Inday TrendingInday Trending
Ibang-iba ang Trato ng Mayamang Mag-asawa sa Kanilang Anak na Ampon; May Matinding Dahilan Pala Kung Bakit Nila Ginagawa Iyon

Ibang-iba ang Trato ng Mayamang Mag-asawa sa Kanilang Anak na Ampon; May Matinding Dahilan Pala Kung Bakit Nila Ginagawa Iyon

Lumaki si Danica sa isang mayaman at makapangyarihang pamilya. Tinitingala at tunay na nirerespeto ang kanilang angkan dahil sa kaban ng yaman na mayroon sila.

Bagamat napapalibutan ng karangyaan, lumaki si Danica na mayroong busilak at mapagkumbaba na puso. Marahil ay isa na rito ang katotohanang siya’y ampon lamang.

Iniwanan si Danica sa pintuan ng mayamang pamilya ilang linggo matapos siyang ipanganak. Walang anak na babae ang mag-asawang mayaman kaya buong puso naman nilang tinanggap ang sanggol.

Pero hindi tulad ng mga tunay na anak, hindi ganoong kapantay ang trato sa kaniya ng mga magulang. Napakahigpit ng mga ito at halos tila ba nagdudulot na ng sama ng loob kay Danica.

“Daddy, mommy, kailangan ko po sana ng bagong cellphone. Yung regalo niyo po kasi 4 years ago, nasira na po e,” saad ni Danica sa magulang. Nasa 4th year high school na siya noon.

“Saka ka na namin bibilhan. Siguruhin mo muna na kasama ka sa honor roll sa graduation at saka mo makukuha ang gusto mo,” sagot naman ng kinalakihang ama ni Danica, si Don Virgilio.

“O-opo, Daddy…” malungkot na tugon ng dalagita.

Ang mga kuya kasi niya, lahat ng gustuhin, maging pera o materyal man ay agad nakukuha kahit walang kapalit na anumang karangalan. Pero siya, kailangan pang igapang para lamang makuha ang naisin. Siguro ay dahil sa pagiging ampon niya, kaya ganoon kaiba ang trato ng magulang sa kaniya.

Nagtapos naman na Valedictorian si Danica noong hayskul. Pinagsumikapan niya ang karangalang iyon kaya’t labis ang tuwa ng kaniyang pamilya, lalong-lalo na si Don Virgilio.

Nang magkolehiyo, tila ba mas lumabas ang hindi pantay na pagtrato ng pamilya sa kaniya. Unti-unti tuloy na lumulobo st namumuo ang sama ng loob sa puso ng dalaga.

“Danica, medyo tagilid ang kompanya ngayon at kailangan maghigpit ng sinturon. Nais ko sana panatilihin mo ang scholarship na nakuha mo dahil sa pagiging class valedictorian noong hayskul.

Hindi ka namin masusuportahan sa lahat ng kailangan mo ngayong kolehiyo ka. Kailangan mong makipagtulungan sa amin kung nais mong magpatuloy,” saad naman ni Donya Esterlita, kinalakihang in ani Danica.

“S-sige po, mommy. Gagawin ko po ang lahat para mapanatili ang scholarship ko at makatulong sa pamilya,” tugon naman ng dalaga.

Napaluha ang dalaga pagkatapos ng usapang iyon. Parang noong nakaraan lamang kasi bumili lang ng bagong sasakyan ang kaniyang mga kapatid. Ang ilan ay nag-tour pa sa ibang bansa. Bakit ibang-iba ang trato pagdating sa kaniya?

“Kasi ba ampon lamang ako?” umiiyak na bulong ni Danica sa sarili.

Nag-aral ang kaniyang mga kapatid sa unibersidad na sikat at mamahalin, pero siya, kailangan pa niyang pagsumikapan at igapang para lamang makapag-aral.

Nagsunog mga ng kilay si Danica at pinagtuunan ang pag-aaral. Hirap na hirap man, pero kinailangan niyang maging matatag upang makatapos. Hanggang sa dumating ang araw na nakapagtapos siya bilang Magna Cum Laude.

