Malagim na Pangyayari ang Nagpaguho sa Pag-asa sa Puso ng Binata; Isang Hindi Inaasahang Pangyayari Rin Pala ang Bubuo Muli Nuon
Sabado, tanghali na nang magising si Noel kinabukasan dahil sa sobrang pagod nitong mga nagdaang araw. Kinailangan niya kasing umekstra ng kikitain, dahil bukod pa sa pinapadala niyang panggastos at sa pag aaral ng kaniyang kapatid sa probinsiya, kinailangan pang isugod sa ospital ang kaniyang ina dahil sa sakit nito sa puso.
Disiotso anyos lamang siya nang makarating sa Maynila, mahirap makahanap ng trabaho kahit tapos ka hanggang sekondarya, ngunit nakipagsapalaran pa rin siya. Kasalukuyan siyang nagtatrabaho bilang isang factory worker at sa gabi nama’y umeekstra siya ng trabaho sa bar hanggang alas dose ng umaga.
“Kamusta na si inay, Ne?” Bungad na tanong niya sa nakababatang kapatid nang bigla itong tumawag habang lakad takbo niyang tinatahak ang makipot na eskinita sa kanilang lugar.
“Okay na naman si inay kuya, nakuha na namin yung pinadala mong pera,” sagot naman nito sa kabilang linya. Napanatag naman ang loob niya sa nabalitaan at mabilis na nagpaalam dito dahil pasakay na siya ng jeep.
Dali-dali siyang bumaba nang makita niya ang pamilyar na mag-inang nakaupo sa gilid ng kalsada na maaga pa lang ay namamalimos na. Tulad ng nakasanayan, patakbo siyang lumapit at naglagay ng singkwenta pesos sa lumang lata sa harap nila.
“Salamat,” nakangiting turan ng ginang sa kaniya. Muli’y nginitian niya lang ang mga ito at walang sabi sabing umalis.
Dalawang linggo na ang nakalilipas, malapit na naman ang katapusan ng buwan. Pagod sa trabahong umupo si Noel sa tapat ng maliit niyang lamesa at nagsimulang magkwenta ng mga paparating na bayarin. Kinailangan niyang magtipid at pagkasiyahin ang natitira niya nalang na budget hanggang sa makasahod siya. Cup noodles nga lang ang iniulam niya ngayon para makatipid.
Kinabukasan ay nakatanggap siya ng tawag mula sa kaniyang kapatid. “O Ne ba’t ka napatawag?” Tanong niya.
“Ah kuya kasi malapit na bayaran ng tuition fee namin e, hanggang katapusan nalang yun, nabanggit ko na sa ‘yo yun dati diba?”
“Wag kang mag-alala makakabayad ka ngayon ng mas maaga, itinabi ko talaga ang pang matrikula mo. Alam mo naman ikaw ang pag-asa ko bunso!”
“Talaga kuya? Naku salamat naman!”
“Oo, kaya ikaw pag igihan mo ang pag-aaral mo dahil para rin yan sa kinabukasan mo.”
“Pangako ko sa’yo kuya, kapag nakatapos ako, ‘di mo na kailangang kumayod dyan sa Maynila ng bonggang-bongga!” Natawa siya sa tugon nito at napaisip. Kaunting tiis nalang at magtatapos na ang kapatid niya bilang isang guro. Inisip niya na lahat ng pagod niya ay magbubunga na rin sa wakas, na ang pangarap niyang makatapos ng kolehiyo ay natupad niya sa kaniyang kapatid. Napapangiti na lamang siya sa isiping iyon.
Maagang gumising si Noel kinabukasan, maglalakad lang kasi siya papasok upang makatipid sa pamasahe. ‘Di naman sobrang layo ng kaniyang pinapasukan mula sa inuupahan niya.
Malapit na siya sa kumpaniya nang madaanan niyang muli ang mag-ina sa gilid ng kalsada. Nilingon niya ang batang natutulog pa sa tabi ng nanay nito. Dinukot niya ang kaniyang pitaka sa bulsa at may pagdadalawang-isip kung bibigyan ba ito o hindi, ngunit nanaig pa rin sa kaniya ang awa dahil nakikita niya dito ang kaniyang inay. Tulad ng dati, naglagay uli siya ng singkwenta sa lata. Narinig niya nalang na napapalatak ang isang ale sa tabi na nagtitinda ng sigarilyo at candy.
