Ilang Araw nang Napapanaginipan ng Dalaga ang Malaking Kabinet sa Loob ng Dormitoryong Tinutuluyan, Laking Gulat Niya Nang Matuklasan Kung Ano ang Nasa Loob Nito
“Sa kabinet… nasa kabinet. Buksan mo ang kabinet,” bulong kay Myla ng isang tinig. Paulit-ulit lamang ang sinasabi ng tinig sa kaniya.
Dahan-dahan siyang naglakad patungo sa malaking kabinet na nasa sulok ng pinakadulong silid.
Alam niyang pinagbabawal ang pagpasok sa silid na ‘yun. Kabilin-bilinan iyon sa kanila ng matandang may-ari ng dormitoryong kaniyang tinutuluyan.
Nang malapit na siya sa malaking kabinet ay dahan-dahan niyang hinawakan ang magkabilang hawakan ng kabinet. Halos mabingi ang dalaga sa sobrang lakas ng kabog ng kaniyang dibdib. Sa wakas ay malalaman niya na kung ano nga ba ang naroroon sa misteryosong malaking kabinet na iyon.
“Hoy Myla! Gumising ka na, ano ba! Anong oras na oh, ‘di ba may exam ka pa ngayong umaga?” malakas na sigaw ng kasama sa kwarto ni Myla na si Seline.
“Naku! Oo nga. Maraming salamat sa paggising Seline,” pasasalamat ng dalaga sa kaibigan.
Agad-agad namang bumangon ang dalaga at naghanda para pumasok. Mabuti na lamang at ginising siya ng kaibigan kundi malalagot talaga siya pag nahuli siya lalo na ngayong may pagsusulit sila.
“Oh sige Myla, maaari ka nang umuwi. Mag-iingat ka sa daan at gabi na ha? Dalaga ka pa naman,” paalala ng boss ni Myla pagkatapos ng shift ng dalaga sa trabaho.
“Maraming salamat ho sir, mauuna na po ako,” magalang na paalam ng dalaga sa lalaki.
Gabi na kung umuwi si Myla sa kanilang dormitoryo sapagkat pagkatapos ng klase ay dumidiretso pa ito sa kaniyang mga part-time job. Hindi kasi pinanganak sa mayaman o sa may kayang pamilya ang dalaga, kaya naman kinakailangan niyang kumayod habang nag-aaral.
Mabuti na lamang at likas na masipag at matyaga ang dalaga. Pinipilit din ni Myla na maging positibo sa lahat ng oras upang siya ay hindi panghinaan ng loob.
Pagkauwi ng dalaga ay naglinis agad ito ng katawan at nakatulog agad sa sobrang pagod. Magpapahinga muna ng ilang oras at gigising maya-maya para mag-aral naman.
“Nasa kabinet… buksan mo ang kabinet…” bulong na naman ng isang tinig sa dalaga habang natutulog ito.
“Sino ka? Anong ang nasa kabinet?” lakas loob na tanong ni Myla sa tinig.
“Buksan mo ang kabinet…” tanging sagot sa kaniya ng tinig.
“Bakit? Ano ang nasa-“
Biglang napabangon sa kaniyang higaan si Myla ng may maramdamang kamay sa kaniyang balikat. Napatingin siya kay Seline na marahan pala siyang inaalog.
“Besh, nagsasalita ka na naman habang tulog,” paliwanag ng kaibigan sa kaniya. Napahilamos naman ni Myla ang kaniyang mga palad sa kaniyang mukha habang humihingal ng marahan. Mabilis pa rin ang tibok ng kaniyang puso.
“Yung babae na naman ba na gustong buksan mo yung malaking kabinet?” tanong ulit ni Seline sa kaibigan. Napatingin si Myla sa kaibigan at marahang tumango.
“Ilang buwan mo nang napapanaginipan. Baka may dapat ka talagang gawin para tumigil na ‘yan. Gusto mo bang samahan kita at tanungin natin ang may-ari kung ano nga ba ang laman ng kabinet nang matapos na ‘to at matahimik na tayo. Pati tuloy ako kay sobrang na cu-curious na dyan sa kabinet na ‘yan ha!” dugtong pa ng dalaga.
Kinabukasan ay naglakas loob ang dalawang dalaga na magtanong sa may-ari tungkol sa kabinet. Gaya ng kanilang inaasahan ay hindi sila pinahintulutan na buksan ang kabinet.
“Naku mga ineng, mga lumang gamit lamang ang laman ng kabinet na iyon. Kaya nga nakatago lamang siya sa pinakadulong silid na walang gumagamit dahil puro mga lumang mga gamit lamang ang laman nun. Hindi na rin magamit dahil luma na rin naman ang malaking kabinet na ‘yan. Hindi ko lang din matapon dahil bigay pa iyan sa akin ng aking mga magulang,” paliwanag sa kanila ng matanda.
“Naniniwala ka ba sa paliwanag ng may-ari?” tanong sa kaniya ng kaibigan.
“Hindi ko nga alam. Ayokong magduda pero kasi bakit niya tayo pagbabawalan kung mga lumang gamit lang naman ang laman ng kabinet na iyon ‘di ba?” sagot ng dalaga sa kaibigan.