“Proud na proud kami sa’yo, anak!” saad ng magulang ng dalaga.

“Salamat po. Para sa inyo po ang lahat ng ito,” tugon ni Danica.

Nagtrabaho si Danica sa kompanya ng kaniyang magulang. Ngunit kagaya ng karamihan, nagsimula siya sa mababang pwesto na labis ipinagtaka ng karamihan doon. Anak siya ng may-ari pero napakababa ng posisyon na ibinigay sa kaniya.

Kahit na ang dalaga ay may pagtataka, ngunit pinagpatuloy niya ang maayos na pagtratrabaho. Marami siyang nakilala doon na tao. Maraming naging bagong kaibigan, simula sa pinakamababa hanggang pinakamatataas na posisyon. Minahal ng tao ang mababang loob ni Danica at kinagiliwan ng sobrang ng lahat.

Dumating ang araw naman na nanghina na ang Don at nagkaroon ng karamdaman. Hindi pa naman ganoon kalala subalit iniayos na ang lahat ng ipapamanang ari-arian.

Nagkaroon ng pagpupulong ang mag-anak. Doon ikinasurpresa ng lahat, lalo na ni Danica, ang mga nalaman.

“Ang 60% ng ari-arian ay mapupunta sa tatlong lalaking anak ni Don Virgilio. Kanila itong paghahati-hatian. Samantala, ang 30% naman ay mapupunta sa kaniyang asawa, gaya ng kanilang napagkasunduan na mag-asawa. Habang ang 10% naman ay mapupunta sa anak na babae,” saad ng attorney sa kanilang pagpupulong.

“Kung may katanungan kayo o nais ipabago sabihin na ninyo,” wika naman ni Donya Esterlita.

“Wala na po. Ayos na kami sa hatian namin,” sabi naman ng mga anak na lalaki.

“Ikaw, Danica? Anong masasabi mo?” tanong naman ni Don Virgilio.

“W-wala po. Kung iyon po ang nais niyong ibigay sa akin, tatanggapin ko po,” mapait na sagot naman ng dalaga.

Hindi magawang umangal ni Danica, dahil una sa lahat, ampon lamang siya. Pero labis na sama ng loob ang kaniyang nadarama. Kitang-kita kung paanong hindi pantay ang trato sa kaniya. Pero wala siyang ibang pwedeng magawa kundi tanggapin lamang.

Nagkaroon naman ng malaking pagpupulong at selebrasyon sa kompanya. May mahalagang iaanunsiyo daw si Don Virgilio.

Nagtungo lahat ng empleyado sa palapag kung saan ginaganap ang malalaking pagpupulong at pagdiriwang.

“Maraming salamat sa pagpunta ninyo rito. Maikli lamang itong sasabihin ko at nais ko sanang ang lahat ng nandito ay makaalam nito.

Ako ay bababa na sa pagiging presidente ng kompanya. Ipinatawag ko kayo upang ipaalam ito sa inyo lahat at para na rin ipakilala ang bagong papalit sa akin.

Matanda na ako at nais ko rin naman na masulit ang aking mga pinagpaguran kaya ngayon, kilalanin ninyo ang bago ninyong boss…” pahayag ng Don na may halong pambibitin.

Napatingin si Danica sa panganay na kapatid na nakaupo sa may unahan ng kanilang ama. Huminga na lamang siya ng malalim dahil alam naman niya na sa tunay na anak pa rin ipagkakatiwala ang lahat.

“Walang iba kundi ang aking pinakamasunurin at masipag na anak – si Danica. Palakpakan ninyo ang bago ninyong boss!” anunsiyo ng Don.

“A-ako?” hindi makapaniwalang sabi ni Danica. “P-paano?”

Nagbigay ng maikling mensahe si Danica. Pagkatapos ay kinausap naman siya ng ama.

“Pagkatapos mo rito, sumunod ka sa amin sa private beach resort natin sa Batangas. Uuna na kami doon. Iintayin ka namin, anak,” wika ni Don Virgilio.

At sumunod nga si Danica doon. Natagpuan niya ang ama na nakaupo sa may tabing-dagat at nakatitig sa maliwanag na buwan.

