Natanggal sa Trabaho ang Binata Dahil Parati Raw Itong Nagmamagaling; Makalipas ang Ilang Taon, Laking Gulat ng Lahat nang Makita Siyang Muli
“Ano na naman ba ang ginawa mo ha, Andrew?!” malakas na sigaw ng kaniyang boss sa binata. Napatungo na lamang si Andrew.
Alam ng binata na pinagtitinginan na naman siya ng kaniyang mga kasamahan sa trabaho. Madalas kasi itong mangyari sa kaniya. Madalas siyang masigawan at mapagalitan ng kanilang boss sa trabaho.
“Ang sinabi ko, follow the rules! Wala kang ibang gagawin ‘di ba? Sundin mo lang kung ano ang inutos sa’yo! Pero ano na naman ang ginawa mo? Nagmagaling ka na naman! Kaya ayan, mawawalan na naman ata tayo ng kliyente dahil sa’yo!” halos pumutok na ang ugat sa leeg ng boss ni Andrew sa kasisigaw.
“Pasensiya na po sir, inayos ko lang naman po kasi yung…” sagot ni Andrew na hindi na natapos dahil muling sumigaw na naman ang kaniyang boss.
“Inayos?! Inayos?! Akala mo talaga kung sino kang magaling ano? O sige tutal magaling ka naman, edi sige magtayo ka ng sarili mong negosyo nang ikaw parati ang nasusunod! You’re fired!” malakas na sigaw ng lalaki habang nakaturo sa pinto kung saan pinapalabas ang binatang si Andrew.
Bagsak balikat namang sumunod ang binata at lumabas ng restaurant na pinagtratrabahuan. Ito pa naman ang unang restaurant na pinagtrabahuan niya simula ng makapagtapos siya ng kursong Hotel and Restaurant Management. Culinary dapat ang kukuning kurso ng binata dahil hilig niya talaga ang pagluluto ngunit dahil medyo kapos sa pera ay HRM na lamang ang kinuhang kurso nito. Kahit papaano ay nakapagluluto rin naman siya.
Ilang taon din siyang nagtrabaho sa restaurant na iyon kaya naman nalungkot talaga ang binata nang tanggalin siya sa trabaho ng kaniyang boss. Madalas nga naman siyang mag improvise kapag pakiramdam niya ay mas may maiaayos pa ang isang bagay. Gusto lang naman niyang makapagbigay ng mas masarap na pagkain at mas magandang serbisyo sa kanilang mga kliyente, ngunit hindi ito ang nakikita ng boss niya.
Nawalan nga naman sila ng isang malaking kliyente dahil sa kaniya, ngunit hindi naman siya parating palpak. Katunayan ay madalas silang mapuri dahil sa pag-iimprovise niya. Nang una ay madalas siyang purihin ng boss niya ngunit simula ng mawala sa kanila ang malaking kliyente dahil sa kaniya ay wala nang ibang nakita ang boss niya kundi ang mga mali niya, hanggang sa natanggal na nga siya sa trabaho.
Kasalukuyang naghahanap ng trabaho si Andrew ng binisita siya ng isang dating matalik na kaibigan. Nabalitaan kasi nito ang nangyari sa binata.
“Alam mo Andrew, mabuti nalang at wala ka na dun sa dati mong pinagtratrabahuan,” bahagyang nagulat pa ang binata sa sinabi ng kaibigan.
“Anong ibig mong sabihin Ciel? Buti na lang natanggal ako sa trabaho ganun?” medyo sarkastikong tanong ng binata sa kaibigan.
“Hindi, ano ba! Ang ibig kong sabihin, sayang kasi yung potential mo dun. Hindi ka nga maappreciate man lang ng boss mo. Sobrang talented mo kaya! Hindi ka deserve ng boss mo,” napatingin si Andrew sa kaibigan dahil sa sinabi nito.
“Talaga? Sa tingin mo talented ako?” nakangiting tanong ng binata sa kaibigan. Natawa naman ang dalaga.
“Oo nga, ang kulit nito. High school pa lang masarap ka na talagang magluto at napaka-creative mo din,” sagot pa nito sa kaniya.
“Alam ko na, mag start ka kaya ng sarili mong vlog? Gumawa ka ng mga videos tapos e post mo sa mga social media sites. Malay mo sumikat ka,” masiglang suhestiyon pa ng dalaga sa kaibigan.
“Tingin mo kaya ko? Hindi kaya madaling mag vlog,” nag-aalinlangan na sagot ni Andrew sa kaibigan.
“Oo naman, naniniwala ako sa’yo. At saka, ano pa at nandito ako ‘di ba? Tutulungan kitang mag set-up para sa vlog mo,” nakangiti at determinadong pahayag ng dalaga sa binata.
Sinubukan nga ni Andrew ang pag vlo-vlog. Ipinapakita niya sa mga video na ginagawa niya kung paano gawin ang mga masusustansya at masasarap na mga putahe sa pinakasimpleng paraan. Pati na rin ang mga recipe niya ng mga madadaling gawin na desserts. Marami din siyang mga tips para sa kaniyang mga taga panood kaya agad sumikat ang binata. Paano ba naman, kahit mga baguhan sa kusina ay agad natutoto sa kakanood ng vlog niya.
Naimbitahan si Andrew sa ilang tv shows bilang guest. Hindi din tumigil doon si Andrew. Nag-aral pa siya ng iba’t ibang klase ng pagluluto. Nagpatayo din siya ng sarili niyang restaurant at nag ooffer din siya ng catering services.
Talaga namang naging matagumpay si Andrew sa larangan ng pagluluto. Makalipas ang ilang taon ay makikita ang iba’t ibang branch ng restaurant ni Andrew hindi lamang sa Luzon kundi sa buong Pilipinas.
Humingi din ng paumanhin ang boss ni Andrew sa kaniya ng muling nagtagpo ang kanilang landas. Likas na mabait si Andrew kaya naman agad din niya itong pinatawad at nagkaroon pa nga sila ng ilang mga projects na naging mag business partners ang dalawa.
Sumikat man at naging matagumpay sa buhay si Andrew ay hindi niya naman kinalimutan ang kaniyang pinagmulan. Nanatili siyang mapagkumbaba at may mga programa din siya na tumutulong sa mga batang gaya niya ay mahal ang pagluluto.
Sa kasalukuyan ay mayroon siyang mahigit isang daan na mga iskolar. Ibinabahagi niya sa mga batang ito ang kaniyang mga pangarap at prinsipyo sa buhay. Gusto niyang maging instrumento para matupad ng mga batang ito ang kanilang mga pangarap. Nawa’y gaya niya ay maging matagumpay din sa buhay ang mga batang ito.