Inday TrendingInday Trending
Sa Murang Edad ay Natuto Nang Magsakripisyo Para sa Pamilya ang Dalaga; Isang Pangyayari ang Magmumulat sa Kaniya sa Isang Realisasyon

Sa Murang Edad ay Natuto Nang Magsakripisyo Para sa Pamilya ang Dalaga; Isang Pangyayari ang Magmumulat sa Kaniya sa Isang Realisasyon

“Mika! Ihanda mo na nga ang lamesa! Naku, dadating na ang ate mo galing eskwela!” pasigaw na bulyaw ni Marisa sa pangalawang anak.

“Ma binibihisan ko pa po si Jonji!” natataranta namang sabi ng disisiete anyos na dalagang si Mika dahil sa sunod-sunod na utos ng ina.

“Hala’t unahin mo muna ang hapag!” sumunod naman si Mika at bumaba sa kusina. Hinanda niya ang pinritong manok at mainit na sabaw. Bihira lang magluto ang nanay niya dahil madalas ay biling ulam lang sila. Pero dahil uuwi ng linggong iyon ang kaniyang nakatatandang kapatid ay talagang nag-abala itong maghain ng masasarap. Nang akmang papapak siya ng manok ay hinampas ng ina ang kaniyang kamay.

“Ano, mauuna ka pa sa ate mo? Balikan mo si Jonji doon at umiiyak na!” malakas na bulyaw nito sa tainga niya. Magrereklamo pa sana siya ngunit pinandilitan siya nito. Nakasimangot na pumanhik na lamang ang dalaga.

Matagal nang unti-unting namumuo ang maliit na tampo sa kaniyang puso dahil halata naming paborito ng ina si Ate Mira niya. Matalino kasi ito, achiever sa eskwela at kung saan-saan pang lugar naipadadala upang ipanlaban sa mga patimpalak. Sa labas ng bahay nila ay proud na proud ang lahat sa kapatid niya. Mahirap lang daw sila ngunit napakaswerte ng ina niya na kahit wala na ang tatay, may anak naman itong maganda ang kinabukasan. Habang siya naman ay bahagyang mahina ang kokote. Nung mag-isa na lamang na kumakayod ang ina ay wala itong nagawa kung hindi patigilin muna sa pag-aaral ang isa sa kanila. At malamang, siya muna ang kailangan daw magsakripisyo para sa kapatid niya. Dahil talaga naming naaawa rin siya sa ina ay tinanggap niya iyon, kahit na paminsan-minsan ay naiinggit siya sa mga kababatang ngayon ay malapit nang magsipagtapos ng high school.

“Mira anak ko! Naku, pumuti at gumanda ka anak! Iniinom mo ba ang vitamins na ipinadala ko sa dorm mo? Siya’t pumasok ka na sa loob at kumain,” masiglang salubong ni Aling Marisa sa anak na ngayon ay nasa kolehiyo na.

“Hindi pa ako gutom.” Iyon lang ang sagot ng ate sa nanay. Nakita naman ni Mika na nalungkot ang ina.

“Ate Mira, huwag ka ngang maarte dyan. Bilisan mo at gutom na rin kami!” sabi ni Mika.

“Anong sabi mo?! Maarte! Eh hindi pa nga ako gutom eh! Edi mauna na kayo,” pinandilatan naman siya nito. Pareho ang ate niya at nanay na may malakas na boses at maikling pasensya kaya naman hindi na lang umimik si Mika.

“Naku Mika eh hayaan mo na nga ang ate mo. Sige na anak magpahinga ka na, ikaw Mika pakainin mo sabay sayo si Jonji,” sabi sa kaniya ng ina.

Bakasyon na sa eskwela kaya kumpleto silang pamilya sa haya. Ngunit kahit ganoon ay ni ayaw man lamang ni Aling Marisa na pagawain sa bahay si Mira. Sa halip, kay Mika pa rin naiiwan ang lahat ng mga gawain.

Isang araw ay kinailangan ni Aling Marisa na magstay-in para sa trabaho nito kaya ibinilin nito ang lahat sa pangalawang anak.

