Inday TrendingInday Trending
Ikinadismaya ng Babae ang Pagiging Kuripot ng Nobyo; May Inihanda Pala Itong Sorpresa sa Kaniya

Ikinadismaya ng Babae ang Pagiging Kuripot ng Nobyo; May Inihanda Pala Itong Sorpresa sa Kaniya

“Ikaw na talaga lucky girl ng taon. Biruin mo, napaka-guwapo na nga ng boyfriend mo, napakabait pa!” kantiyaw ng isa sa mga kaibigan ni Anna.

“Hindi lang boyfriend material, pang husband material din si Andrei,” saad pa ng isa pa.

“Tigilan niyo na nga ang pagpuri kay Andrei, mas lalo tuloy akong nai-inlove sa kaniya niyan, eh!” tugon niya.

Wala nang hahanapin pa si Anna sa nobyo niyang si Andrei, bukod sa mabait ang lalaki ay guwapung-guwapo pa ito. Kung tutuusin ay napagkakamalan itong artista sa unang tingin. Nang magpaulan ng kagandahang lalaki at kabaitan ay tila nasalo na lahat ni Andrei kaya maraming inggit na inggit sa kaniya. Ngunit sa kabila ng magagandang katangian nitong panloob at panlabas ay may ugali ito na minsan ay ikinadidismaya ni Anna. Napaka-kuripot kasi ng lalaki.

“Labs, bilhan mo naman ako ng hikaw, mukhang maganda ‘yung pares na ‘yon, o!” ingit niya sa nobyo habang namamasyal sila sa mall.

“Marami ka pa namang magagandang hikaw, labs. Saka na lang,” sagot nito.

“Okay, sige. Bilhan mo na lang ko bracelet. Ayun, mukhang mura lang ang isang’ yon!”

“Puro bracelet na nga ‘yang suot mo sa mga kamay mo. Next time na lang, labs!”

Napasimangot na lamang siya sa bawat pagtanggi ni Andrei sa mga ipinabibili niya. Wala silang ibang ginawa sa mall kundi ang kumain at manood ng sine kaya dismayado siya sa nobyo.

Maging sa espesyal na okasyon nilang magkasintahan ay nagawa siyang tipirin ng lalaki.

“Labs, anniversary natin ngayon, pero dito mo lang ako dinala sa fast food?!” gulat niyang tanong.

“Ayos naman dito, labs. Marami pa tayong makakain dito kasi mura ang mga pagkain kaysa sa mamahaling kainan pa tayo pumunta, ‘di ba?”

Napabuntong-hininga si Anna sa isinagot sa kaniya ng nobyo. Sinubukan pa rin niyang kontrolin ang sarili at nagpakahinahon.

“Labs, anniversary natin, pero wala ka man lang regalo sa akin? Binigyan mo nga ako ng bulaklak, tatlong pirasong rosas lang!”

Napakamot sa ulo ang lalaki.

“A, eh, sorry labs, nakalimutan ko. Babawi na lang ako sa iyo sa susunod na date natin.”

Imbes na maging masaya ang dinner date nilang dalawa ay mas lalong nainis si Anna. Habang kumakain sila ay hindi niya pinapansin si Andrei. Hindi na niya ito tinangka pa uli na kausapin. Hanggang sa inihatid siya nito sa bahay ay hindi niya ito iniimik. Masama ang loob niya dahil sa sobrang pagkakuripot nito.

Habang tumatagal ay mas tumitindi ang pagkadismaya niya kay Andrei lalo na kapag nahuhuli niya ito na may ka-text o tinatawagan sa cell phone nito. Ang ipinagtataka niya, palagi itong lumalayo sa kaniya kapag nagte-text o tumatawag ito sa cell phone na para bang may itinatago ito sa kaniya. Nagkaroon tuloy siya ng hinala na mayroon itong ibang babae.

“Walang hiya ka, Andrei! Kaya mo pala ako tinitipid ay dahil may ibang babae kang kinakalantari?” gigil na sabi ni Anna sa isip. “Humanda kayo ng babae mo kapag nahuli ko kayo sa akto!”

Isang araw ay palihim niyang sinundan ang nobyo dahil nahuli na naman niya itong may kausap sa cell phone. Bumubulung-bulong pa ang loko kaya nakatitiyak siyang may ginagawa itong kalokohan.

