Minsan Nang Nagkamali ang Dalaga Kaya Naman Nawalan ng Tiwala ang mga Magulang Nito sa Kaniya; Isang Trahedya ang Magpapamulat ng Kanilang mga Mata
“Ate congrats! Balita ko isa ka daw sa mga pinagpipilian sa mga e propromote bilang isa sa mga bagong manager ngayon sa kompanya niyo ah,” masayang pahayag ni Mina sa nakakatandang kapatid na si Trisha habang nasa hapagkainan sila isang gabi.
Napatingin naman agad si Trisha sa kanilang mga magulang. Hinihintay niya ang magiging reaksyon ng dalawa. Ayaw niya kasi sana munang ipaalam sa mga ito hanggang hindi pa sigurado. Hindi pa naman kasi kumpirmado at puro haka-haka pa lamang. Malaki nga naman ang tsansa niya pero ayaw niyang maghatid ng maling balita sa mga magulang niya. Hangga’t maaari ay ayaw niya nang dagdagan pa ang disappointment ng mga ito sa kaniya.
“Ah hin-“ gusto sanang linawin ng dalaga na hindi pa naman sigurado ng magsalita din ang kanilang ama.
“It’s about time. Matagal-tagal ka na ding nagtratrabaho sa kompanyang ‘yan. Paghusayan mo pa ang trabaho mo nang ikaw ang mapili,” walang emosyong pahayag ng kaniyang ama. Nababatid niyang utos iyon kaya napalunok na lamang siya.
“Don’t disappoint us again, Trisha. Alalahanin mo, may anak ka na kaya dapat ay pag-igihan mo ang trabaho mo para sa kinabukasan niyo ng anak mo,” dugtong pa ng kanilang ina.
“Opo,” maikling sagot ni Trisha sa kaniyang mga magulang.
Alam ni Trisha na tama ang kaniyang mga magulang. Kasalanan niya rin naman kung bakit ganun na lamang ka lamig ang trato ng mga ito sa kaniya. Wala na kasi siyang ibang dinala sa kanilang pamilya kundi kahihiyan.
Malaki ang ekspektasyon sa kaniya ng kaniyang mga magulang dahil siya ang panganay na anak ngunit binigo niya ang mga ito. Imbis na tuparin ang mga pangarap ng mga ito para sa kaniya ay nabuntis siya nang maaga. Hindi siya pinanagutan ng lalaki at lumabas pa ito ng bansa para takasan siya.
Isa siyang malaking kahihiyan sa kaniyang mga magulang. Ngunit kahit nadapa man siya nang bongga ay ginawa niya naman ang lahat para makaahon sa kaniyang pagkakamali. Nakapagtapos pa rin siya at patuloy na nagsusumikap.
Pero alam niyang walang kapatawaran ang kaniyang kasalanan. Tuluyan nang nawalan ng tiwala sa kaniya ang kaniyang mga magulang. Halos wala na ring makita ang mga ito kundi ang mga pagkukulang at mga pagkakamali niya.
“Okay Trisha, galingan natin ngayon sa trabaho. You can’t afford to lose,” sambit pa ng dalaga sa sarili. Kailangan niyang bumawi sa mga magulang niya.
Mas pinaghusayan pa ni Trisha ang kaniyang trabaho ngunit taliwas sa kaniyang inaasahan ay hindi siya ang napili bilang bagong manager. Pakiramdam ng dalaga ay gumuho ang kaniyang mundo ng malaman ang balita. Ano na lamang ngayon ang sasabihin niya sa kaniyang mga magulang?
Halos lumuwa na sa dibdib ni Trisha ang kaniyang puso sa sobrang lakas ng kabog nito.
“Kumusta pala ang promotion mo, Trisha? May napili na ba ang kompanya niyo bilang bagong manager?” tanong ng kaniyang ama sa kaniya. Napalunok muna ang dalaga bago sumagot sa ama.
“Opo Dad. Hindi po ako ang napili. Sorry po,” kitang-kita niya sa mga mata ng ama ang disappoint pagkatapos niyang bigkasin ang mga salitang iyon.
“Kahit kailan talaga ay napakawala mong kwentang bata ka. Isang napaka simpleng promotion hindi mo pa makuha-kuha. Puro kahihiyan lang ba talaga ang kaya mong dalhin sa pamilyang ito ha?” hindi na napigilan pa ng dalaga ang sariling mga luha sa narinig sa ama. Hinanda niya na ang kaniyang sarili sa mga masasakit na salita mula rito ngunit masakit pa rin talaga.
“I’m sorry Dad,” luhaang paghingi niya ng patawad sa ama.
