Nais ng Dalaga ng mas Malaking Sahod dahil Magulang Niya ang May-ari ng Klinika, Sagot Nga Kaya ang Paglipat sa Iba Para sa Malaking Pera?
“Pinag-aral lang naman nila ako para masabi na hindi nila ako pinabayaan kahit na anak nila ako sa labas. Ano bang laban ng anak sa labas na tulad ko?!” hinaing ni Jemma sa kaniyang kaibigan.
“E ‘di kausapin mo nang maayos ang daddy mo, baka naman kasi may pinagkakagastusan din sila kaya ‘di ka nila mabigyan ng malaking pera,” sagot ni April sa kaibigan.
“Diyos ko naman, April! May lisensya na ako at sa aking kliyente ‘yun, ako ang maghahawak ng ngipin nun kaya dapat bigyan naman nila ako ng mas malaki. Anak naman ako, hindi naman ako regular na doktor lang nila,” baling pang muli ni Jemma.
“Pero bakit ba ako nagagalit pa, e, alam ko na rin naman ang punta nito. Hindi rin naman papayag ‘yung asawa niya kasi ‘yun ang may-ari ng punyet*ng clinic nila!” dagdag pang saad nito saka kinain ang cake sa kanilang mesa.
Anak sa labas si Jemma ng kaniyang ama at sa kasamaang palad ay pumanaw ang kaniyang ina noong isinilang siya kaya naman kinupkop siya ng pamilya ng kaniyang tatay. Ngunit katulad ng marami, hindi siya nakaramdam ng pagmamahal ng isang tunay na magulang. Laking pasasalamat na lamang niya na pinagtapos siya ng kaniyang tatay sa kurso ng pagiging dentista at ngayon ay nagtratrabaho na rin sa klinika nila.
“Kausapin mo pa rin ang daddy mo, sabihin mo kailangan mo ng pera,” suhestyon pang muli ni April sa kaibigan.
“Hindi na, aalis na lang ako sa clinic nila at magtra-trabaho ako sa iba. Baka doon ay mas malaki pa ang kitain ko! Isa pa, manghihingi na lang ako sa tita ko na nasa ibang bansa. Paborito naman ako nun kahit anak ako sa labas,” dali-daling sagot ni Jemma saka kinuha ang telepono upang kausapin ang kaniyang tiyahin.
“Tita Marivic! Tulungan mo naman ako, aalis na ako sa clinic nila daddy, magtra-trabaho na lang ako sa iba,” umiiyak kunwari na pahayag ng dalaga sa kaniyang tiyahin.
Wala pang sampung minuto ay sumagot kaagad sa chat ang kausap nito.
“Bakit? Nag-away ba kayo?” tanong ni Aling Marivic sa kaniya.
“Hindi naman, kailangan ko lang ng pera kasi gusto ko na umalis sa poder nila. Tutal ay tapos naman na ang responsibilidad nila sa akin. Pakiramdam ko kasi ay hindi ako nababayaran ng tama sa clinic nila. Ayaw ko man po magtunog mayabang pero may lisensya na ako at anak pa ako, ano ba ‘yung mas malaki ng kaunti ang ibigay sa aking pera?” himutok nito sa kausap.
“Alam mo, sa tingin ko, kailangan niyong mag-usap ng tatay mo. Hindi ako maaring manghimasok sa ngayon,” seryosong sagot ng kaniyang Tita Marivic at hindi na muli ito nag-online pa. Nagtataka naman si Jemma sa sagot ng kaniyang tiyahin, kadalasan kasi ay sinusuportahan at ibinibigay noon ang gusto niya. Kaya naman sa kagustuhan niyang kumita ng pera at makaalis na sa poder ng kaniyang kinalakihang pamilya ay napagdesisyunan niyang kausapin ang kaniyang ama.
“Pa, aalis na ako sa clinic na ‘to,” diretsong pahayag ng dalaga.
Sandaling tinignan ni Gener ang kanyang anak bago ito nagsalita.
“Bakit, may problema ba?” ani ng kaniyang ama.
“Wala naman, gusto ko lang bumukod. Gusto ko lang kumita ng sariling pera ko. Pakiramdam ko kasi rito ay normal na empleyado lamang ang tingin niyo sa akin. Parang ang sakit lang kasi anak niyo naman ako, ano ba ‘yung mas mataas ng kaunti ang sahod ko o ‘di kaya naman mas malaking bonus?” paliwanag ni Jemma sa kanyang ama.
“Alam mo, Jemma, nag-uumpisa ka pa lamang sa industriya ay nagrereklamo ka na. Hindi mo ba alam na halos lahat ng dentista ay sa ganyan nag-umpisa. Isa pa, kailan ba kita tinuring na hindi ko anak? Pera na lang ba talaga ng importante sa’yo ngayon?” malungkot na sagot ng kaniyang ama.
“Pero sige, kung iyan ang gusto mo. Maluwag ang pinto para umalis ka,” dagdag pa nito. Hindi na nakipagtalo pa si Jemma sa kaniyang ama at dali-daling umalis.
Bumukod na rin siya ng tirahan at nakisama sa bahay ng kaniyang mga kaibigan. Nakahanap din siya ng trabaho sa kaibigan naman ng kaniyang ama. Ngayon niya nararanasan ang hirap ng buhay dahil siya na ang lahat ng bumibili ng kaniyang pangangailangan.
“Doc Erwin, ang hirap pala kumita ng pera,” biglang wika ni Jemma habang naghuhugas ito ng kamay.
“Ikaw kasi, umalis ka pa sa clinic ng daddy mo. Kung kailan naman pumayag na ‘yung stepmother mo sa gusto niya,” sagot ni Doc Erwin sa kaniya.
“Alin pong gusto? Ang mawala ako sa poder nila?” mabilis na baling ng dalaga.
“Naku, hindi. Ang alam ko ay nag-aaral ka pa lang noon ay kinakantahan na ng daddy mo ang clinic na ibigay na lang sa’yo o ‘di naman kaya patayuan ka raw ng sarili mo para may negosyo ka na na sarili mo talaga. E kaso, umalis ka raw at gusto mo bumukod, mukhang hindi ka nakatiis sa maliit na kita,” siwalat naman ni Doc Erwin na siyang kausap niya.
Saglit na napahinto si Jemma sa kaniyang ginagawa at biglang sumakit ang kaniyang dibdib. Ngayon niya napatunayan at ngayon niya nakita na mahal pala talaga siya ng kaniyang ama. Siya ang nasilaw sa pera at hindi niya nakita ang pagmamalasakit at mga sakripisyo ng kaniyang ama. Sa pagpupumilit niyang hanapin ang pagmamahal na ninanais niya makamtam sa kaniyang magulang ay nakalimutan na niyang tingnan ang klase ng pagmamahal na binibigay sa kaniya ng mga ito.
Kaya naman umuwi siya kaagad upang humingi ng tawad sa kaniyang ama at bumalik siya sa pagtratrabaho sa sarili nilang klinika. Sa maliit na sahod ay mas lalo niyang nabigyan ng importansya ang pagsusumikap sa buhay. Mas nagkaroon din sila ng oras ng kaniyang ama at mas naging maagaan ang kanilang pagsasama.