Pilit Inilihim ng Dalaga ang Kaniyang Pakikipagrelasyon, Kaya’t nang Biglang Mabuntis ay Kaniya Ring Isinikreto; Grabeng Aral Pala ang Kaniyang Dadanasin
Fourth year high school si Jennifer nang nagsimula siyang magkaroon ng nobyo, si Rico. Nasanay siya sa relasyong patago at pasikreto. Dumarating din ang pagkakataon na tumatakas pa siya sa paaralan para lang makipag-date sa kasintahan.
Minsan, dahil sa sobrang higpit at istrikto ng magulang ay nagagawa na rin niyang magsinungaling para lang makipagkita sa kinababaliwang lalaki.
“Ano Jennifer? Nasaan ka na ba? Anong oras na wala ka pa!” text message ng nanay ni Jennifer.
“Mama, saglit na lang po. Nandito lang ako kila Francine. May inaasikaso lang kaming project bago mag exam,” pagsisinungaling naman ng dalagita.
“Sinasabi ko sa’yong bata ka, mabubuntis ka ng maaga sa kagaganyan mo. Kababae mong tao lagi kang nasa galaan!” mensahe muli ng ginang.
Nagpatuloy si Jennifer sa pamumuhay sa kasinungalingan hanggang sa makapagtapos ng hayskul. Ngunit, hindi sinasadyang nagkahiwalay sina Jennifer at Rico nang umuwi ang lalaki sa probinsiya.
Bakasyon noon, dala na rin siguro ng kabataan ang murang pag-iisip kaya’t nagkahiwalay ang dalawa nang mawalan ng komunikasyon buhat nang umalis ang lalaki pauwi sa probinsiya.
Dahil patago nga ang relasyon, patago rin namang iniiyak ni Jennifer ang sakit ng unang pagkabigo sa pag-ibig.
Unang araw ni Jennifer sa kolehiyo noon, kumuha siya ng kursong Hotel and Restaurant Management, nakapila siya sa may lobby ng building upang kunin ang biniling uniporme nang may biglang tumawag sa kaniya:
“Jennifer!”
Boses ng isang lalaki. Bahagya siyang lumingon minasdan ang lalaki.
“R-Rico?” ang ex-boyfriend niya. Doon din pala nag-aaral ang lalaki.
“Kumusta ka na? Long time no see ah?” pagbati ng lalaki.
“A-ayos naman. Anong course mo rito?” tanong naman ni Jennifer.
“IT ang kinuha kong kurso. Alam mo naman mahilig ako sa computer ‘di ba? HRM ka?” balik na tanong naman ng binata.
“Oo. Iyon ang pinakuha sa akin nila mama at papa e.”
“O siya! Mauna na ako ha? Ingat ka!” nakangiting paalam ni Rico. Ngumiti naman din ang dalaga at saka nagpaalam rin sa kaniya.
Paglipas ng halos ilang buwan, muling nagkabalikan sina Jennifer at Rico. Kagaya ng dati, sikreto at patago na naman ang kanilang naging relasyon. Masaya silang nagmamahalan at tila ba kanilang-kanila lamang ang mundo noon nang biglang magkaroon sila ng malaking problema.
Dahil mga kabataan pa, hindi maiaalis sa kanila ang pagiging mapusok sa mga bagay-bagay. Mas naging matimbang ang bugso ng damdamin at nakapasok ang temptasyon, sa huli’y dulot pala nito’y malaking pagkakamali.
First year, patapos pa lamang ang first semester noon, edad 16 si Jennifer nang malaman niyang buntis pala siya. Hindi niya malaman ang gagawin noon at gulong-gulo kaya’t nakipagkita agad sa nobyo.
“Rico, buntis ako. Nag pregnancy test ako kanina, positive. A- anong gagawin natin?” naluluhang tanong ng babae.
“Mahal na mahal kita, Jennifer. Kayo ng magiging anak natin. ‘Wag kang mag-alala, pagtutulungan natin ‘to ha?” tugon ng binata.
Buong akala ni Jennifer ay magagalit ito o sasabihing ipalaglag na lamang ang bata, ngunit ibang saya ang nakita niya sa mga ngiti at mata ng lalaki. Lalo na noong yumakap ito sa kaniya habang lumuluha.
Napangiti na lamang din ang dalaga sa tuwang nadarama. Masarap pala sa pakiramdam na alam mong masaya ang iyong kabiyak at ramdam na ramdam mo ang pagmamahal niya. Ngunit dala na rin ng labis na takot sa magulang, pati pagbubuntis ay pinili na rin itago ng dalaga.
Bumili siya ng girdle upang itago ang paglaki ng tiyan. Pati school uniform ay pinalakihan na rin niya upang mas lalong hindi mahalata.
Tuwing kinakailangan ng pangbuwanang pagkonsulta ay ginagamit ni Jennifer ang naipong allowance nila ng nobyo. Akala niya’y ayos na ang lahat sa kanila, pero akala lamang pala talaga niya ito.
“Babe, kakatapos lang naman ng semester, e plano ko sanang umuwi muna sa probinsiya. Kaso may problema e, wala kasing signal doon kaya medyo matagal akong hindi makakatawag o makakapagtext ha?” pagpapaalam ng lalaki.
“P-pero paano kami ni baby? Paano kita makakausap?” pag-aalala ng babae.
“Wag kang mag-alala at mag-isip masyado. Pag may pagkakataon, pipilitin ko na makapag-message at makatawag, okay? Saglit lamang iyon. Babalik din ako,” pagsiguro pa ng lalaki.
Tiniis ng babae ang ilang linggong walang komunikasyon sa kasintahan. Hanggang isang gabi, naisip ng babae na hanapin ang pangalan ng lalaki sa Facebook. Dalawang account na mayroong parehong picture ng lalaki ang nakita niya. Isang kaibigan at isang hindi.