“Sorry? Puro ka sorry. Puro ka salita. Patunayan mo naman iyang mga salitang lumalabas sa bibig mo. Hindi ka namin binuhay ng mama mo para maging ganyan lang! Umayos ka namang bata ka!” Unti-unti ng lumalakas ang boses ng kaniyang ama. Bawat salita nito ay para bang patalim sa puso ng dalaga.
“Edi sana hindi niyo nalang ako binuhay! Alam kong nagkamali ako. Alam kong binigyan ko kayo ng kahihiyan, pero ilang beses na ba ako humingi ng tawad? I’m trying naman ‘di po ba? Hindi niyo ba nakikita ‘yun? Bakit ba yung mga mali ko nalang yung nakikita ninyo ha? Alam kong nagkasala ako pero anak niyo ako! Matuto naman po kayong magpatawad!” Hindi na nakayanan pa hi Trisha ang emosyong ilang taon niyang inipon sa kaniyang dibdib. BIgla na lamang itong sumabog kaya nasabi niya ang mga salitang iyon sa kaniyang mga magulang.
Puno ng hinanakit ang mga luhaang mata ni Trisha. Nagtatalo ang kaniyang damdamin. Sobra siyang nasasaktan. Hindi na nakayanan ng dalaga kaya bigla siyang tumakbo sa labas ng kanilang bahay. Gusto niyang tumakbo palayo sa kaniyang mga magulang. Gusto niyang takbuhan ang lahat ng sakit.
Nanlalabo man ang mga mata dahil sa walang tigil na luha ay patuloy na tumabko ang dalaga. Hindi niya napansin ang rumaragasang sasakyan sa kaniyang harapan.
“Anak, patawarin mo kami. Imulat mo lamang ang iyong mga mata ay pangakong babawi kami sa’yo ng Dad mo. Huwag mo kaming iiwan,” humihikbing paki-usap ng ina ni Trisha sa walang malay na dalagang nakaratay sa kama ng hospital.
Ilang araw ng walang malay ang dalaga. Malakas ang naging tama sa ulo nang mabunggo ang dalaga ng sasakyan. Ito ang naging dahilan ng pagka-coma ni Trisha.
Walang tigil sa pag-iyak ang ina ng dalaga simula ng malaman ang kalagayan ng anak. Puno ng pagsisisi ang mag-asawa ng mapagtanto nila ang naging pagtrato nila sa anak. Labis lamang silang nasaktan sa ginawa ng anak kaya naman nagawa nila iyon. Mahal na mahal nila si Trisha kaya naman labis silang nasaktan ng biguin sila ng anak.
Ngunit simula ng na-aksidente ang anak ay walang tigil silang mag-asawa sa pagmamakaawa sa Diyos na sagipin ang kanilang anak. Handa silang gawin ang lahat huwag lamang kunin sa kanila ang dalaga.
Sadyang mabait nga naman talaga ang ating Panginoon dahil matapos ang isang linggo ay nagising nga si Trisha.
“Anak! Diyos ko! Maraming salamat po!” paulit-ulit na pahayag ng mga magulang ng dalaga.
“Ma? Dad?” Tawag ni Trisha sa kaniyang mga magulang.
“Anak, salamat sa Diyos at nagising ka na! Patawarin mo kami anak. Pangako namin sa’yo na babawi kami sa’yo ng Dad mo,” luhaang sagot ng ina niya sa kaniya. Hinawakan naman ng kaniyang ama ang kaniyang kamay.
“Patawarin mo ako, anak. Nasaktan lang din kami ng mama mo. Pero gusto naming malaman mo na mahal na mahal ka namin. Kailanman ay hindi nagbago yun, at kailanman ay hindi magbabago yun,” agad na tumulo ang mga luha sa mga mata ni Trisha. Napatango na lamang siya sa sinabi ng kaniyang ama.
Pumikit si Trisha at tahimik na nagpasalamat sa Diyos sa pangalawa niyang buhay. Ipinangako niya sa sarili na hindi niya sasayangin ang pangalawang buhay na ibinigay sa kaniya ng Diyos.
Pagkalipas lang ng ilang araw ay pinayagan nang umuwi si Trisha sa kanila. Gaya rin ng pangako ng kaniyang mga magulang ay bumawi ang mga ito sa kaniya. Akala ni Trisha ay hindi na sila babalik pa sa masayang pamilya kagaya ng mga panahon bago siya nagkamali sa buhay. Nagpapasalamat siyang hindi siya agad bumitaw kung hindi ay hindi niya mararanasan ang sayang kaniyang tinatamasa sa ngayon.
Tunay ngang lahat ng problema ay natatapos din. Huwag ka lamang bibitiw at balang araw ay sasaya ka rin.