“Oh Mika, tatlong araw lang ako mawawala kaya’t ikaw muna ang bahala dito. Bantayan mo si Jonji, at hayaan mo ang ate mo magpahinga, magsakripisyo ka naman,” sabi nito. Gusto naman talagang makatulong ni Mika sa ina ngunit sa pagkakataong iyon ay tila ba bumigat ang kaniyang pakiramdam. Matipid na ngiti lang at tango ang sinagot niya.

Pumutok ang malaking away sa pagitan ng magkapatid sa pag-alis ng ina. Iyon ay dahil isang araw na naglilinis si Mika ay may nakita siyang kaha ng sigarilyo na nilalaro ng kapatid na si Jonji. Nadiskubre niyang matagal na palang lulong sa sigarilyo ang Ate Mira niya.

“Eh ano bang pake mo?! Pera mo ba pinambibili ko niyan? Inutil na ‘to!” nandidilat ang matang sigaw sa kaniya ni Mira nang komprontahin niya ito.

“Pero ate! Di mo ba naiisip si nanay?! Ano na lang mararamdam-“ Isang malakas na sampal ang pinadapo nito sa mukha niya. Nauwi iyon sa sigawan at sabunutan. Di nila namalayan ang pagtakbo palabas ni Jonji habang umiiyak.

Matapos ang pag-aaway ay duon lang nila napagtanto na ilang oras nang wala sa bahay ang limang taong gulang na kapatid. Lumabas si Mika upang hanapin ito, ngunit tuluyang naalarma nang hindi ito kaagad matagpuan.

Pati si Mira ay napilitang lumabas ng bahay upang tumulong maghanap nang tatlong oras na ay hindi pa ito matagpuan pati ng mga tanod sa barangay. Nakalimutan na ng magkapatid ang alitan at napalitan iyon ng labis na pag-aalala. Hanggang sa isang bata ang humahangos na lumapit sa kanila at sinabing nahulog daw pala ito sa dagat malapit sa kanila.

Mabuti ay mabilis na nakaresponde ang mga tanod at nasagip si Jonji. Agad ding napasugod si Aling Marisa nang makarating sa kaniya ang balita.

“Anak ko! Diyos ko! Ikaw!” sigaw ni Aling Marisa sabay hampas kay Mika, “Sinabi ko sayong bantayan ang kapatid mo! Wala ka talagang silbi! Kasalanan mo ‘to!”

Ang kinikimkim na sama ng loob ng dalaga ay tuluyang sumabog. Tumakbo siya palabas ng ospital na hilam ang mata sa luha. Naisip niyang puro na lang siya ang nagsasakripisyo ngunit sa huli ay walang nakakakita nuon. Matagal hindi nagpakita ang dalaga sa ospital. Ang pusong pinatigas ng hinanakit ay napalambot naman nang mabalitaan nitong nagising na daw si Jonji, nagpasya ito na bumisita na sa ospital.

Nakayukong pumasok sa kwarto si Mika at agad na niyakap ang kapatid. Naluha siya sa tindi ng naramdamang pag-aalala at tuwa. Naramdaman niya ang ina na hinahagod ang kaniyang likuran.

“Mika, anak ko.. patawarin mo din si nanay dahil sa nagawa ko. Wala kang kasalanan sa nangyari, ang totoo ay nakakahiya ako. Ako ang nanay, ngunit napagtanto ko na lubos ang pagsasakripisyo mo, at hindi ko man lang iyon nasuklian ng maganda,” sabi nito atsaka yumakap sa kaniya.

Lalong naluha si Mika nang maramdaman ang yakap ng Ate Mira niya.

“Patawarin mo rin ako, Mika. Nalunod ako sa sarilin kong mga problema… ako ang matanda, ngunit sa inyo ni nanay naiwan lahat ng hirap. Sana ay makabawi din ako sa inyo,” sabi ni Mira na lumuluha na din.

Nananatili ang pamilya sa loob ng mainit na yakap. Sa mga sandaling iyon, napawi ang lahat ng hinanakit sa puso ni Mika. Doon niya napagtanto na hindi lang siya, ngunit bawat isa naman sa kanila ay may isinasakripisyo para sa pamilya, at init ng yakap lang ang kailangan nila upang maramdaman na suportado nila ang isa’t isa sa anumang laban ng buhay.

Advertisement