Lumakas ang kaba sa kaniyang dibdib. Binuksan niya ang isang account at nanlaki ang mata sa nakita. ‘In a relationship’ ang lalaki sa ibang babae. Hindi lamang iyon, nanlumo siya nang makitang kapapanganak lang din ng babae ni Rico. Proud na proud pa ang lalaki na ipaskil ang larawan sa ibang Facebook account nito.
Paanong nangyari iyon? Bakit kailangan mangyari ng ganoong mga bagay? Ano na ang kaniyang gagawin? Litong-lito si Jennifer. Apat na buwan na siyang buntis nang madiskubre niya ang lahat.
Labis-labis na sakit ang kaniyang nadarama. Tila ba naliligaw siya at hindi na alam ang patutunguhan. Hindi na rin niya alam kung ano ang gagawin. Dala ng matinding pag-iisip at depresyon, naisipan niyang ipalaglag ang bata sa sinapupunan.
“Lumabas ka na diyan! Wala kang kwenta katulad ng ama mo! Ikaw lang ang magpapaalala sa akin ng mga kawalanghiyaan niya! Labas! Malaglag ka na!” sigaw ni Jennifer habang sinusuntok-suntok ang tiyan.
Ngunit kahit anong inom ng gamot o talon ni Jennifer ay matindi ang kapit ng bata. Natuloy pa rin ang kaniyang pagbubuntis.
Nang magpipitong buwan na, doon na napansin ng ina ng dalaga ang paglaki ng kaniyang tiyan.
“Anak, tumataba ka ata ah? Hinay-hinay sa pagkain. ‘Di ka naman buntis niyan ‘di ba?” biro pa ng ina ni Jennifer.
“H-hindi po, mama. Stressed lang po talaga ako sa pag-aaral,” nauutal na tugon naman ng dalaga.
Paulit-ulit man niyang itanggi ngunit lalabas at lalabas pa rin ang katotohanan. Hindi na niya maitago ang pagbubuntis at umamin na rin sa kaniyang magulang. Galit na galit ang mga ito.
“Iyan na nga ba! Iyan na nga ba ang sinasabi ko, Jennifer! Diyos ko, saan ba kami nagkulang ng pagpapaalala sa iyo ha?! Hindi ko nga alam na nagkaboyfriend ka tapos malalaman ko na buntis ka na?!” sigaw ng ginang.
Napahagulgol na lamang ang dalaga nang makitang iyak nang iyak ang kaniyang mga magulang.
“Ma, Pa, sana ay mapatawad pa ninyo ako. Alam kong malaki ang kasalanan ko sa inyo. Patawad po. Pero kahit na nabuntis ko, nakasisiguro naman po ako na hindi ako nagpabaya sa pag-aaral.
Pangako, palalakihin ko po ang anak ko ng maayos. Gaya ng kung paano ninyo ako pinalaki. Nagkamali po ako. Sana ay mapatawad niyo pa rin ako,” humahagulgol na sabi ni Jennifer sa magulang.
Nagyakap silang tatlo. Pinaramdam pa rin ng mama at papa ni Jennifer ang kanilang suporta. Kahit na masakit sa kalooban nila, buong-buong ang kanilang naging pagtanggap sa anak at sa ipinagbubuntis nito.
Hindi na rin bumalik pa si Rico kay Jennifer. Huling balita nila, nakipag-live in na ito at nakatakdang pakasalan na ang unang babaeng nabuntis.
Nagtigil panandalian sa pag-aaral si Jennifer dahil sa nalalapit na kabuwanan. Bagong taon noon nang kaniyang isilang ang batang lalaki na pinangalanan nilang Ivan.
Umagos ang mga luha ni Jennifer nang unang beses na masilayan ang anak. Pinagsisihan niya ang lahat ng masasamang ginawa at sinabi nung ipinagbubuntis pa niya ito.
“Mahal na mahal ka ni mommy. Sorry anak sa stress na dinulot ko nung nasa tiyan ka pa, pangako aalagaan at mamahalin kita ng sobra,” umiiyak na bulong niya sa sanggol.
Matapos makapahinga at pinagpatuloy ng babae ang pag-aaral. Nakapagtapos siya ng kolehiyo sa tulong ng mga magulang. Naging inspirasyon din niya ang anak sa lahat ng pagsubok na pinagdaanan.
Nagkaroon ng maayos na trabaho at naging regular si Jennifer sa isang banko bilang teller. Ngayon ay anim na taon na ang kaniyang anak at masayang namumuhay kapiling niya at ng mga lolo at lola niya. Lumaking mabait naman si Ivan at napakagalang.
Hindi na naghanap pa si Jennifer ng makakatuwang sa buhay. Masaya na siya sa piling ng anak. Sa pagpapalaki ng anak at trabaho na lang niya ginugol ang oras at panahon.
Ilang beses man na nadapa at ibinagsak ng problema, pinilit pa rin ni Jennifer na tumayo at muling magpatuloy. Lumaban siya para sa anak at mahal na magulang.
Kahanga-hangang tunay ang mga tulad niyang single mother. Taglay kasi nila ang kakaibang lakas upang kayanin ang halos lahat ng pagsubok sa buhay. Pilit nilang itinataguyod ng mag-isa ang mga anak at tumatayong ama at ina sa mga ito.
Kaya sa mga taong mapanghusga sa mga single mother, nawa ay makita at maisip ninyo ang kanilang sakripisyo bago sila tingnan ng mababa at laitin. Sila ang isa sa imahe ng mga matatag at malalakas na kababaihan sa ating modernong panahon.