Inday TrendingInday Trending
Halos Pagsakluban ng Langit at Lupa ang Anak ng Pedicab Drayber sa Hirap na Pinagdaanan; Grabeng Pagpapala naman Pala ang Kaniyang Tatamuhin

Halos Pagsakluban ng Langit at Lupa ang Anak ng Pedicab Drayber sa Hirap na Pinagdaanan; Grabeng Pagpapala naman Pala ang Kaniyang Tatamuhin

Anak si Jenna ng isang drayber ng padyak o pedicab. Padyak dito, padyak doon. Kung minsan ay umeekstra sa mga konstruksyon. ‘Yan ang ginagawa ng kaniyang butihing ama. Sa bawat pagpedal at padyak ng kaniyang paa, kapalit ay maliit na halaga. Pero kahit kailan, hindi niya ikinahiya ang trabaho ng ama.

“Isang balot lamang ng tuyo ang nabili ko. Lagyan na lamang natin ng asukal at suka upang kumasya sa ating apat,” saad ni Lando, ama ni Jenna.

Naitatawid nila ang gutom sa ganoong paraan. Labandera ang ina ni Jenna at mas matanda naman ng isang taon ang kaniyang kuya. Maagang namulat sa kahirapan ang mga bata kaya mas lalo nilang pinagsusumikapan at pinagbubuti ang pag-aaral.

“Mga anak, hindi na kasi kakayanin kung mangungupahan pa tayo doon sa maliit na bahay na dati nating tinirhan. Pasensiya na muna kung dito muna tayo manunuluyan,” malungkot na sabi ni Lando.

“O-okay lang po ‘tay… ang mahalaga ay mayroon po,” tugon naman ni Jenna.

Nanirahan sila sa isang bahay na gawa sa tagpi-tagping mga kahoy at yero. Nakatayo malayo sa ilog at parang kaunting ihip lang ng hangin ay liliparin na. Ngunit, ano bang pagpipilian nila? Sobrang hikahos sila sa buhay.

Labindalawang taon silang naninarahan sa squatter’s area na iyon. Hindi nila inaasahang may mas malaking dagok ng buhay pa palang nag-iintay sa kanila.

“Jenna, anak, gumising kayo! Tumayo kayo at bilisan ninyo!” nagmamadaling sigaw ni Lando.

“A-ano pong nangyayari?”

Lumingon-lingon si Jenna at nanlaki ang mga mata nang makitang tinutupok na ng apoy ang kanilang maliit na bahay. Hindi sila makahinga dahil sa makapal na usok na bumabalot sa paligid kaya’t mas lalo nilang binilisan ang kilos.

May mga luha sa mata nilang minasdan kung paano lamunin ng apoy ang nag-iisang lugar na matatawag nilang tahanan.

“Wag kayong mag-alala, gagawa ako ng paraan upang may matirhan tayong muli,” sabi naman ni Lando.

Lumipas pa ang mga araw, ngunit walang lugar ang pwedeng matuluyan ng mag-anak. Mahal ang mga paupahan at wala rin naman silang sapat na pera upang umupa sa pinakamurang apartment na pwede.

Sa loob ng pedicab sila pansamantalang tumira. Sa gabi’y ito ang kanilang pahingahan at sa umaga nama’y kanilang pinagkukunan ng kabuhayan.

Sariwang-sariwa pa sa alaala ni Jenna noon. Dahil maliit lang ang pedicab, dalawang tao lamang ang kasya roon. Kaya’t ang dalawa’y sa karton at maalikabok na semento sa tabi ng kalsada natutulog. Naranasan niyang matulog habang humahalik sa kanilang katawan ang rumaragasang tubig ulan na nagdulot ng mataas na baha.

“Nay?” pagtawag ni Jenna sa kaniyang ina. “Nay!” sigaw pa niyang muli.

“Anong nangyari sa nanay mo?” nag-aalalang tanong ni Lando.

“Tay, si kuya rin!” umiiyak na sabi ni Jenna.

Inaapoy ng lagnat ang kuya at ina ni Jenna. Nagsusuka ang mga ito at nakakaramdam ng matinding sakit ng sikmura at ulo pati na ng paninilaw ng balat.

Sinubukan nilang dalhin sa ospital ang mag-ina ngunit walang tumulong man lang sa kanila. Ang masakit na katotohanan talaga sa bansa, kung sino ang may pera, sila lamang ang gagaling sa karamdaman.

Pumanaw ang ina at kapatid na lalaki ni Jenna sa sakit na leptospirosis. Kung may pera lamang siguro sila, malamang, inuna na silang asikasuhin sa ospital. Marahil siguro nalunasan na ang karamdaman ng mga ito.

“Diyos ko… bakit grabeng pagsubok po ang dinaranas namin?” mahinang iyak ni Jenna.

Lugmok na lugmok si Lando sa pagkawala ng asawa’t anak. Tila ba isang buhangin na kay hirap lunukin ng nangyari. Hirap na hirap man sa sitwasyon, ngunit hindi magawang sumuko ni Jenna noon. Kailangan niyang maging matatag para sa ama.

Sa murang edad naranasan ni Jenna ang mamasukan bilang serbidora sa isang karenderya. Ayaw siyang tanggapin nang may-ari noong una, ngunit dahil sa pangungulit ng dalagita ay pumayag din ito.