“Akala mo siguro ay hindi ko matutuklasan ang pambababae mo. Lagot kayo sa akin!”

Nakita niyang huminto ang kotse ni Andrei sa isang mamahaling restaurant.

“Ang walang hiya, sa mamahaling kainan pa talaga dinala ang babae niya, samantalang ako sa fast food lang? Manghihiram kayo ng mukha sa aso!” ngitngit niyang sabi habang naghihintay na makapasok ang nobyo sa loob ng restaurant.

Nang masiguro niyang nasa loob na si Andrei ay saka siya bumaba sa taxi na sinakyan niya papunta roon. Bago pumasok sa restaurant ay inayos muna niya ang sarili para naman hindi halatang stress siya kapag nakita siya ng taksil niyang nobyo at ng babae nito. Nang tuluyang makapasok sa loob ay agad niyang nakita na nakaupo sa pinakadulong upuan ang lalaki at tama ang hinala niya, may kausap nga itong babae. Maganda iyon at pormal ang pananamit. Nangigigil na nilapitan niya ang dalawa.

“Hi, nakakaistorbo ba ako sa inyo?” tanong niya sa nagtataray na boses.

Kitang-kita sa mukha ni Andrei at kasama nitong babae na nagulat ang mga ito sa pagdating niya.

“A-Anna? What are you doing here?”

“Ikaw ang dapat kong tanungin, labs. Ano’ng ginagawa mo rito? At sino ang babaeng ‘yan?”

“Wait, kung anuman ang iniisip mo ay kalimutan mo na. Let me explain,” tugon ng nobyo.

“Sige, Andrei, magpaliwanag ka. Ano’ng ginagawa mo sa mamahaling restaurant na ito na may kasama pang ibang babae? Kaya pala tinitipid mo ako dahil ginagastusan mo pala ang babaeng ‘yan? At ikaw babae, hindi mo ba alam na may girlfriend na ang lalaking ito?” duro niya sa nakaupong babae.

“I-I’m sorry miss, pero nagkakamali ka. May pinag-uusapan lang kami ni Mr. Velasco,” sagot nito sa kaniya.

“Labs, makinig ka muna kasi. Mali ang iniisip mo sa amin. Siya si Ms. Carlos, siya ang wedding coordinator natin. Siya ang palagi kong tine-text at tinatawagan. Nakipagkita ako sa kaniya para pag-usapan ang ating kasal. Ito sana ang sorpresa ko sa iyo, labs. Magpo-propose na sana ako sa iyo at yayayain na kitang magpakasal na tayo. Nagtitipid ako ‘di dahil sa hindi ko gustong ibigay ang mga gusto mo, nagtitipid ako kasi gusto kong mabigyan ka ng maganda at memorable na kasal. Gusto kong maging espesyal ang kasal natin,” hayag ng lalaki.

Hindi nakapagsalita si Anna sa ibinunyag ni Andrei. Sa mga sandaling iyon ay gusto niyang lumubog sa kaniyang kinatatayuan sa sobrang pagkapahiya. Wala siyang nagawa kundi ang umiyak na lang.

“S-sorry, sorry sa inyo, h-hindi ko alam. Pasensiya na kayo. Ang a-akala ko kasi…”

Nilapitan siya ni Andrei at niyakap nang mahigpit.

“It’s okay, labs. Tahan na! Alam mong hindi ko magagawang pagtaksilan ka dahil mahal na mahal kita. Nag-iisa ka lang dito sa puso ko,” sabi ng lalaki.

Natuloy ang kasal nina Anna at Andrei. Manghang-mangha si Anna dahil pinaghandaan talaga ng kaniyang asawa ang kanilang kasal. Ang akala niya ay basta kasal lang ‘yon, hindi niya inasahan na isa palang engrandeng kasal ang inihanda sa kaniya ni Andrei. Mas lalo siyang namangha dahil bukod sa engrandeng kasal ay ipinakita rin nito sa kaniya ang kanilang dream house. Napakalaki niyon at napakaganda na para bang isang mansyon. Nakapagpundar din si Andrei ng negosyo na pamamahalaan nilang mag-asawa. Isa itong coffee shop na matagal ng plano ng lalaki na maitayo. Sa isip ni Anna ay hindi niya dapat na pinag-isipan ng masama ang mister. Hindi rin naman pala ito kuripot, naging masinop lang ito para sa kinabukasan nilang mag-asawa.

Advertisement