Naghahanap ng Ama ang Anak ng Babaeng May Pusong Lalaki; Mas Lalo Nitong Minahal ang Ina Nang Malaman ang Tungkol sa Ama
“Mama, bakit wala po akong papa?”
Ito ang paulit-ulit na tanong kay Elvie ng anak niyang si Aljur. Si Elvie ay babae na may pusong lalaki ngunit mayroon siyang napaka-cute na anak.
“A, eh, puwede rin naman akong maging papa mo, ‘di ba? Tawagin mo rin akong papa kung gusto mo, anak, tutal mukha naman akong lalaki,” sagot niya sa anak.
“Pero mama kita, eh. Ang gusto ko po ay papa!”
Napapakamot na lang sa ulo niya si Elvie sa tuwing tungkol sa ama ang topic ng anak.
Maging sa eskwelahan ay inuusisa rin ito ng mga kaklase.
“Ano ba talaga ang tawag mo sa mama mo? Mama o papa?” tanong ng isa niyang kaklase.
“Mama ko ‘yon!” tugon niya.
“Kung mama mo ‘yung palaging naghahatid at nagsusundo sa iyo rito, eh, sino ang papa mo? Bakit mukhang lalaki ang mama mo?” sabad pa ng isang bata.
Hindi na nakasagot pa si Aljur. Kahit siya ay naguguluhan na rin sa sitwasyon.
Pag-uwi niya sa bahay ay agad nitong kinausap ang ina.
“Mama, kinukulit ako ng mga kaklase ko. Bakit daw po mukha kayong lalaki? Sino daw po ang papa ko?”
Napabuntong-hininga na lang si Elvie sa tanong ng anak.
“Anak, kapag nagtanong pa sila kung bakit ako mukhang lalaki, ang sabihin mo kasi lesbi*yana ako, anak. Kapag tinanong ka naman kung sino ang papa mo, ang sabihin mo sa kanila ay ako rin ang papa mo. 2-in-1 kamo!” sagot niya rito.
“Wow, 2-in-1? Ang galing naman po, may mama na ako, may papa pa!” tuwang-tuwang sabi ni Aljur.
Napaluha naman si Elvie. Alam niyang nahihirapan sa sitwasyon nila ang anak ngunit balang-araw ay mauunawaan din nito ang lahat.
Matuling lumipas ang mga taon at ganap na binata na si Aljur. Nasa kolehiyo na ito at kumukuha ng kursong Fine Arts. Kahit nasa tamang edad na ay patuloy pa rin ang pagtatanong nito kay Elvie tungkol sa ama.
“Mama, bakit po ba wala akong papa? Nasaan po ang tunay kong ama?”
“Anak, hindi mo pa rin nakakalimutan ang tungkol diyan? ‘Di ba ang sabi ko sa iyo na ako ang mama at papa mo!”
“Alam ko po ‘yon, pero may karapatan po akong malaman kung bakit wala akong papa,” sagot ng binata.
“Ang mabuti pa, anak ay magbihis ka na at aalis tayo. Iseselebra natin ang pagiging Dean’s lister mo sa school!” nagmamadaling sabi ni Elvie.
Ang totoo’y sinadya niyang ibahin ang usapan para hindi na siya kulitin pa ng anak. Napailing na lamang si Aljur dahil nakagawa na naman ng dahilan ang ina para makaiwas ito sa tanong niya.
Sabado ng umaga at wala sa bahay ang kaniyang ina. Sa isip ni Aljur ay oras na para alamin ang totoo. Pumasok siya sa kwarto ng ina at pinakialaman ang mga gamit nito hanggang sa matagpuan niya ang isang lumang diary. Nang buklatin niya at basahin ang nakasulat doon ay hindi niya naiwasang mapaluha.
Nalaman niya na nakapag-asawa pala ng lalaki ang mama niya at ang pangalan nito ay Juancho. Niligawan ng lalaki ang mama niya at pinangakuan ng kasal. Dahil gusto ng mama niya na magkaroon ng sariling anak, magka-pamilya at magkaroon ng normal na buhay ay sumama ito at nakisama sa lalaki. Siya ang naging bunga nang pagniniig ng dalawa. Ngunit hindi naman pinakasalan ng lalaki ang kaniyang ina. Isa pala itong sad*ista at palaging binubu*gbog ang mama niya, pagkatapos ay nagkaroon pa ito ng relasyon sa ibang babae kaya iniwan silang mag-ina. Hinanap ng kaniyang ina ang ama ngunit sinadya ng lalaki na hindi magpakita sa kanila. Mula noon ay mag-isa siyang itinaguyod ng ina. Ginawa nitong araw ang gabi mabigyan lang siya ng magandang kinabukasan.
‘Di niya namalayan na dumating na pala ang ina at nakita nitong binabasa niya ang diary nito.
“A-anak?”
“Kaya po pala ayaw niyong sagutin kung bakit wala akong papa. Ayaw na po pala niyang magpahanap. Maraming salamat po, mama kasi ikaw ang tumayong ina at ama sa akin. Tama pala ang sinabi mo na two in one ka. I love you, mama!”
“I love you rin, anak!”
Niyakap nang mahigpit ni Aljur ang ina. Napaiyak na rin si Elvie. Nalaman man ng anak ang totoong nangyari, hindi pa rin nagbago ang pagtingin at pagmamahal nito sa kaniya. Mas humanga at mas minahal pa siya ni Aljur dahil sa ginawa niyang sakripisyo bilang magulang.
Malinaw na kay Aljur ang sitwasyon nilang mag-ina. Para sa kaniya, hindi na niya kailangan pa ng isang ama dahil ang pagmamahal sa kaniya ng ina ay sapat na dahil iyon ay walang katulad.