Muli rin sinubukan kumayod ni Lando. Hirap man, ngunit kailangan ipagpatuloy ang buhay. Nakakuha naman sila ng maliit na tirahan kung saan kasya silang dalawa ni Jenna. Pansamantala nilang inupahan ang maliit na barong-barong malapit sa isang tulay.

Habang nagtratrabaho ay pilit na ipinagpatuloy ni Jenna ang pag-aaral. Hatid-sundo siya ng ama gamit ang pedicab na tanging naiwan sa kanila.

“Kaunti na lamang anak at makakatapos ka na ng hayskul,” nakangiting sabi ng lalaki habang pinipidal ang bisekleta.

“Opo, tay! Pipilitin ko rin po na makatapos ng kolehiyo para makaahon tayo sa hirap!” masiglang sagot naman ng dalaga.

Bahagyang napatahimik si Lando sa narinig. Kakayanin kaya nila ang mahal na matrikula?

“Anak, ang totoo niyan, hindi ko alam kung kakayanin ko ba ang tuition fee mo pag nagkolehiyo ka. Huwag kang mag-alala, pipilitin ko pa rin sa abot ng aking makakaya…” saad pa ng lalaki.

“Salamat tatay.. wag kayong mag-alala, tutulong rin po ako,” determinadong sagot naman ni Jenna.

Nakapagtapos si Jenna ng hayskul bilang class valedictorian. Nakakuha naman siya ng scholarship mula sa gobyerno. Dumagdag pa rito ang allowance at scholarship din mula sa kaniyang pagiging dean’s lister.

Trabaho sa umaga, aral naman sa gabi. Ganoon ang naging buhay ni Jenna. Determinado siyang makaahon mula sa hirap na kanilang kinalulugmukan.

Grabe rin naman ang ginawang pagpapagal ni Lando. Minsan kahit may sakit ay kumakayod pa rin para lamang ipangtustos sa pang-araw-araw na pangangailangan at pag-aaral ng anak.

Minsan habang natutulog, pasimpleng minasdan ni Jenna ang ama. Bakas na sa mukha nito ang katandaan at pagod.

“Salamat, tatay. Napakapalad ko dahil nagkaroon ako ng magulang na katulad mo. Kahit kailan hindi mo ako pinabayaan. Mahal na mahal kita, tay…” mahinang sabi ni Jenna.

Bigla naman pumatak ang luha mula sa mga mata ng lalaki.

“T-tay.. gising kayo?”

“Sorry, anak. Pinipigilan kong umiyak, pero hindi ko kinaya e. Mas masuwerte ako dahil nagkaroon ako ng anak na mabait, maganda at matalino gaya mo,” hagulgol pa ng ama.

Natawa naman si Jenna ng kaunti. “Baka lalo kang umiyak kapag may ibinalita ako sa’yo!” sabi pa ng dalaga.

“A-ano iyon? Wag mong sabihin na mag-aasawa ka na ha?” biro naman ng ama.

“Nako, tay, malabo iyon. Pero eto ang malinaw na malinaw,” ipinakita ng dalaga ang itim na toga at imbitasyon para sa nalalapit na pagtatapos.

Lalo tuloy naiyak si Lando. Kung lilingunin kasi nila ang pinagdaanan, sinong mag-aakala na makakarating sila ng ganoong kalayo.

“Makaka-graduate ka na anak ko. Salamat sa Diyos!”

Sa araw ng pagtatapos, muli na namang umiyak ang mabait na amain. Tila ba panaginip lamang kasi ang lahat.

“Tay, umiiyak na naman kayo!” natatawang biro ng dalaga.

“Parang panaginip kasi lahat, anak. Pero proud na proud ako sa’yo. Proud na proud din panigurado ang kuya at nanay mo sa langit,” pahayag pa ng ama.

“Proud din ako sa inyo, tay. Hindi posible lahat ng ‘to kung hindi kayo naging matatag noon. Nakatapos ako dahil sa suporta at pagmamahal niyo. Salamat tay, ang tagumpay ko ay tagumpay niyo rin. I love you, tay!” tugon naman ni Jenna na umiiyak na rin nang mga oras na iyon.

Nagmartsa si Jenna paakyat ng entablado, suot ang itim na toga na ipinangako sa sarili at magulang. Nagtapos rin siya bilang Summa Cum Laude sa kanilang batch.

“Tay, kayo ang dahilan ng aking tagumpay. Ang bawat padyak ng inyong paa sa araw-araw ay siya rin namang padyak ng akin. Nakarating ako sa tamang destinasyon dahil sa inyo. Bawat kilometrong tinatakbo mo ay siyang nagdala sa akin upang makamit ko ang tagumpay na ‘to. Salamat sa’yo tay at salamat sa Diyos!” mensahe ni Jenna matapos makamit ang parangal.

Ang bawat takbo ng pedicab ni Lando ay siya rin namang takbo ng buhay ni Jenna. Malayo ang narating ng dalaga dahil sa determinasyon at walang tumbas na suporta ng magulang. Sa pagtatapos na iyon ni Jenna, alam niyang simula pa lamang iyon ng kanilang paglalakbay patungo sa panibagong destinasyon – sa mas matagumpay na buhay.

Advertisement