sa hipag.

Naging matabang ang pakikitungo ng mag-aama sa mag-iina. Minsang nakisuyo ang anak na lalaki ni Solita kay Raymond na kung puwede itong maki-angkas sa motorsiklo nito para masubukang sumakay roon ngunit tumanggi ang binata na pagbigyan ang pinsan. Gayundin ang kapatid nitong babae na nakiusap kay Cherry na kung maaari ay makigamit ng kompyuter pero tinanggihan din ito ng dalaga.

Lumipas ang isang linggo at umalis na rin sa kanilang bahay ang mag-iina. Nagpatuloy naman ang pagiging mayabang ng mag-aama dahil sa mga ipinapadala ni Soraya ngunit isang araw, hindi magandang balita ang bumungad kay Rodel nang tawagan siya ng asawa.

“H-hello, mahal, b-baka hindi na ako makapagpadala ng pera sa inyo. Nagbawas ng mga empleyado sa pinapasukan kong opisina dahil nalulugi na ang kumpanya at isa ako sa mga nawalan ng trabaho, kaya babalik na ako sa Pilipinas para d’yan na lang ako maghahanap ng bagong trabaho. Tipirin ninyo ang pera na huli kong ipinadala sa inyo,” malungkot na sabi ng babae.

Biglang nanlumo si Rodel sa ibinalita ng asawa. ‘Di nagtagal ay umuwi na si Soraya na walang naipong pera at baon na baon pa sa utang dahil sa panay ang padala niya noon sa kanila ng pera para sa mga luho nila. Dahil sa nahihirapang makahanap ng bagong trabaho si Soraya at wala rin namang trabaho si Rodel ay napilitan silang magbenta ng mga gamit sa bahay. Lulugu-lugo si Raymond dahil kasama sa mga ibinenta ay ang motorsiklo niya. Ipinagbili rin nila ang mga mamahaling aircon at kompyuter ni Cherry. Nahinto rin sa pag-aaral ang magkapatid. Ang pinagbentahan nila ng mga gamit ay kulang pa para pambayad sa mga utang ni Soraya, kaya ang dati nilang mariwasang pamumuhay ay naglaho na parang bula. Mas lalo silang nanlumo nang malaman nilang asensado na ang kapatid ni Soraya na si Solita. Na-promote ito sa pinagtatrabahuhang kumpanya sa Pasig at may mataas nang posisyon.

Nawala ang yabang ni Rodel at ng kaniyang mga anak nang biglang bumaliktad ang kanilang kapalaran. Hindi nila napaghandaan ang karma na dumating sa kanila.

Advertisement