“Tsk! Tsk! Tsk! Palagi mo na lang binibigyan ‘yan, kaya namimihasa,” parang galit na sabi nito.
“Nakakaawa naman po, mukhang hirap nang makalakad si nanay eh.”
“Ay naku baka umaarte lang ‘yan, maraming modus na ganiyan sa panahon ngayon. O eto bumili ka nalang ng yosi,” alok nito na mabilis niyang tinanggihan.
Dumating na ang pagtatapos ng pasukan sa eskwela ngayong taong ito, at bukas ay gagraduate na ang kapatid niya. Labis na kagalakan ang kaniyang nadarama maging ng kaniyang ina at kapatid nang huli silang nagkausap nito. Isang masamang balita ang natanggap niya mula sa kaniyang ina kinagabihan.
“A-anak, ang k-kapatid mo,” lumuluhang bungad na kaniyang ina sa kaniya.
“Nay? Bakit ho kayo umiiyak, anong nangyare kay Nene?”Kinakabahang tanong niya.
“W-wala na ang kapatid mo Noel, ang anak ko!” Lalo pang napahagulgol na saad ng kaniyang ina.
“H-ho? Paano? Bakit? A-ano..?” ‘Di makapaniwala si Noel sa kaniyang mga naririnig ng mga oras na iyo. Malalim na raw ang gabi nang umuwi ito dahil nagkasiyahan pa silang magkakaklase, pero nang pauwi na ito’y may humarang ditong mga kalalakihan saka pinagsamantalahan at basta na lamang iniwan ang malaming na katawan nito sa talahiban. Nanginginig na napaupo na lamang si Noel habang napatulalang tahimik na lumuluha.
Parang kahapon lamang ay napakasaya nilang pamilya, kahapong puno ng kagalakan na sa isang iglap lamang ay naging sakit at hinagpis. Parang kahapon lamang ay bumuo sila ng mga pangarap, ngunit ngayon ay tuluyan na iyong gumuho at naglaho.
Hapon na kinabukasan nang pasakay na siya ng jeep papuntang terminal ng bus pauwi sa probinsiya. Dala ang mga gamit, napagpasiyahan niyang sa probinsiya na uli manirahan kasama ang kaniyang ina pagkatapos ilibing ang kaniyang kapatid. Ngayon dapat ang graduation ng kapatid niya, wala sa sariling naglalakad siya nang may tumawag sa kaniya.
“Kuya! Kuya!” Agad niyang nilingon ang pinanggalingan ng boses na iyon. Nakita niya ang isang batang nakaunipormeng patakbong lumalapit sa kaniya.
“Para po sa inyo,” inabutan siya nito ng isang medalya.
Nagtaka siya at tiningnan mabuti ang bata. Maitim ito dahil sa bilad sa araw, luma na ang itim na sapatos nito pero nilinis ito at pinakintab, malinis naman ang manila-nilaw na uniporme nito ngunit gusot. Nabigla siya nang makilala niya ang batang babae!
“Alam niyo po kuya, napakalaking tulong po ng singkwenta pesos na lagi nyong binibigay sa amin sa pag-aaral ko,” hindi siya makapagsalita sa narinig.
“Ibinibigay po sa akin yun ni inay pangbaon, at nakakaipon ako pang project at ibang gastusin sa school, kanina po graduation namin at nagtamo ako ng pinakamataas na karangalan, salamat po. Wala po akong maisusukli ngayon kung hindi ‘yang medal at saka po, ipagpapatuloy ko ang mga pangarap ko!” taos pusong sabi nito.
Nakita niya sa mga mata nito ang labis na kasiyahan. Mga matang punong-puno ng pag-asa sa mga darating pang hamon ng buhay. Pag-asa, isang bagay na muntik nang kumawala sa kaniyang mga palad, ngunit sa isang sulyap lang sa batang ito ay muling nagbalik at nagpaalala.
Kahit anong dagok ang dumaan sa ating buhay, ang hirap, sakit, pagdurusa, lahat ng ito’y malalampasan din natin sapagkat sa bawat ulan o unos man na dumaan, sa huli ay may bahaghari at araw na sisikat na magbibigay liwanag at pag-asa sa atin.
Nakangiti at umiiyak na niyakap niya ang bata sabay bulong ng ‘salamat’.