“Daddy? Pasensiya na po at ngayon lamang ako nakarating,” pagbati ni Danica.

“Ayos lamang, anak. Pero ang totoo niyan, kanina pa kita iniintay. Halika, maupo ka rito sa tabi ko,” pag-aya naman ng ama.

“Salamat, dad…”

Umupo si Danica sa tabi ng ama at isinandal ang ulo sa balikat nito.

“Hindi mo siguro inaasahan ang mga kaganapan,” pagbasag ng Don sa katahimikan. Minasdan niyang saglit ang anak at ngumiti. “Isa na talagang ganap na dalaga ang unica hija ko. Alam mo, anak, sa inyong magkakapatid, sa’yo ako pinaka-proud.”

Napatingin naman ang dalaga sa ama at nangilid ang mga luha, “Dad…” mahinang sabi nito.

“Ang 10% na parte mo ay ang kompanya, anak. Siguro ay nagdaramdam ka sa amin, dahil sa hindi pantay na tratong natatanggap mo. Totoo nga, anak. Sinadya talaga namin iyon ng mommy mo. Kailangan kasi…

Bata ka pa lamang, nakitaan na kita ng potensiyal. Napakamasinop mo, masipag, mapagkumbaba at matalino. Marunong kang magpahalaga sa mga bagay-bagay at lahat ay pinaghihirapan mo. Katangi-tangi ka, anak.

Sinadya naming hayaan na paghirapan mo ang lahat ng mayroon ka, upang kapag dumating ang araw, maging responsable ka lalo na kapag ikaw na ang may hawak ng kompanya.

Ipinasok kita sa kompanya sa mababang posisyon upang maranasan mo ang nararanasan ng mga tao sa ibaba, nang sa ganoon, magkaroon ka ng koneksyon sa paghihirap nila. Mas maiintindihan mo sila at mas mauunawaan mo na sila ang buto sa likod ng kompanyang ito. Nakakatayo tayo dahil sa kanila.

At higit sa lahat, tanging ang kompanya lang ang ibinigay ko sa’yo, dahil kumpara sa mga kuya mo, ikaw lang ang may kakayahang palaguin ang lahat ng mayroon ka. Namuhay sila sa luho at materyal, pero namuhay ka sa disiplina at pagpapagal, kaya anak, lahat ng ibinigay ko sa kanila ay kaya mong kitain at makuha ng higit sa doble pa.

Mahal na mahal kita, anak. Ang pagdidisiplinang ginawa ko ay para sa ikabubuti mo, pero hindi ibig sabihin noon ay hindi pantay ang pagmamahal namin sa’yo. Ngayon, alam kong handa ka na sa mas malalaking responsibilidad. Proud na proud ako sa’yo unica hija ko,” naluluhang pahayag ng don sa anak. Yumakap ito at humalik sa noo ng dalaga.

“Mas naiintindihan ko na ngayon, daddy. Sobrang mahal niyo ako kaya inihanda niyo ako. Ganoon ang pagpapahalaga niyo sa akin para ipakita sa akin ang mundo sa labas ng yaman na mayroon tayo. Salamat sa aral, dad. Pangako, hindi ko kayo bibiguin,” umiiyak ng sabi ni Danica. Niyakap niya ng mas mahigpit ang ama.

Napagtanto ni Danica na labis pala ang pagpapahalaga sa kaniya ng magulang. Pinaranas sa kaniya ang paghihirap upang maging handa siya sa buhay at malaking responsibilidad na nag-iintay.

Naging napakabisang boss naman ni Danica sa kompanya. Minahal siya ng sobra ng mga tao dahil sa kababaan ng loob at pagmamahal sa kapwa. At gaya nga ng inaasahan, napalago niya ang kompanya ng higit pa sa nagawa ng kaniyang ama noong nakaupo pa ito sa posisyon.

Kung minsan, naghihigpit ang mga magulang natin hindi dahil sa hindi nila tayo mahal, kundi dahil nais lamang nilang mas mapabuti tayo sa buhay na ito. Inihahanda nila tayo sa buhay upang mas maging responsible at mas mabuting tao.

Advertisement