“Alam ko na, silipin natin kung ano ang laman ng kabinet mamayang gabi pag tulog na ang lahat. Maaga namang natutulog ang may-ari,” suhestiyon ni Seline sa kaibigan.
Kinagabihan, gaya ng kanilang napag-usapan, habang tulog na ang lahat ay pinuntahan ng magkaibigan ang malaking kabinet.
“Sigurado na ba tayo sa gagawin na’tin?” kinakabahang tanong ni Myla sa kaibigan. Napalunok muna bago tumango sa kaibigan.
Kumakabog ang mga dibdib na hinawakan ng dalawa ang magkabilaang hawakan ng malaking kabinet para buksan ito.
“Anong ginagawa niyo rito? ‘Di ba sabi kong bawal pumasok dito?!” sigaw ng may-ari ng makita ang dalawang dalaga. Nabitawan naman ng dalawa ang hawakan ng kabinet sa gulat at napatingin sa may-ari.
“Naku, kayong mga bata kayo ang kukulit talaga ninyo! Sinabi ko na ngang mga lumang gamit lang ang laman niyang kabinet eh,” dugtong pa ng matanda nang hindi magsalita ang mga dalaga.
“Oh siya, para matahimik na kayong dalawa,” laking gulat ng dalawang dalaga ng biglang buksan ng matanda ang malaking kabinet. Gaya ng sinabi nito ay puro lumang gamit nga ang laman ng malaking kabinet.
“Pasensiya na po. Hindi na po mauulit,” sabay na paghingi ng pasensiya ng dalawa sa may-ari.
“Sana naman ngayon ay matahimik na kayong mga bata kayo. O siya at magsitulog na kayong pareho,” sambit pa ng matanda bago sila pinalabas ng kwarto.
Nang makabalik sa kanilang sariling kwarto ay napagdesisyunan ng dalawa na matulog na agad.
“Sa kabinet… nasa loob ng kabinet,” bulong ulit ng isang tinig kay Myla.
“Huwag kang maniwala sa kaniya. Buksan mo ang kabinet…” napabangon sa kaniyang higaan si Myla.
Mabilis na kumilos si Myla at natagpuan na lamang ng dalaga ang sarili sa harap ng malaking kabinet. Binuksan niya ito at tumambad sa kaniya ang napakaraming mga lumang gamit.
Tinitigan niya nang mabuti ang kabinet nang may mapansin siyang isang maliit na harang sa gilid. Hindi ito mapapansin kung hindi mo susuriin ng mabuti ang kabinet.
Sobrang lakas ng kabog ng dibdib ni Myla, malakas ang kutob niya na ito na ‘yun. Ito ang matagal ng binubulong sa kaniya ng babae sa kaniyang panaginip.
Nang magtagumpay siyang alisin ang harang ay halos mawalan ng kulay ang mukha ni Myla. Mga buto! Mga ban*gkay ang nasa loob ng harang. Isang ban*gkay ng babae at isang sanggol na hawak nito. Parehong may damit pa ang dalawang bungo kaya naman nalaman agad ng dalaga kung ano ang kasarian ng mga buto.
Nanginginig man ay agad na binalik ni Myla ang lahat sa ayos at agad-agad na bumalik sa kanilang kwarto. Mataimtim siyang nagdasal para sa kaluluwa ng mga bungo na nasa loob ng kabinet. Hindi muna siya nagsalita o nagkwento sa kaibigan. Natatakot siya na malaman ng may-ari na nalaman niya na ang sikreto nito.
Pagsapit ng liwanag ay nagpanggap si Myla na maayos ang lahat hanggang sa makalabas siya ng dormitoryo. Labis siyang nag-iingat dahil ayaw niyang makatunog ang may-ari na may nalalaman siya.
Nang makalabas ng dormitoryo ay agad siyang dumiretso sa pinakamalapit na istasyon ng pulis.
Ini-report niya ang kaniyang natuklasan at agad din namang rumesponde ang mga pulis at hinuli ang may-ari ng kanilang dormitoryo. Maayos ding inilibing ang mga bang*kay upang matahimik ang mga ito.
Napag-alaman nilang asawa pala ng may-ari ang bang*kay na nakatago sa malaking kabinet. Anak naman ng babae sa ibang lalaki ang hawak nitong sanggol. Ikinulong ng lalaki ang asawa’t sanggol sa kabinet hanggang sa bawian ng buhay ang dalawa.
Matagal na panahon ng nakatago doon ang mga bang*kay at nanatiling sikreto ng may-ari. Ang akala ng lahat ay iniwan ang lalaki ng asawa kasama ang inakalang anak nila dahil sa mahirap lamang noon ang lalaki. Walang naghinala sa krim*eng matagal na tinago ng lalaki. Isang kri*men na sa wakas ay nabigyan na din ng hustisya.
“Maraming salamat…” ‘yan ang huling mga salitang narinig ni Myla sa tinig na madalas bumulong sa kaniya sa kaniyang pagtulog.